Tanong
Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng personal na relasyon sa Diyos?
Sagot
Ang pagkakaroon ng personal na relasyon sa Diyos ay nagumpisa sa oras na naunawaan natin ang ating pangangailangan sa Kanya, at ng aminin natin na tayo ay makasalanan at sa pamamagitan ng pananampalataya ay tinanggap natin si Hesus bilang ating Tagapagligtas. Ang Diyos, na ating Ama sa langit ay laging nagnanais na mapalapit at makipagrelasyon sa atin. Bago nagkasala si Adan sa Hardin ng Eden, (Genesis 3), kilala ni Adan at Eba ang Diyos sa isang personal na kaparaanan. Lumalalakad silang kasama ng Diyos at direktang nakikipagusap sa Kanya. Dahil sa kasalanan ng tao, nahiwalay tayo at naputol ang ating magandang relasyon sa Diyos.
Ang hindi alam o hindi pinapansin ng tao, ipinagkaloob sa atin ni Hesus ang kahanga hangang kaloob - ang isang oportunidad na makasama ang Diyos ng walang hanggan kung magtitiwala tayo sa Kanya. "Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin (Roma 6:23). Naging tao ang Diyos sa pamamagitan ng persona ni Hesu Kristo upang angkinin ang ating kasalanan, patayin at buhaying muli mula sa mga patay bilang pagpapatunay sa Kanyang pagtatagumpay laban sa kasalanan at kamatayan. "Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus" (Roma 8:1). Kung tatanggapin natin ang kaloob na ito, magiging katanggap tangap tayo sa Diyos at magkakaroon ng relasyon sa Kanya.
Ang pagkakaroon ng personal na relasyon sa Diyos ay nangangahulugan na dapat nating sangguniin ang Diyos sa ating pang araw-araw na buhay. Dapat tayong manalangin sa Kanya, magbasa ng Kanyang mga Salita at magbulay bulay sa mga talata niyon upang higit Siyang makilala. Dapat tayong manalangin para sa karunungan (Santiago 1:5), na siyang pinakamahalagang bagay na maaari nating makamtan. Dapat nating dalhin ang ating mga kahilingan sa Kanya at humingi sa pangalan ni Hesus (Juan 15:16). Si Hesus ang nagmamahal sa atin ng lubos at nagbigay ng Kanyang buhay para sa atin (Roma 5:8), at Siya ang gumawa para sa atin, ng tulay patungo sa Diyos.
Ang Banal na Espiritu ay ipinagkaloob sa atin upang ating maging Tagapayo. "Kung ako'y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos. At ako'y dadalangin sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man, sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan: na hindi matatanggap ng sanglibutan; sapagka't hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya'y nakikilala ninyo; sapagka't siya'y tumatahan sa inyo, at sasa inyo" (Juan 14:15-17). Sinabi ni Hesus bago Siya mamatay na pagkatapos ng Kanyang kamatayan, ipagkakaloob Niya ang Kanyang Banal na Espiritu sa mga taong tatanggap sa Kanya. Ang Banal na Espiritu ang titira sa puso ng mga mananampalataya at hindi na aalis kailanman. Papayuhan Niya tayo, tuturuan ng katotohanan at babaguhin ang ating mga puso. Kung wala ang Banal na Espiritu sa buhay ng isang tao, wala siyang kakayahan na labanan ang mga tukso at kasalanan. Ngunit dahil nagtataglay tayo ng Espiritu Santo, mayroon tayong bunga na resulta ng pagkontrol sa atin ng Espiritu gaya ng pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, Kaamuan at pagpipigil sa sarili (Galatia 5:22-23).
Ang personal na relasyon sa Diyos ay hindi mahirap gaya ng ating iniisip at walang misteryosong pormula upang makamit ito. Pagkatapos nating maging mga anak ng Diyos, tinanggap natin ang Banal na Espiritu na nagsimula ng kanyang gawain sa ating puso. Dapat tayong manalangin ng walang humpay, magbasa ng Bibliya at makisama sa isang iglesya na naniniwala sa Bibliya at itinataas ang pangalan ni Kristo; ang lahat ng ito ay makatutulong sa atin upang lumago sa ating buhay espiritwal. Ang pagtitiwala sa Diyos sa bawat araw ng ating buhay at ang pananampalataya na Siya ang magbibigay sa atin ng lahat ng pangangailangan ang bunga ng pagkakaroon ng relasyon sa Kanya. Bagamat maaaring hindi natin mapansin agad-agad ang mga pagbabago sa ating buhay, mararanasan din natin ito kalaunan at magiging malinaw sa atin ang katotohanan.
English
Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng personal na relasyon sa Diyos?