Tanong
Ano ang ibig sabihin ng patay dahil sa pagsuway at mga kasalanan?
Sagot
"Noong una'y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos" (Efeso 2:1-2). Sa kanyang sulat sa iglesya sa Efeso, Sinabi ni Pablo ang dakilang handog na ibinigay ng Diyos sa kanila sa pamamagitan ng kanyang Anak (2 Corinto 9:5). Dahil kay Jesus, sila ay hindi lamang masamang tao na ginawang mabuti at mabait ng Diyos, kundi sila ay mga dating patay na binuhay.
Nang magkasala si Eba at Adan sa Hardin ng Eden (Genesis 3), dinala nila sa perpektong daigdig na nilikha ng Diyos ang kamatayang pisikal at espiritwal (Roma 5:12; 6:23). Sa kanilang paglabag sa Batas ng Diyos, "ang kanilang mga mata ay nabuksan at kanilang napagtanto na sila ay hubad" (Genesis 3:7). Sa unang pagkakataon ay naranasan ng tao ang maghimagsik at namulat sila sa pagkakaiba ng mabuti at masama. Hindi nila noon nararanasan ang kasamaan, kahihiyan, at kasalanan hanggang sa kanilang paglabag sa utos ng Diyos. Dahil sa isang kagat sa ipinagbabawal na bunga, ang kanilang katawang pisikal at kaluluwa ay nagsimulang mamatay. Kaya't ang Diyos ay gumawa ng handog na kinakailangan bilang katubusan sa kasalanan (Genesis 3:21) at pinagtibay ang prinsipyo na tanging sa pamamagitan lamang ng kamatayan ng perpekto o walang kapintasang kahalili magkakaroon ng buhay ang isang makasalanan. Dito nagumpisang mahayag ang pangkalahatang plano ng Diyos para sa katubusan, sa pamamagitan ng ganap na paghahandog upang mabayaran ang kasalanan ng sanlibutan (1Juan 2:2; Juan 3:16-18).
Ang ating espiritu ay patay sa mga bagay na ukol sa Diyos bago pa man natin isuko ang ating sarili sa udyok ng Banal na Espiritu (Roma 8:8). Sa orihinal nating kalagayan ay walang kabutihang makikita sa ating sarili upang magkaroon tayo ng pagnanasang magpasakop sa ating Manlilikha. Tayo ay mga patay sa espiritu at walang kakayahang buhayin ang ating mga sarili. Katulad ng isang bangkay na walang magagawa upang tulungan ang sarili, gayundin, hindi natin kayang iligtas at linisin ang ating mga sarili sa kasalanan. Ni hindi natin magagawang magkaroon ng hangarin o pagnanasa upang sumunod sa Diyos. Tayo ay patay dahil sa ating mga kasalanan. At ang isang taong patay ay nangangailangan ng isang magbibigay-buhay upang siya ay mabuhay. Sinasabi sa Juan 1:4 na, "sa kanya ay may buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan."
Ang buhay na ibinibigay ni Jesus ay hindi lamang buhay na walang hanggan sa langit (Juan 3:36; 14:2); Tito 3:7) kundi espiritwal na buhay din sa daigdig na ito na magbibigay sa atin ng kakayahan at lakas upang mamuhay ayon sa layunin ng Diyos kung bakit niya tayo nilikha. Ang ating patay na espiritu ay maihahalintulad sa isang lobong walang hangin sa loob ng ating kaluluwa. Bahagya ang ating nalalaman sa presensya nito, habang tayo ay namumuhay ayon sa ating sarili sa ilalim ng kasalanan (2 Pedro 2:19; Roma 6:16). Subalit sa sandaling tumugon tayo sa tawag ng Banal na Espiritu (Juan 6:44), nagsisi tayo sa ating mga kasalanan at sumampalataya sa Panginoong Jesus (1 Corinto 12:3), patatawarin ng Diyos ang ating mga kasalanan, aariin tayong matuwid dahil sa katuwiran ni Jesus (2 Corinto 5:21), at ipagkakaloob sa atin ang Espiritu Santo upang manahan sa atin. Ang salitang Griyego para sa "espiritu" ay Pneuma, na ang ibig sabihin ay "hininga" o "hangin." Sa sandaling baguhin ng Diyos ang puso ng isang tao, ang Kanyang hininga (Espiritu) ang magpupuno sa lobo na walang hangin, samakatuwid, ang ating patay na espiritu ay mabubuhay. Ang bagong espiritwal na buhay na ito ay magpapabago sa isang tao mula sa walang buhay, patay na puno ng kasalanan patungo sa pagiging buhay at nagniningning na anak ng Diyos (2 Corinto 5:17; Efeso 2:5; Juan 1:12).
Kayat, dapat nating maunawaan na bawat tao sa daigdig na ito ay umiiral sa isa sa dalawang kategorya: patay sa espiritu o buhay sa espiritu. At maging ang relihiyon ay walang kakayahang buhayin ang isang taong patay sa espiritu. Marahil ay inaakala nila na ang mabubuting gawa, pagsisikap, at tradisyon ay makakapagbigay buhay sa mga taong patay sa espiritu, ngunit ang mga ito ay walang kapangyarihang espiritwal upang baguhin ang panloob nilang kalagayan. Si Jesus lamang ang nagbayad ng pinakamataas na halaga upang tubusin tayo mula sa mga kamay ni Satanas. Ang kasalanan ay nagpapahamak at sumisira ngunit ang pagsuko ng sarili sa Diyos ay nagbibigay buhay. Lahat tayo ay patay dahil sa ating mga pagsuway at kasalanan, ngunit tayo ay mabubuhay sa pamamagitan ng dugo ni Cristo na ating Panginoon (1Pedro 1:2; Efeso 2:13).
English
Ano ang ibig sabihin ng patay dahil sa pagsuway at mga kasalanan?