Tanong
Ano ang ibig sabihin ng pighatiin / patayin ang ningas ng Banal na Espiritu?
Sagot
Kung ginagamit ang salitang “pagpatay sa ningas” sa Bibliya, ito ay tumutukoy sa pagpatay sa sunog o apoy. Kapag isinusuot ng mga mananampalataya ang kalasag ng pananampalataya, bilang bahagi ng baluting galing sa Diyos (Efeso 6:16), kanilang pinapatay ang nagniningas na palaso ni Satanas. Inilalarawan ni Hesus ang impiyerno na isang lugar kung saan hindi namamatay ang apoy (Marcos 9:44, 46, 48). Gayundin naman, ang Banal na Espiritu ay tulad sa isang apoy na nananahan sa bawat mananampalataya. Nais Niyang ipahayag ang kanyang mga gawa at personalidad. Kapag hinahadlangan ng mananampalataya ang Banal na Espiritu na gawin ang Kanyang gustong gawin sa kanyang buhay, gaya ng hindi paghusga sa kung ano ang tama at mali, pinapatay niya ang ningas ng Banal na Espiritu. Ito ay dahil hindi natin hinahayaan na ipahayag ng Banal na Espiritu ang Kanyang sarili sa atin sa paraan na Kanyang ninanais.
Upang maunawaan ang pagpighati sa Banal na Espiritu, dapat muna nating maintindihan na ang Banal na Espiritu ay may personalidad. Tanging isang persona lamang na may damdamin ang maaaring mapighati; kaya nga, ang Espiritu ay isang persona ng Diyos dahil mayroon Siyang emosyon. Kung maunawaan natin ito, mas madali nating maiintindihan kung paano Siya napipighati. Napipighati natin ang Banal na Espiritu kapag namumuhay tayo na gaya ng mga pagano (Efeso 4:17-19), sa pamamagitan ng pagsisinungaling (4:25), pagkagalit (4:26-27), pagnanakaw (4:28), panunungayaw (4:29), pagsisinungaling (4:26-27), hindi pagpapatawad (4:32), at kalibugan (5:3-5). Sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan, maging sa isip at sa gawa, napipighati ng isang mananampalataya ang Banal na Espiritu.
Ang pagpighati at pagpatay sa ningas ng Banal na Espiritu ay pareho ang resulta. Pareho nilang hinahadlangan ang pamumuhay ng ayon sa kalooban ng Diyos. Nangyayari ito sa tuwing nagkakasala ang isang mananampalataya sa Diyos at sinusunod ang kanyang makasalanang kalikasan. Ang tanging tamang daan na dapat tahakin ay ang daan na magdadala sa isang mananampalataya sa malapit na kaugnayan sa Diyos at sa kabanalan at sa paglayo sa kamunduhan at kasalanan. Gaya natin na ayaw nating mapighati - gayundin naman, hindi natin dapat pighatiin ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pagtutol sa Kanyang pangunguna sa ating mga buhay.
English
Ano ang ibig sabihin ng pighatiin / patayin ang ningas ng Banal na Espiritu?