settings icon
share icon
Tanong

Biblikal ba ang katagang papasukin si Jesus sa puso mo?

Sagot


"Nais mo bang maligtas? Papasukin mo lang si Jesus sa puso mo." Ang pangungusap na ito ay hindi sumasalungat ni umaayon sa Biblia. Ngunit ito ay lumilikha ng mentalidad na nagdudulot ng maling impresyon, lalo na sa mga bata, na literal ang pang unawa sa mga bagay-bagay. Isa pa, kung ang payo na "papasukin si Jesus sa puso" ay tumutukoy sa kabuuan ng mensahe, nababalewala nito ang ilan sa mahalagang bagay kagaya ng pagsisisi at pananampalataya. Totoong binabanggit sa Biblia na si Jesus ay nananahan sa ating puso: Halimbawa, ang panalangin ni Pablo na "nawa'y manahan si Jesus sa inyong mga puso" (Efeso 3:17). Ngunit sinabi nya ang talatang ito sa mga mananampalataya o yaong mga tumanggap na kay Cristo. Sa kaugnay na talatang 16 sinabi pa niya na "Dalangin ko ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian na pagkalooban kayo ng kapangyarihan upang lumakas ang inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kanyang Espiritu." Makikita na hindi pang ebanghelyo ang konteksto ng ikatlong kabanata ng Efeso. Hindi ni Pablo sinasabi sa mga taga Efeso na "papasukin nila si Jesus sa kanilang puso"; bagkus ay pinatitibay lamang niya ang kanilang pagkaunawa na si Jesus ay nasa kanila sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.

Ang ideya na "papasukin si Jesus sa iyong puso" ay hindi itinuturo saan mang bahagi ng Biblia. Malinaw sa Biblia na ang ebanghelyo ay ang Mabuting Balita tungkol sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus. ito rin ay tumutukoy sa kapatawaran ng kasalanan (1Corinto 15:3-4). Ang pagpapakilala ng ebanghelyo batay sa Biblia ay humihikayat ng tamang pagtugon sa mensahe nito katulad ng: pagsampalataya (Juan 3:16, Gawa 16:31), pagtanggap (Juan1:12), o pagsisisi (Gawa 3:19). Kinakailangang magkaroon ng pagbabago sa ating isipan tungkol sa ating kasalanan at tungkol sa kung sino ba talaga si Cristo, at sumampalataya na si Jesus ay namatay at muling nabuhay at tanggapin ang regalong buhay na walang hanggan. Walang sinuman sa mga apostol ang nagsabi sa mga tao na "papasukin si Jesus sa kanilang puso."

Kadalasan, ang panghihikayat na "papasukin si Jesus sa puso" ay isang simpleng paraan din ng pagsasabing, "papasukin mo si Jesus sa iyong buhay" o kaya'y "pahintulutan na ang Panginoon ang magkontrol." Wala naman itong masamang epekto kung ito'y ginagawa ayon sa konteksto ng kabuuan ng Ebanghelyo. Ngunit bago anyayahan ang isang tao na "papasukin si Jesus sa kanyang puso," kinakailangang nauunawaan niya ang kasalanan at ang parusa nito, ang kabayarang ginawa ni Cristo sa krus, at ang katotohanan ng kanyang muling pagkabuhay. Sa katunayan, ang pagsasabing "papasukin si Jesus sa yong puso" na tumutukoy sa kaligtasan ay makatutulong sa isang tao upang maunawaan niya na ang Espiritu ni Cristo ay dumarating upang manahan sa kaluluwa ng isang tao (tingnan ang Juan 14:17). Gayunman, ang terminolohiya pa ring ginagamit ng Biblia ang pinakamabuting gamitin. Ang katagang "papasukin si Jesus sa iyong puso" ay hindi lubos na makapagbibigay liwanag tungkol sa totoong nagaganap sa kaligtasan.

Tuwing tayo ay nagbabahagi ng Ebanghelyo, kinakailangang maging maingat tayo sa kung ano ang ating sasabihin at kung paano natin ito sasabihin. Maging ang salitang "sumampalataya" ay maaaring magdulot ng kalituhan kung ito ay ipakikilala bilang isang pangkaisipang pag sang-ayon lamang (pagsang-ayon na ang mga iyon ay totoo) sa halip na pagtiwalaan (pagtitiwala na ang mga ibinahagi sa kanya ay totoo). Si Judas Escariote ay naniniwala rin sa mga katotohanan tungkol kay Jesus ngunit hindi siya nagtitiwala sa kanya patungkol sa kaligtasan. Ang kaligtasan ay hindi mararanasan sa pamamagitan lamang ng paniniwala sa mga katotohanan. Ang kaligtasan ay hindi nangangahulugang "papasukin mo si Jesus sa iyong puso" kundi ito ay tumutukoy sa pagtitiwala kay Jesus bilang tagapagligtas, at pagtanggap sa pagpapatawad na iniaalok niya ayon sa kanyang kagandahang loob sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang kaligtasan ay tumutukoy sa pagiging bago sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ni Jesu-Cristo at ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu (Tito 3:5).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Biblikal ba ang katagang papasukin si Jesus sa puso mo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries