Tanong
Ano ang ibig sabihin na ang tao ay patay sa espiritu?
Sagot
Ang ibig sabihin ng ‘patay sa espiritu’ ay pagkahiwalay sa Diyos kaya’t kung ang isang tao ay patay sa espiritu, siya ay hiwalay at walang relasyon sa Diyos. Nang magkasala si Adan sa Genesis 3:6, dinala niya ang kamatayan sa buong sangkatauhan. Iniutos ng Diyos kay Adan at Eva na huwag nilang kakainin ang bunga ng punong kahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Kasama sa utos na ito ang babala na tiyak silang mamatay kung sila ay susuway. Sinabi niya sa tao, "Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakanin ang bungang iyon; mamamatay ka kapag kumain ka niyon" (Genesis 2:16-17).’” Ang pariralang ‘mamamatay ka kapag kumain ka niyon’ ay literal na maisasalin sa katagang ‘mamamatay ka sa kamatayan.’ Ito’y nangangahulugan ng estado o kalagayan ng patuloy na kamatayan na nagsisimula sa kamatayang espiritwal at magpapatuloy habang nabubuhay ang tao hanggang sa siya ay mamatay sa pisikal. Ang dagliang kamatayan sa espiritu ay resulta ng pagkahiwalay ni Adan sa Diyos. Ang kanyang pagtatago sa Diyos (Genesis 3:8) ay nagpapakita ng pagkahiwalay na ito, gayundin ang kanyang paninisi kay Eva para sa kanyang sariling kasalanan (Genesis 3:12).
Sa kasamaang palad, ang espiritwal – at sa huli, pisikal na kamatayan – ay hindi lamang dinanas ni Adan at Eva. Bilang kinatawan ng lahi ng tao, dinala ni Adan sa sangkatauhan ang kasalanan. Malinaw na ipinaliwanag ito ni Pablo sa Roma 5:12, kung saan kanyang sinabi na pumasok ang kasalanan at kamatayan sa mundo at kumalat sa lahat ng tao sa pamamagitan ng kasalanan ni Adan. Dagdag pa rito, sinasabi sa Roma 6:23 na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; kailangang mamatay ng makasalanan sa kanyang sarili dahil ang kasalanan ang naghihiwalay sa tao sa Diyos. Anumang pagkahiwalay mula sa pinanggagalingan ng Buhay, ay natural na kamatayan para sa atin.
Ngunit hindi lamang ang minana nating kasalanan ang dahilan ng ating espiritwal na kamatayan kundi ang ating sariling pagkakasala. Itinuturo sa ikalawang kabanata ng Efeso na bago ang ating karanasan ng kaligtasan, tayo ay ‘patay’ dahil sa ating mga kasalanan at pagsuway (talata 1). Ang tinutukoy dito ay ang kamatayang espiritwal dahil buhay pa tayo sa pisikal bago natin maranasan ang kaligtasan. Habang patay pa tayo dahil sa ating pagsuway, iniligtas tayo ng Diyos (tingnan din ang Roma 5:8). Inulit sa Colosas 2:13 ang katotohanang ito: “Kayong mga Hentil na dating patay dahil sa kasalanan ay muling binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya tayo sa ating mga kasalanan.”
Dahil patay tayo sa kasalanan, wala tayong anumang kakayahan upang magtiwala sa Diyos o sa Kanyang salita. Paulit-ulit na sinabi ni Hesus na wala tayong magagawa kung hiwalay tayo sa kanya (Juan 15:5) at hindi tayo maaaring lumapit sa Diyos kung hindi Niya tayo bibigyan ng kakayahan (Juan 6:44). Itinuro ni Pablo sa Roma 8 na ang natural nating isipan ay hindi maaaring magpasakop sa Diyos o magbigay lugod sa Kanya (talata 7-8). Sa ating makasalanang kalagayan, wala tayong kakayahan kahit na ang maunawaan ang mga bagay tungkol sa Diyos (1 Corinto 2:14).
Ang gawain ng Diyos na pagbuhay sa atin mula sa kamatayang espiritwal ay tinatawag na pagsilang na muli (regeneration). Ito ay isinasakatuparan ng Banal na Espiritu, sa pamamagitan ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Hesu Kristo (Efeso 2:5) at sa pagpapanibago sa atin ng Banal na Espiritu (Tito 3:5). Ito ay gaya sa pagsilang ng pangalawang beses gaya ng itinuro ni Hesus kay Nicodemo sa Juan 3:3-7. Matapos na buhaying muli ng Diyos, hindi na tayo mamamatay sa espiritu – mayroon na tayong buhay na walang hanggan. Laging sinasabi ni Hesus na ang mga nananampalataya sa Kanya ay mayroon ng buhay na walang hanggan (Juan 3:16, 36; 17:3).
Ang kasalanan ay nagbubunga ng kamatayan. Ang tanging paraan upang makaiwas sa kamatayan ay ang paglapit kay Hesus sa pamamagitan ng pananampalataya, at sa pamamagitan ng Banal na Espiritu upang sa wakas ay makapunta tayo sa buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos.
English
Ano ang ibig sabihin na ang tao ay patay sa espiritu?