Tanong
Ano ang panloob na pagkatao?
Sagot
Ginamit ni Pablo ang salitang “panloob na pagkatao” ng ilang beses sa kanyang mga sulat (2 Corinto 4:16; Efeso3:16). Sinasabi sa Roma7:22–23, “Sapagka't ako'y nagagalak sa kautusan ng Dios ayon sa pagkataong loob: Datapuwa't nakikita ko ang ibang kautusan sa aking mga sangkap na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pagiisip, at dinadala akong bihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.” Ang “panloob na pagkatao” o “pagkataong loob” ay isang paraan upang ilarawan ang espiritwal na aspeto ng tao. Ang “panlabas na pagkatao” naman ay ang nakikita at panlabas na sangkap ng isang tao.
Ang tao ay nilikha ng Diyos na may espiritu, kaluluwa, at katawan (Genesis 1:27; 1 Tesalonica 5:23). Sinasabi na hindi tayo mga katawang may kaluluwa; tayo ay mga kaluluwang may katawan. Ang katawan - ang “panlabas na pagkatao” - ay ang ating pisikal na tahanan at sa pamamagitan nito natin nararanasan ang mundo. Nagagampanan ng ating katawang lupa ang kanyang gawain sa pamamagitan ng limang pandama at sa pamamagitan ng pagtagpo sa ating mga likas na pangangailangan na nagtutulak sa atin upang kumain, uminom, at matulog. Hindi masama ang ating mga katawan, sa halip, kaloob ito sa atin ng Diyos. Ninanais ng Diyos na isuko natin sa Kanya ang ating mga katawan bilang mga handog na buhay (Roma 12:1–2). Nang tanggapin natin ang kaloob na buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo, ang ating mga katawan ay naging templo ng Banal na Espiritu (1 Corinto 6:19-20; 3:16).
Ang ating kaluluwa ang sentro ng ating personalidad kung saan gumagana ang ating isip, kalooban at emosyon. Sa pamamagitan ng ating kaluluwa, nagdedesisyon tayo kung susundin natin ang mga pita ng ating laman o kung susundin natin ang kalooban ng Banal na Espiritu (Galacia 5:16–17; Roma 8:9; Markos 14:38). Ang kaluluwa ng tao ay tulad sa isang silid ng paglilitis kung saan natin ginagawa ang mga desisyon natin sa buhay. Ito ang sentro ng ating buhay at ang bukal kung saan nanggagaling ang ating mga katangian at kalooban bilang tao gaya ng pagtitiwala sa sarili, pagkaawa sa sarili, paghahanap sa pansariling kasiyahan, at pagpuri sa sarili.
Ang ating espiritu ang komokontrol sa ating panloob na pagkatao tungkol sa mga sinasabi ng Kasulatan. Nakikipagugnayan sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng ating espiritu. Sinabi ni Hesus, “Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan” (Juan 4:24). Ang ating espiritu ang isinisilang na muli (Juan 3:3–6). Ang panloob na pagkatao ang komokontrol sa ating konsensya na inuusig at pinakikilos ng Banal na Espiritu (Juan 16:8; Gawa 24:16). Ang ating espiritu ang bahagi ng ating pagkatao na mas kawangis ng Diyos, at may likas na kaalaman tungkol sa tama at mali (Roma 2:14-15). Sinasabi sa 1 Corinto 2:11, “Sapagka't sino sa mga tao ang nakakakilala ng mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao, na nasa kaniya? gayon din naman ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban na ng Espiritu ng Dios.”
Hinihikayat tayo sa Roma 12:1–2 na huwag makiayon sa takbo ng mundo; sa halip, dapat na mabago ang ating panloob na pagkatao sa pamamagitan ng “pagpapanibago ng ating pagiisip.” Ang pagbabagong ito ng ating isip ay naisasakatuparan habang hinahayaan natin na pagharian ng Banal na Espiritu ang ating panloob na pagkatao. Nagsisimula Siyang baguhin ang ating mga kilos at pagnanais upang maging katulad ng sa Kanya. Sinasabi sa Roma 8:13–14, “Sapagka't kung mangabuhay kayo ng ayon sa laman, ay mangamamatay kayo; datapuwa't kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, ay mangabubuhay kayo. Sapagka't ang lahat ng mga pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios, ay sila ang mga anak ng Dios. ”
Idinetalye sa Roma 7 ang madalas na paglalaban sa pagitan ng ating laman at espiritu. Ninanais ng ating espiritu na isinilang na muli sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos na sundin at gawin ang kalooban ng ating Panginoong Hesus. Ngunit ayaw ng ating laman na mamatay ng napakadali. Ipinaliwanag sa Roma 6 kung paanong maaari nating payagan ang ating panloob na pagkatao na magtagumpay laban sa ating laman. Sinasabi sa mga talatang 6 at 7, “Na nalalaman natin, na ang ating datihang pagkatao ay kalakip niyang napako sa krus, upang ang katawang salarin ay magiba, at nang sa gayo'y huwag na tayong maalipin pa ng kasalanan; Sapagka't ang namatay ay ligtas na sa kasalanan.” Kung hindi natin ituturing ang ating mga sarili na “ipinakong kasama ni Kristo” (Galacia 2:20), makikipaglaban para sa paghahari ang ating katawan at kaluluwa laban sa ating espiritu. Patuloy tayong mamumuhay sa pagkatalo hanggat hindi tayo namamatay sa ating sarili at hanggat hindi natin hinahayaan na ganap na kontrolin ng Banal na Espiritu ang lahat ng aspeto ng ating buhay - ang ating panloob at panlabas na pagkatao.
Nais ng Diyos at disenyo Niya para sa atin na mamuhay tayong lagi na pinangungunahan ng ating kalikasan na isinilang na muli na nakaugnay sa Espiritu ng Diyos. Ngunit nais maghari ng ating makasalanang kalikasan, kaya nga nagpapatuloy ang isang espiritwal na digmaan. Isang tanong na makikita sa Roma 7:24 ang dapat na itanong ng isang masugid na tagasunod ni Kristo: “Sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan?” Sinagot sa talatang 25 ang tanong na ito: “Nagpapasalamat ako sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo na Panginoon natin!” Nakasalalay sa lalim ng pagpapailalim ng ating panloob na pagkatao sa pagkontrol ng Banal na Espiritu ang lalim ng ating patuloy na pagtatagumpay laban sa makasalanang kalikasan ng ating laman. English
Ano ang panloob na pagkatao?