Tanong
Paano ko malalaman na natagpuan ko ang perpektong asawa para sa kin?
Sagot
Hindi tinalakay sa Bibliya kung paano makakakita ng isang "perpektong asawa" o partikular na tinukoy kung sino ang tamang makakasama sa buhay ng isang Kristiyano. Ang isang tiyak na itinuturo ng Bibliya ay hindi tayo dapat magasawa ng isang hindi mananampalataya (2 Corinto 6:14-15). Ipinapaalala sa atin ng Unang Corinto 7:39 na kahit na malaya ang isang mananampalataya na magasawa, dapat siyang magasawa ng isang taong katanggap-tanggap sa Diyos - o ng isang Kristiyano. Bukod dito, tahimik ang Bibliya kung paano malalaman ng isang mananampalataya kung ang kanyang mapapapangasawa ay ang "tamang" tao para sa kanya.
Bakit kaya hindi inisa-isa ng Diyos sa atin kung ano ang dapat na hanapin sa isang mapapangasawa? Bakit wala tayong mga partikular na katuruan sa importanteng isyu kung sino ang perpektong asawa para sa atin? Ang mga Kristiyano ay nararapat na maging pareho ang pagiisip sa mga importanteng isyung tulad nito at kung ang dalawang Kristiyano ay nakatalaga sa kanilang buhay may asawa at sa pagsunod kay Kristo, sila'y nagtataglay ng mga kinakailangang sangkap upang magtagumpay. Gayunman, dahil sa ang ating lipunan ay umaapaw sa mga nagkukunwaring Kristiyano, isang matalinong pagpapasaya na gamitin ang malalim na pagkilala sa isang tao bago magdesisyon sa isang panghamabuhay na relasyon ng pagaasawa. Matapos makita ang mga prayoridad sa buhay ng isang napipisil para makaisang dibdib - kung siya ay tunay na itinalaga niya ang sarili para kay Kristo - ang mga hinihinging kundisyon ay mas madali ng bigyang pansin.
Una, dapat na natitiyak ng isang Kristiyano na handa na nga siyang magasawa. Dapat na sapat na ang gulang ng isang tao upang mapaghandaan niya ang kanyang ngayon at bukas at handa na siyang magtalaga ng kanyang sarili sa pakikisama sa isang tao sa kanyang buong buhay. Dapat din na kilalanin na ang pagaasawa ay nangangailangan ng pagsasakripisyo at hindi pagka-makasarili. Bago ang pagaasawa, ang magkasintahan ay dapat na pag-aralan ang tungkulin at gawain ng bawat isa bilang asawang lalaki at asawang babae (Efeso 5:22-23; 1 Corinto 7:1-16; Colosas 3:18-19; Tito 2:1-5; 1 Pedro 3:1-7).
Ikalawa, dapat na tiyakin muna ng magkasintahan na kilala na nila ang isa't isa at naglalaan sila ng sapat na panahon bago pag-usapan ang kanilang kasal. Dapat nilang obserbahan kung ano ang ikinikilos ng bawat isa sa iba't ibang sitwasyon, kung paano sila kumikilos sa presensya ng kapamilya at kaibigan, at anong uri ng mga tao ang kanilang pinakikisamahan. Ang paguugali ng isang tao ay naiimpluwensyahan ng kanyang mga kasama (1 Corinto 15:33). Dapat na nagkakasundo sila sa isyu ng moralidad, pananalapi, pagpapahalaga, sa pagaalaga ng mga anak, pagdalo sa pananambahan at pakikilahok sa gawain ng iglesya, relasyon sa mga pamilya ng bawat isa at sa isyu ng pagtatrabaho. Ang mga aspetong ito ng pamumuhay ay mga potensyal na pinagmumulan ng hindi pagkakaunawaan ng magasawa at nararapat na ikunsidera bago ang pag-iisang dibdib.
Sa huli, ang magkasintahan na nagpaplanong magpakasal ay nararapat na dumaan muna sa paghingi ng payo at kaalaman mula sa kanilang pastor o sa isang nagsanay na Kristiyanong tagapayo. Sa pamamagitan nito, matututo sila ng mga mahalagang kaalaman upang magtayo ng isang matagumpay na pamilya na si Kristo ang pundasyon. Matututo rin sila kung paano haharapin ang mga problema na tiyak na darating sa kanilang pagsasama. Kung dumaan sa mga pamantayang ito ang magkasintahan, nakahanda na sila na ipanalangin ang kanilang pagharap sa matrimonyo ng kasal. Kung masugid nating hahanapin ang kalooban ng Diyos, ituturo Niya sa atin ang tamang landas (Kawikaan 3:5-6).
English
Paano ko malalaman na natagpuan ko ang perpektong asawa para sa kin?