Tanong
Ano ang pelagianismo (pelagianism) at semi-pelagianism?
Sagot
Si Pelagius ay isang monghe na nabuhay noong huling bahagi ng 300 A.D. hanggang sa unang bahagi ng 400 A.D. Itinuro ni Pelagius na ang lahat ng tao ay isinisilang na inosente, na walang dungis ng orihinal o minanang kasalanan. Naniniwala siya na direktang nilikha ng Diyos ang kaluluwa ng bawat tao at walang anumang bahid ng pagkakasala. Naniniwala rin siya na ang kasalanan ni Adan ay walang anumang epekto sa henerasyon ng tao sa hinaharap. Ang paniniwalang ito ay nakilala sa tawag na pelagianismo (pelagianism).
Sinasalungat ng pelagianism ang maraming katuruan at prinsipyo ng Kasulatan. Una, sinasabi sa atin ng Bibliya na tayo ay makasalanan na ng tayo ay ipinaglilihi pa lamang ng ating ina (Awit 51:5). Itinuturo din ng Bibliya na ang lahat ng tao ay namamatay bilang resulta ng kasalanan (Ezekiel 18:20; Roma 6:23). Habang itinuturo ng Pelagianism na ang tao ay isinilang na walang inklinasyon na gumawa ng kasalanan, itinuturo naman ng Bibliya ang salungat dito (Roma 3:10-18). Malinaw na ipinahayag ng Roma 5:12 na ang kasalanan ni Adan ang dahilan kung bakit kumalat ang kasalanan sa lahat ng tao. Ang sinuman na nagpalaki ng bata ay makapagpapatunay na dapat na turuan ang mga bata na gumawa ng mabuti ngunit hindi sila kailangang turuan na gumawa ng masama. Natural lamang sa kanila ang magkasala. Kaya nga malinaw na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang pelagianism at ang katuruang ito ay nararapat na iwasan.
Itinuturo naman ng semi-pelagianism na ang tao ay nabahiran ng kasalanan ngunit hindi nawala ang kanyang kakayahan na tulungan ang sarili upang makamtan ang biyaya ng Diyos. Sa esensya, ang semi-pelagianism ay sumasalungat sa sukdulang kawalan ng kakayahan ng tao na gumawa ng mabuti na maaaring kalugdan ng Diyos (total depravity). Ang mga talata na lumalaban sa pelagianism ay magagamit din sa pagsaway sa semi-pelagianism. Sa paglalarawan ng Roma 3:1-18, malinaw na mauunawaan na hindi lamang nadungisan ng kasalanan ang tao kundi wala siyang kahit anong kabutihan na maipagmamalaki sa Diyos. Malinaw na itinuturo sa atin ng Bibliya na kung hindi tayo "ilalapit ng Diyos" sa Kanyang sarili", wala tayong kakayahan na makipagtulungan sa Diyos upang makamtan ang Kanyang biyaya ng kaligtasan. Sinabi ni Hesus, "Walang makalalapit sa akin malibang dalhin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw" (Juan 6:44). Gaya ng pelagianism, ang semi-pelagianism ay hindi sinasang-ayunan ng Bibliya at dapat lamang na itakwil.
English
Ano ang pelagianismo (pelagianism) at semi-pelagianism?