settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pasalaysay na teolohiya?

Sagot


Ang pasalaysay na teolohiya, o kung minsan ay tinatawag ding teolohiyang “post-liberal” ay lumabas noong huling bahagi ng ika-dalawampung siglo. Ang nagpasimuno ng teolohiyang ito ay isang grupo ng mga teologo sa Yale Divinity School. Ang mga tagapagtatag ng teolohiyang ito na sina George Lindbeck, Hans Wilhelm Frei, at iba pang iskolar ay naimpluwensyahan nina Karl Barth, Thomas Aquinas, at sa ilang antas, ng nouvelle théologie, isang paniniwala na nagsusulong ng reporma sa Simbahang Katoliko na pinangunahan ng mga Katolikong Pranses gaya ni Henri de Lubac .

Ang pasalaysay na teolohiya ay ang ideya na ang paggamit ng Bibliya ay dapat na nakatuon sa pasalaysay na representasyon ng pananampalataya sa halip na ang pagpapaunlad ng mga grupo ng proposisyon o mga argumentong galing sa Kasulatan o ng karaniwang tinatawag na “sistematikong teolohiya.” Ang pasalaysay na teolohiya ay isang malawak na terminolohiya, ngunit kadalasang ito ang pagtalakay sa teolohiya sa pamamagitan ng pagtingin sa kahulugan ng isang kuwento o salaysay. Pagkatapos, tatambalan ito ng pagtanggi sa kahulugan na galing sa sistematikong teolohiya.

Sa ibang pagkakataon, ang pasalaysay na teolohiya ay iniuugnay sa ideya na hindi tayo dapat na magaral ng mga prinsipyo at mga batas mula sa Kasulatan, sa halip, dapat tayong matutong makipagugnayan sa Diyos at matutong gawin ang ating bahagi, sa isang mas malaking pananaw sa ating kaligtasan. Marami ng naganap na debate at pagpuna sa pasalaysay o teolohiyang post-liberal na nakasentro sa mga isyu gaya ng mga pananaw na hindi kayang paghambingin, sektaryanismo (pagkiling sa mga sekta), fideismo (ang paniniwala na salungat ang pananampalataya sa pangangatwiran), relatibismo (paniniwala na walang iisang katotohanan), at katotohanan.

Gayunman, kung gagamitin ng tama, makakapagbigay ang pasalaysay na teolohiya ng istruktura para sa sistematikong teolohiya at biblikal na teolohiya (o ang nagpapatuloy na kasaysayan ng pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang sarili sa sangkatauhan). Itinuturo sa atin ng pasalaysay na teolohiya na ang Bibliya ay dapat tingnan bilang kuwento ng pakikipagugnayan ng Diyos sa Kanyang bayan. Pinaninindigan ng mga sumusuporta sa pasalaysay na teolohiya na hindi nangangahulugan na hindi makakagawa ng sistematikong teolohiya mula sa Bibliya, ngunit ang pangunahing layunin ng Kasulatan ay ang isalaysay ang relasyon sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang bayan at kung paanong maipagpapatuloy natin ngayon sa modernong mundo ang relasyong ito. Ang kaisipang ito ang dapat na manaig kaysa sa mas eksaktong paganalisa ng sistematikong teolohiya. Ikinakatwiran ng mga sumusuporta sa pasalaysay na teolohiya na mahirap na basta lamang humugot ng mga talata sa Bibliya ng wala sa konteksto upang suportahan ang mga posisyon sa doktrina.

May tatlo pang aspeto ng pasalaysay na teolohiya na kagamit-gamit. Halimbawa, ginawa ang mga kuwento sa Bibliya upang ituro sa atin ang katotohanan at dapat tayong matuto mula sa mga katotohanang ito at ilapat ang mga aral na ating matutunan sa ating mga buhay. Dahil dito, dapat nating unawain at isapamuhay ang mga aral na makukuha sa mga kuwentong ito ayon sa orihinal na intensyon ng orihinal na may akda ng Kasulatan— ito ang dahilan kung bakit iningatan ang mga kuwento sa Bibliya para sa atin (tingnan ang Roma 15:4). Ang isa pang positibong impluwensya ng pasalaysay na teolohiya ay ang pagpapalakas sa kahalagahan ng komunidad. Sa modernong panahon, ginagawa ng mga tao ang Kristiyanismo sa tuwina na nakasentro sa buhay ng indibidwal na mananampalataya, ngunit ipinapaalala sa atin ng mga kuwento sa Bibliya na ang relasyon ng Diyos sa Kanyang bayan ay laging higit na mahalaga.

Totoo na naglalaman ang Bibliya ng malaking bahagi ng mga salaysay na ang layunin ay ituro sa atin ang katotohanan kaya nga mahalaga para sa atin na magkaroon ng isang uri ng pasalaysay na teolohiya. Gayunman, may mga problema din sa pasalaysay na teolohiya lalo na kung gagamitin ito sa isang iresponsableng pamamaraan. At walang duda na nangyayari din ito sa mga konserbatibong grupo. Totoong totoo ito kung ang mga tagapangaral at tagapagturo nito ay hindi nagmamalasakit sa orihinal na kahulugan ng Bibliya at itinutulak ng kanilang sariling palagay o sariling pangunawa sa mga Kasulatan. Dahil dito, laging nagagamit ang pasalaysay na teolohiya sa masamang paraan.

Mali rin ang paggamit sa pasalaysay na teolohiya ng mga taong nagsasabi na walang sistematikong teolohiya sa likod ng mga salaysay o hindi maaaring malaman ang nakapaloob na sistematikong teolohiya sa mga talata ng Bibliya. Sa mga ganitong kaso, ipinagpapalagay na ang mga aral ng mga salaysay ay maaaring maunawaan na hiwalay sa pananaw ng mga orihinal na manunulat o mga may akda ng mismong mga teksto. Resulta ito ng maling katuruan ng ilan sa mga nagsusulong ng pasalaysay na teolohiya na agad na inilalapat ang teksto ng walang makatwirang pagaaral ng Kasulatan. Ngunit sa katotohanan, hindi ito maaaring gawin. Maaaring ang pinakakilalang impluwensya ng pasalaysay na teolohiya ay makikita sa mga bagong grupo ng pananampalataya na hindi nagtitiwala at mababaw ang pagtingin sa sistematikong teolohiya .

Ang mga nagsusulong sa teolohiyang ito, lalo na sa mga bagong lumalabas na iglesya ay nagaangkin na hindi dapat na maging dogmatiko ang mga Kristiyano sa kanilang teolohiya. Sinsabi nila na “mabuti” para sa mga tao na magkaroon ng iba’t ibang konklusyon sa pagdaan ng panahon, kaya bakit kinakailangan pa na gumawa ng mga konklusibong kapahayagan ng teolohiya? Kaya, ayon sa kanilang pananaw, ang teolohiya ay hindi konkreto, pinal at makapangyarihan. Inaangkin nila na sa nakalipas, may iba’t ibang paniniwala ang mga tao; at maaaring tama ang isang tao at mali naman ang isa.

Bilang resulta nito, sa ibang mga iglesya sa kasalukuyan, naghahari na ang relatibismo. Wlang sinuman ang nakakaalam kung sino ang tama at sino ang mali. At ang nakakalungkot lalo ay tila walang sinuman ang nagmamalasakit upang maibalik ang katuruan sa orihinal na kapahayagan nito sa mga unang mananampalataya. Ang resulta, bumabagsak ang iglesya sa sekularismo, post-modernismo, na kung saan ang totoo para sa isa ay maaaring hindi totoo para sa iba. Kung hinahayan ng iglesya ang anumang bagay at lahat ng bagay, nakatatag ito sa mahinang pundasyon.

May ilang nagtataguyod ng pasalaysay na teolohiya gaya ng emerging church movement, na hindi na talaga nangangaral ng Salita ng Diyos. Sa kanilang pagtitipon, maaaring may isang magbahagi sa mga nakikinig ng tungkol sa kung ano sa kanya ang Diyos sa isang partikular na linggo o araw. Maaari din silang bumanggit ng sitas sa Kasulatan na may kinalaman sa kanilang patotoo. Ngunit ang kanilang pakiramdam at karanasan ang sentro ng kanilang sinasabi hindi ang Salita ng Diyos. Babanggit sila ng isang kuwento mula sa Kasulatan o magbabasa ng isang sitas, pagkatapos ay titigil na. Walang pangangailangan para sa pagtuturo, pagsaway, o pagaksyon. Sa halip na sumunod sa sinasabi ng Kasulatan, ginagamit nila ang Kasulatan para suportahan ang kanilang makalamang pagnanasa.

Dapat na ang iglesya ang maging haligi at tagapagtaguyod ng katotohanan (1 Timoteo 3:15), at ang katotohanan ay ang kapahayagan ng doktrina na inihayag sa Bibliya sa pamamagitan ng persona ni Hesu Kristo. Bagama’t may pakinabang ito sa ilang kadahilanan gaya ng ating nakita, umaapela ang pasalaysay na teolohiya sa postmodernismo o makabagong pananaw na nagnanais na hugisin ang relihiyon at ang “Diyos” ayon sa kanilang nararamdaman at karanasan. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pasalaysay na teolohiya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries