Tanong
Patatawarin ba ako ng Diyos? Mapapatawad ba ako ng Diyos?
Sagot
Ikaw ba ay nawawalan na ng pag-asa at pinaguusig ng iyong budhi dahil sa iyong mga kasalanan? Ikinahihiya mo ba ang ilang mga bagay na iyong nagawa? Iniisip mo ba kung posible pa para sa iyo ang kapatawaran? Ang paguusig ng budhi dahil sa kasalanan ay magdadala sa atin sa isang lugar ng kahinaan at kawalang pag-asa. Tinutukso tayo ng ating kahihiyan na walang sinuman maging ang Diyos ang makakapagpatawad sa atin. Maaari tayong magtanong kung paano pa tayo magpapatuloy sa buhay. Anong posibleng pag-asa ang maaari nating hintayin?
Narinig mo na ba na ang Diyos ay mapagpatawad? Narinig mo na ba ang tungkol sa Kanyang dakilang pag-ibig? Magsimula muna tayo sa Mabuting Balita: walang sinuman ang hindi kayang patawarin ng Diyos. Anuman ang iyong nagawa, hindi maaaring pigilan noon ang kakayahan ng Diyos na patawarin ka.
Sinasabi sa atin ng Biblia na ang lahat ay nagkasala (Roma 3:23). Ang bawat isa satin ay karapatdapat sa walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos (Roma 6:23). Anuman ang ating nagawang kasalanan – panggagahasa, pagpatay, terorismo, pangangalunya, pagnanakaw, kayabangan, pagtitsismis, pagseselos, pagsisinungaling, kawalan ng pag-ibig sa iba at iba pa—nararapat tayo sa kaparusahan. Ito’y isang senaryo ng kawalang pag-asa. Hindi tayo hinuhusgahan ng Diyos kung mas marami ang ating nagawang mabuti kaysa sa masama, kundi kung tinatanggap ba natin ang Kanyang paraan ng kaligtasan o hindi.
"Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulan ng parusa ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos" (Juan 3:16–18).
Gumawa ang Diyos ng paraan para sa ating kapatawaran, hindi lamang para sa ilang kasalanan kundi para sa lahat ng mga kasalanan. Walang kaslanan ang hindi kayang patawarin ng Diyos. Anuman ang iyong nagawa, patatawarin ka ng Diyos kung lalapit ka sa Kanya sa pananampalataya.
May isa lamang daan para sa kapatawaran. Hindi ka patatawarin ng Diyos dahil ipinangako mo sa Kanya na magpapakabuti ka na sa susunod o dahil susuklian mo ng kabutihan ang iyong nagawang kasamaan o dahil gumagawa ka ng mabubuting gawa. Sa halip, patatawarin ka Niya dahil binayaran ni Jesus ang kabayaran ng iyong mga kasalanan.
Si Jesus ay tunay na Diyos at tunay na tao. Wala Siyang kahit anumang kasalanan at nabuhay Siya ng isang perpektong buhay. Ngunit Siya ay napako sa krus, Namatay Siya na gaya ng isang makasalanan. Sinasabi sa atin ng Biblia, "Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos" (2 Corinto 5:21). Kinuha ni Jesus ang ating kasalanan upang hindi na tayo ang magdusa dahil doon. Ginampanan Niya ang gawain ng pagliligtas at binayaran ang halaga upang makatanggap tayo ng kapatawaran.
Alam natin na sinabi ni Jesus ang katotohanan at ang Kanyang paghahandog sa krus para sa atin ay mabisa dahil nabuhay Siyang mag-uli mula sa mga patay (1 Corinto 15:3–4, 20–22). Namatay si Jesus at inilibing, ngunit muli siyang nabuhay sa pisikal. Tinalo ni Jesus ang kamatayan. Ginawa Niya ito para hindi na tayo malubog sa kasalanan at paguusig ng budhi at kahihiyan. Gumawa Siya ng daan para sa atin upang makabangon sa pagkakalugmok at kabiguan patungo sa tunay na buhay (Juan 10:10). Nagaalok Siya ng kapatawaran sa atin kung ilalagak natin ang ating pagtitiwala sa Kanya.
Nais mo bang makatanggap ng kapatawaran mula sa Diyos ngayon? Walang kahit anong panalangin ang makakapagbigay sa iyo ng kapatawaran. Gaya ng aming naipaliwanag, ang pagpapatawad ay posible lamang sa pamamagitan ng gawain ni Jesu Cristo. Ngunit maaari mong matanggap ang kapatawaran sa pamamagitan ng paghingi ng tawad sa Diyos, sa pananampalataya sa pamamagitan ng panalangin. Maaari mong sabihin sa Diyos ang katulad nito:
"O Diyos, alam ko na nagkasala ako laban saiyo. Alam ko na karapatdapat ako na mahiwalay sa Iyo magpakailanman. Alam ko na hindi ko kayang makipagkasundo sa Iyo o maging matuwid sa aking sarili. Kailangan ko po ang Iyong kapatawaran. Nagkaloob ka po ng daan. Ipinadala Mo ang Iyong Anak na si Jesus upang mabuhay ng isang perpektong buhay, namatay Siya at nabuhay na mag-uli para sa akin. Binayaran mo po ang halaga ng aking pagkakautang sa Iyo dahil sa aking mga kasalanan upang ako ay mapatawad at maranasan ang kasiyahan ng pakikisama sa Iyo. Patawarin Mo po ako o Diyos. Sumasampalataya ako sa Iyo. Palayain mo po ako sa paguusig ng aking budhi at dalhin Mo ako sa isang bagong buhay sa Iyong Anak. Salamat po na mapagkakatiwalaan ko kayo na gagawin ninyo ito. Salamat po sa pagkakaloog ng daan para sa aking kapatawaran at salamat sa pagtanggap Mo sa akin sa Iyong pamilya. Amen."
Kung idinalangin mo ang panalanging ito at tunay na sumampalataya ka sa iyong puso, ikaw ay pinatawad na. Ginawa kang bago ng Diyos kay Jesus (2 Corinto 5:17) at naging isang anak ng Diyos (Juan 1:12–13). Papurihan mo ang Diyos sa pagpapalaya sa iyo sa kabigatan ng paguusig ng budhi at kawalang pag-asa.
Nais naming makipagugnayan sa iyo. Ipaalam mo sa amin kung nagdesisyon ka na tanggapin ang pagpapatawad ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu Cristo sa pamamagitan ng pag-klik sa link sa ibaba.
English
Patatawarin ba ako ng Diyos? Mapapatawad ba ako ng Diyos?