settings icon
share icon
Tanong

Naaayon ba sa Bibliya ang personal na pagpapahayag?

Sagot


May ilang mga Kristiano, karamihan sa mga iglesyang Charismatic/Pentecostal, ang naniniwala na ang kaloob na pagpapahayag ay pagbibigay ng personal na payo kung saan ginagamitan ito ng katagang “ganito ang sabi ng Panginoon.” Nakakalungkot ngunit walang ipinagkaiba ang mga nagbibigay ng personal na pagpapahayag sa mga manghuhula. May tinatawag na mga prophetic hotlines bilang “Kristianong” alternatibo sa mga hotlines ng mga manghuhula. Ipinapatalastas ng ilang kilusan ng personal na pagpapahayag ang mga katagang kagaya ng “halina kayo at alamin ang inyong prophetic reading” at hawig na hawig ito sa mga katagang ginagamit ng mga manghuhula. Ganap na hindi naaayon sa Bibliya ang ganitong paraan ng paggamit sa kaloob na pagpapahayag.

Ayon sa Bibliya, ang kaloob na pagpapahayag ay kakayahang galing sa Espiritu para sa pagpapahayag ng mga bagay na mula sa Diyos (Roma 12:6-8; 1 Corinto 12:4-11, 28). Minsan, at hindi lagi, kasama sa pagpapahayag ng mga bagay na galing sa Diyos ang mga bagay patungkol sa hinaharap. Parehong ginamit ng Diyos sa Luma at Bagong Tipan ang mga propeta at/o ang kaloob na pagpapahayag para ipakita ang katotohanan sa mga tao. Ang pagpapahayag ay ang paghahayag ng katotohanan ng Diyos; natatangi itong pahayag, isang katotohanan na hindi kayang unawain sa kahit anong paraan. Sa pamamagitan ng isang propeta, inihahayag ng Diyos ang isang katotohanan na kailangang malaman ng mga tao, at minsan naitatala ito bilang isang sulat. Ito ang paraan kung paano nabuo ang Bibliya, ang Salita ng Diyos, ang bukod-tanging pahayag na nagmula sa Diyos.

Nakaapekto ang pagkabuo ng Bibliya sa kalikasan ng kaloob na pagpapahayag. Nasa Bibliya ang lahat ng pahayag na kailangan natin para sa buhay at sa pagiging maka-diyos (2 Pedro 1:3). Ang salita ng Diyos ay buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alinmang tabak na magkabila'y talim (Hebreo 4:12). Ang Bibliya ay “magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain” (2 Timoteo 3:16-17). Bilang resulta, nagbago ang kaloob na pagpapahayag mula sa pagpapahayag ng bagong pahayag mula sa Diyos, sa pangunahin (o eksklusibo) na pagpapahayag ng natapos nang ipinahayag ng Diyos, na naitala sa Kanyang Salita – ang Bibliya.

Hindi nangangahulugan na kailanman ay hindi na magbibigay ng mensahe ang Diyos sa isang tao para sa iba sa iba’t ibang kaparaanan. Gagawin at ginagawa ng Diyos ang anumang paraan na naaayon Kanyang kalooban. Ngunit ang katotohanan na perpekto at kumpleto na ang Salita ng Diyos ang ating pamantayan na dito tayo dapat umasa para sa patnubay. Huwag tayong umasa sa mga propeta, sa mga prophetic hotlines at sa kanilang mga hula. Nasa Salita ng Diyos ang katotohanan na kailangan nating malaman. Nasa Salita ng Diyos ang karunungan na kailangan para magamit natin ng tama ang Kanyang katotohanan. Maliban diyan, nasa atin rin ang Banal na Espiritu para gabayan, aliwin, at turuan tayo (Juan 14:16, 26). Ang paggamit ng personal na pagpapahayag para makaimpluwensya sa mga tao at gawin silang palaasa sa “gabay ng pagpapahayag” ay maliwanag na pagbaluktot sa Biblikal na kaloob na pagpapahayag. Isang kalapastanganan ang bawat pagkakataon na pagtiwalaan ng mga tao ang nagkakamaling salita ng tao imbes na ang perpektong Salita ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Naaayon ba sa Bibliya ang personal na pagpapahayag?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries