Tanong
Ano ang pansamantalang kalagayan ng mga kaluluwa?
Sagot
Ang “intermediate state” o pansamantalang kalagayan ng mga kaluluwa ay isang konsepto sa teolohiya na nagpapalagay kung ano ang uri ng katawan ng mga mananampalatayang nasa langit (kung mayroon man) habang naghihintay sila sa pagkabuhay na mag-uli ng kanilang mga pisikal na katawan. Malinaw na itinuturo ng Bibliya na ang mga namatay na mananampalataya ay kasama ng Panginoon (2 Corinto 5:6-8; Filipos 1:23). Itinuturo din ng Bibliya na hindi pa nagaganap ang pagbuhay na muli sa katawan ng mga mananampalataya na nangangahulugan na ang katawan ng mga namatay na mananampalataya ay nasa lbingan pa (1 Corinto 15:50-54; 1 Tesalonica 4:13-17). Kaya ang katanungan tungkol sa pansamantalang kalagayan ng kaluluwa ay kung binigyan ba ng Diyos ng pansamantalang katawan ang mga mananampalataya sa langit o kung sila ay walang pisikal na katawan kundi espiritu/kaluluwa lamang at walang pisikal na sangkap habang hindi pa nagaganap ang pagbuhay na muli sa kanilang katawan.
Hindi nagbibigay ang Bibliya ng maraming impormasyon tungkol sa pansamantalang kalagayan ng mga mananampalataya sa langit. Ang tanging talata na partikular ngunit hindi direktang tumutukoy sa isyung ito ay ang Pahayag 6:9 kung saan mababasa, “nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Dios, at dahil sa patotoong sumakanila.” Sa talatang ito, binigyan si Juan ng pangitain ng mga taong papatayin dahil sa kanilang pananampalataya sa mga huling panahon. Sa pangitaing ito, ang mga mananampalatayang pinatay ay nasa ilalim ng dambana ng Diyos sa langit at inilarawan bilang mga “kaluluwa.” Kaya, mula sa isang talatang ito, kung may sagot ang Bibliya patungkol sa pansamantalang kalagayan ng mga taong nasa langit, masasabi na ang mga mananampalatayang nasa langit ngayon ay nasa espiritwal na anyo at walang pisikal na katawan hanggang hindi muling binubuhay ang kanilang katawan sa muling pagkabuhay ng mga patay.
Ang permanenteng langit na naghihintay sa mga mananampalataya ay ang bagong langit at bagong lupa (Pahayag 21-22). Tunay na ang langit ay isang pisikal na lugar. Ang ating mga pisikal na katawan ay muling bubuhayin at luluwalhatiin at gagawing perpekto at angkop para sa walang hanggan sa bagong langit at bagong lupa. Sa kasalukuyan, ang langit ay isang lugar para sa mga kaluluwa/espiritu. Makikita na walang pangangailangan ang mga mananampalataya para sa pisikal na katawan sa langit. Anuman ang pansamantalang kalagayan ng mga namatay sa langit, nakatitiyak tayo na sila ay nasa isang perpektong lugar ng kakuntentuhan at lubos na nasisiyahan sa kaluwalhatian ng kalangitan at nagpupuri sa kabanalan ng ating Panginoon.
English
Ano ang pansamantalang kalagayan ng mga kaluluwa?