Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga pamamaraan na permanenteng pumipigil sa pagkakaroon ng anak gaya ng ligation o pagpapatali o vasectomy?
Sagot
Ang pagpipigil sa pagkakaroon ng anak ay isang kontrobersyal na usapin sa loob ng Kristiyanismo dahil hindi malinaw na ipinagbabawal o pinahihintulutan ng Bibliya ang gawaing ito. Hindi rin tinatalakay sa Bibliya ang mga pamamaraan para permanenteng pigilin ang pagkakaroon ng anak gaya ng pagpapatali sa babae a pagpapa-vasectomy sa lalaki dahil ang mga pamamaraang medikal na ito ay hindi pa natutuklasan sa panahon ng Bibliya. Ang pagpipigil sa pagkakaroon ng anak, permanente man o pansamantala ay isang usapin ng puso at personal na kumbiksyon at pagpapasya ng magasawa.
Sa anumang diskusyon tungkol sa pagpipigil sa pagkakaroon ng anak, dapat nating kilalanin na ang mga anak ay regalong mula sa Diyos (Awit 127:3–5). Ang mga anak ay hindi pabigat na dapat pagtiisan kundi mga pagpapala na dapat tanggapin ng may kagalakan. Mula sa isang biblikal na pananaw, ang bawat magasawa ay dapat na "umasa" na magkakaroon ng anak o maghanda para sa posibilidad ng pagkakaroon ng mga anak. Ang kawalang kakayahan na magkaroon ng anak ay itinuturing na isang sumpa sa panahon ng Bibliya at ang kakayahan na magkaanak ay isang kagalakan. Walang sinuman sa Bibliya ang naitala na hindi naging masaya ng magkaroon ng mga anak.
Ang permanenteng pamamaraan sa pagpipigil sa pagkakaroon ng anak (gaya ng pagpapatali sa babae at vasectomy sa lalaki) ay maaaring nararapat para sa mga magasawa na nararamdaman na hindi na nila kailangan ng iba pang anak. Maaaring isinasalang-alang nila ang mga isyu tungkol sa kalusugan, pinansyal at relasyon. Ang desisyon na gumamit ng mga pamamaraang ito ay hindi dapat nakabase sa pagiging makasarili o sa isang dahilang walang kabuluhan (Filipos 2:3–4) kundi sa pagnanais na bigyang kasiyahan ang Diyos at sumunod sa Kanyang kalooban.
Maraming tao na naniniwala na dapat tayong magnais na magkaroon ng maraming anak gaya ng pagnanais natin na tumanggap ng pagpapala ng Diyos ang naniniwala na hindi dapat limitahan ang bilang ng anak o laki ng pamilya sa anumang kaparaanan. Gayunman, hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang paggamit ng mga pamamaraan upang pigilan ang pagbubuntis, panandalian man o permanente, kaya't hindi natin maaaring sabihin na mali ito sa lahat ng pagkakataon. Sa pamamagitan ng ating personal na relasyon sa Diyos, maaari nating hanapin ang Kanyang kalooban patungkol sa bagay na ito.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga pamamaraan na permanenteng pumipigil sa pagkakaroon ng anak gaya ng ligation o pagpapatali o vasectomy?