Tanong
Ang Papa ba ngayon o ang susunod na Papa ang Antikristo?
Sagot
Napakaraming haka-haka tungkol sa pagkakakilanlan sa antikristo. Ang isa sa madalas na nagiging ‘biktima’ ng mga haka-hakang ito ay ang Papa ng Simbahang Romano Katoliko. Noong panahon ng repormasyon ng mga Protestante, kumbinsido si Martin Luther at ang kanyang mga kasamahan na ang Papa sa kanilang kapanahunan noon ang antikristo. Pinaghinalaan din na antikristo si Papa Juan Pablo II bago siya mamatay. Gayundin ang turing sa nagretirong Papa na si Benedict XVI. Pinaghihinalaan din na ang kasalukuyang Papa ngayon na si Papa Francis ang siyang antikristo. Totoo ba ang mga haka-hakang ito tungkol sa Papa? Mayroon bang sinasabi sa Bibliya na nagpapahiwatig na isang Papa ang antikristo o magiging antikristo?
Ang pangunahing dahilan sa mga haka-haka na posibleng isang Papa ang magiging antikristo ay ang interpretasyon sa Pahayag 17:9. Pagkatapos na ilarawan ang pandaigdigang sistema ng kasamaan sa mga huling araw bilang isang babae na nakasakay sa isang halimaw, sinabi sa Pahayag 17:9, "Kailangan dito ang talino at pagkaunawa. Ang pitong ulo ay ang pitong burol na inuupan ng babae." Noong unang panahon, ang siyudad ng Roma ay tinatawag na "isang siyudad sa pitong burol" dahil may pitong prominenteng siyudad na nakapaligid sa siyudad ng Roma. Kaya ipinapalagay ng marami na ang siyudad ng Roma ay may kinalaman sa antikristo. Kaya, kung ang pandaigdigang sistema ng kasamaan sa mga huling araw ay may kinalaman sa Roma - hindi malayong isipin na may koneksyon nga ang simbahang Romano Katoliko sa antikristo dahil ang punong tanggapan nito ay nasa Roma. Napakaraming mga talata sa Bibliya kung saan inilalarawan ang antikristo na magiging tagapanguna ng mga kilusan laban kay Kristo sa mga mga huling araw (Daniel 9:27; 2 Tesalonica 2:3-4; Pahayag 13:5-8). Kaya nga,, kung nasa Roma ang pandaigdigang sistema ng kasamaan sa mga huling araw na pinagungunahan ng isang indibidwal - ang papa ay isang malakas na kadidato sa pagiging antikristo.
Gayunman, marami ding komentarista ng Bibliya ang nagsasabi na ang babaing tinutukoy sa Pahayag 17:9 ay hindi maaaring maging simbahang Romano Katoliko at ang pitong burol ay hindi maaaring tumukoy sa Roma. Sinasabi nila na malinaw na ipinakilala sa Pahayag kabanata 17 at 18 ang babae na nakasakay sa isang halimaw bilang siyudad ng Babilonia. (Alam natin na ang siyudad ng Babilonia noon ay ang siyudad ng Baghdad sa Iraq ngayon). Bilang karagdagan, malinaw na sinasabi sa talata 10 na ang pitong burol ay sumisimbolo sa pitong hari at "bumagsak na ang lima sa kanila, naghahari pa ang isa, at ang huli'y hindi pa dumarating." Malinaw na hindi ito maaaring tumukoy sa pitong burol ng Roma. Sa halip, ito ay tumutukoy sa pitong imperyo na pinamumunuan ng pitong hari. Sa panahon ng pagsulat ng Aklat ng Pahayag, limang imperyo na ang bumagsak - ang Egipto, Asiria, Babilonia, Medo-Persia at Gresya - at isa ang nananatili pa (Roma) at isa pa (ang imperyo ng antikristo) ang hindi pa dumarating.
Kung sino man ang magiging antikristo, ang mahalaga ay mababalaan ang lahat tungkol sa kanyang pagdating at matuto tayong kumilala sa kanya at sa lahat ng nagtataglay ng kanyang espiritu. Sinasabi sa atin sa 1 Juan 4:1-3, "Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Diyos, sapagkat maraming lumitaw na mga bulaang propeta sa sanlibutan. Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Diyos: ang bawat espiritung nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman ay sa Diyos, at ang bawat espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Diyos. Ito ang espiritu ng anti-Cristo, na inyong narinig na darating at ngayo'y nasa sanlibutan na." Kinikilala ng kasalukuyang Papa na si Papa Francis na nagmula sa Dios si Hesus at dumating sa anyong laman o naging tao (tingnan ang 1 Juan 4:2). Habang hindi tayo sumasang-ayon kay Papa Francis sa maraming mga katuruan ng Romano Katoliko, naniniwala naman siya na si Hesu Kristo ay naging tao. Kaya nga, mahirap paniwalaan sa ngayon na si Papa Francis ang antikristo. Habang naniniwala kami na posible nga na isang Papa ang maging antikristo sa mga huling araw, hindi tayo binigyan ng Bibliya ng eksaktong pagkakakilanlan kung sino siya kaya't hindi tayo maaaring maging dogmatiko sa bagay na ito. Isang Papa sa hinaharap ang maaaring maging antikristo, o maaaring maging bulaang propeta ng antikristo (Pahayag 13:11-17). Kung magkagayon, ang darating na Papang ito ay makikilala sa pamamagitan ng kanyang pagtanggi na si Kristo ay naging tao, isa sa kanyang mga katangian na sinasabi sa Bibliya (1 Juan 4:2)
English
Ang Papa ba ngayon o ang susunod na Papa ang Antikristo?