settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa papa?

Sagot


Ang katuruan ng Simbahang Katoliko Romano tungkol sa papa (ang kahulugan ng "papa" ay "ama") ay nakasalig at kinapapalooban ng mga sumusunod na katuruan ng Simbahang Katoliko:

1) Ginawa ni Hesus si Pedro na tagapanguna ng mga apostol at ng "iglesya" o "simbahan" na Romano Katoliko (Mateo 16:18-19). Sa pagbibigay kay Pedro ng "mga susi ng kalangitan" hindi lamang siya ginawang tagapanguna, kundi ginawa rin siyang hindi nagkakamali ng magministeryo siya bilang kinatawan ni Kristo sa lupa (nagsalita siya mula sa posisyon ng kapangyarihan o tinatawag na "ex-cathedra" ng Simbahang Katoliko). Ang kakayahang ito na kumatawan sa iglesya sa isang hindi nagkakamaling kaparanaan kung magtuturo siya sa diwa ng "ex-cathedra" ay ipinasa sa mga kahalili ni Pedro, sa gayon ay binigyan ng Diyos ang iglesya o simbahan ng hindi nagkakamaling gabay sa mundong ito. Ang tungkulin ng papa ay pangunahan ang simbahan sa isang hindi nagkakamaling pamamaraan.

2) Kalaunan, naging unang Obispo sa Roma si Pedro. Bilang Obispo sa Roma, ginampanan niya ang kanyang tungkulin at nagkaroon ng kapamahalaan sa lahat ng Obispo at mga tagapanguna ng simbahan. Ang katuruang ito na ang Obispo sa Roma ang pinakamataas sa lahat ng Obispo ay tinatawag na pagiging pangunahin (primacy) ng Obispo sa Roma.

3) Ipinasa ni Pedro ang kanyang kapangyarihan bilang apostol sa sumunod na obispo sa Roma, gayon din ang kapangyarihan bilang apostol ng ibang mga apostol ay inilipat din nila sa kanilang mga inordinahang kahalili. Inilipat din naman ng mga obispong iyon ang kanilang kapangyarihan sa mga obispong kanilang inordinahan at gayon din ang prosesong nangyari sa mga sumunod pang mga Obispo. Ang pagpapasang ito ng kapangyarihan ng mga apostol sa kanilang mga kahalili ay tinatawag na "pagmamana ng pagiging apostol" (apostolic succession).

4) Base sa katuruang ito ng Simbahang Katoliko tungkol sa hindi nalalagot na kadena ng pagmamana ng pagiging Obispo sa Roma, ang Simbahang Katoliko ang tunay na Iglesya at itinuturing nila na ang lahat ng mga denominasyon ng Kristiyanismo na hindi tinatanggap ang kapamahalaan ng Papa na tumalikod o humiwalay sa orihinal at nagiisang tunay na iglesya - ang Simbahang Katoliko Romano.

Pagkatapos nating suriin ang ilan sa mga katuruan ng simbahang Katoliko tungkol sa papa, ang katanungan ngayon ay kung naaayon ba ito sa katuruan ng Bibliya. Kinikilala ng simbahang Katoliko na ang papa at ang kanyang hindi nagkakamaling kapangyarihan sa pagtuturo sa "inang iglesya" ay kinakailangan upang gabayan ang simbahan. Ginagamit nila ang lohikal na pangangatwiran para patunayan ang bagay na ito. Ngunit kung susuriin ang mga katuruang ito sa liwanag ng Bibliya, matutuklasan natin ang mga sumusunod:

1) Habang si Pedro ang pangunahing tauhan sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo sa unang bahagi ng kasaysayan ng Kristiyanismo (ang kahulugan sa likod ng Mateo 16:18-19), hindi kailanman idineklara ng Bibliya kung titingnan ang konteksto nito na si Pedro ang pangunahing may kapangyarihan sa ibang mga apostol o sa buong iglesya (tingnan ang Gawa 15:1-23; Galacia 2:1-14; 1 Pedro 5:1-5). Hindi rin itinuro sa Bibliya na ang Obispo sa Roma ang pangunahin at may kapamahalaan sa iglesya. Sa halip, may isa lamang banggit sa Kasulatan tungkol kay Apostol Pedro na sumulat siya mula sa "Babilonia," isang pangalan na minsan ay ginagamit para tukuyin ang Roma na matatagpuan sa 1 Pedro 5:13. Pangunahin ang katwirang ito sa mga dahilan ng mabilis na pagtaas ng impluwensya ng Obispo sa Roma (dahil sa suporta ni emperador Constantino at ng mga Emperador na sumunod sa kanya) gayundin ang pagiging pangunahin ng Obispo sa Roma sa ibang mga Obispo. Gayunman, ipinakikita sa Bibliya na hindi nakahihigit si Pedro sa ibang mga apostol pagdating sa kapangyarihan (Efeso 2:19-20), at ang kapangyarihan ng "pagtatali at pagkakalag" na karaniwang ipinapatungkol sa kanya ay ginagawa din ng ibang mga lokal na iglesya, hindi lamang sa kanilang mga tagapanguna (tingnan ang Mateo 18:15-19; 1 Corinto 5:1-13; 2 Corinto 13:10; Tito 2:15; 3:10-11).

2) Hindi binanggit saanman sa Bibliya na upang mapanatili na malaya sa kamalian ang iglesya, kinakailangan na ipasa ang kapangyarihan ng mga apostol sa kanilang mga kahalili. Ang pagmamana ng pagiging apostol ay ibinabase ng Simbahang Katoliko sa mga talatang gaya ng 2 Timoteo 2:2; 4:2-5; Tito 1:5; 2:1; 2:15; 1 Timoteo 5:19-22). Ngunit itinuturo ng Bibliya na lilitaw ang mga maling katuruan at magmumula ang mga maling katuruang ito maging sa mga tagapanguna ng iglesya kaya’t nararapat na ikumpara ng mga Kristiyano ang mga katuruan na itinuturo ng kanilang mga tagapanguna sa itinuturo ng Bibliya na siyang tanging hindi nagkakamali. Hindi itinuturo ng Bibliya na hindi nagkakamali ang mga apostol maliban sa kanilang mga isinulat. Sa sulat ni Pablo sa mga tagapanguna sa iglesya sa Efeso, sinabihan niya sila na maghanda sa paglitaw ng mga bulaang guro at maging handa na labanan ang kanilang mga maling katuruan. Hindi itinuro ni Pablo na magtiwala ang mga Kristiyano sa kapamahalaan ng mga apostol sa halip, hinamon niya sila na magpatuloy sa "Diyos at sa Salita ng kanyang biyaya" (Gawa 20:28-32).

Muli, itinuturo ng Bibliya na ang Kasulatan ang dapat gamitin bilang sukatan upang malaman kung ano ang katotohanan at kung ano ang kasinungalingan. Sa Galacia 1:8-9, sinabi ni Pablo na hindi ang nagtuturo kundi kung ano ang itinuturo ang dapat na maging batayan kung ano ang katotohanan o kasinungalingan. Habang patuloy na isinusumpa ng Simbahang Katoliko sa "impiyerno" (anathema) ang mga ayaw kumilala sa awtoridad ng papa, isinusumpa naman ng Bibliya ang mga taong nagtuturo ng ibang ebanghelyo (Galacia 1:8-9).

3) Habang naniniwala ang Simbahang Katoliko sa pagpapasa ng pagka-apostol upang magabayan ang simbahan, itinuturo naman ng Bibliya na iniingatan Niya ang iglesya sa pamamagitan ng mga sumusunod:

(a) Hindi nagkakamaling Kasulatan (Gawa 20:32; 2 Timoteo 3:15-17; Mateo 5:18; Juan 10:35; Gawa 17:10-12; Isaias 8:20; 40:8; atbp.) Pansinin na Sinabi ni Pedro na ang mga sulat ni Pablo ay kapantay ng ibang Kasulatan (2 Pedro 3:16),

(b) Ang walang hanggang pagkasaserdote ni Hesu Kristo sa kalangitan (Hebreo 7:22-28),

(c) Ang pagkakaloob ng Banal na Espiritu na gumabay sa mga apostol sa katotohanan ng kamatayan ni Kristo (Juan 16:12-14), na nagbigay ng mga espiritwal na kaloob sa mga mananampalataya para sa gawain ng ministeryo kasama ang pagtuturo (Roma 12:3-8; Efeso 4:11-16), ang Siyang gumagamit sa nasulat na Salita ng Diyos bilang Kanyang pangunahing kasangkapan sa kaligtasan (Hebreo 4:12; Efeso 6:17).

Habang marami din namang mabubuting papa (sa pamantayan ng tao) ang naglingkod bilang Papa sa simbahang Katoliko, (ang ilan sa kanila ay si Papa Juan Pablo II at Papa Francis), dapat na tanggihan ang katuruan ng kawalan ng pagkakamali ng Papa dahil hindi ito ang katuruan ng orihinal na iglesya na mababasa sa Bagong Tipan. Ang paghahambing ng mga katuruan ng iglesya sa itinuturo ng Bibliya ay kinakailangan, kung hindi, hindi natin mauunawaan ang katuruan ng Bagong Tipan tungkol sa Ebanghelyo, Kung mangyari ito, hindi lamang mabibigo tayo na makapunta sa langit kundi maililigaw din naman natin ang iba at madadala sila sa maling daan (Galacia 1:8-9).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa papa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries