Tanong
Ano ang pilosopikal na teolohiya?
Sagot
Ang pilosopikal na teolohiya ay ang sangay ng teolohiya na ginagamit ang mga pamamaraang pilosopikal upang magkaroon ng malinaw na pangunawa sa mga katotohanan tungkol sa Diyos. May mga pagtatalo kung dapat bang gamitin ng sabay ang teolohiya at pilosopiya sa pagtatangka na hanapin ang katotohanan o kung mauunawaan ng tao ang kapahayagan ng Diyos ng hindi ginagamit ang pilosopiya. Sa mga nagdaang siglo, may iba’t ibang teorya kung gaano kalaking sistema ng pilosopiya ang maaaring ilapat sa mga konsepto ng teolohiya. May ilang nagsasabi na dapat na hiwalay ang pangangatwiran at pilosopiya dahil wala silang kinalaman sa isa’t isa. Sinasabi naman ng iba na parehong kailangan ang pangangatwiran at pilosopiya kung nais ng tao na maunawaan ng tama ang mga kapahayagan ng Diyos. Mayroon namang naniniwala sa katamtamang paggamit sa pilosopiya ang nagsasabi na kapaki-pakinabang na kasangkapan ang pilosopiya sa pagunawa sa kapahayagan ng Diyos ngunit hindi ito dapat lubos na pagtiwalaan.
Lumabas ang pilosopikal na teolohiya noong ika-labingwalo at ika-labinsiyam na siglo ng atakehin ng mga positibista, modernista at ng mga iskolar ng Enlightenment ang Kristiyanismo. Humanap ng paraan ang mga Kristiyanong teologo upang ipaliwanag at ipagtanggol ang kanilang pananampalataya at nakita nila na maaaring gamitin ang mga metodolohiya ng pilosopiya upang ipagtanggol ang mga kapahayagan ng Diyos. May pinanggalingan ang paggamit ng pilosopiya upang pagaralan at ipaliwanag ang teolohiya. Ginamit nina Augustine, Thomas Aquinas, at iba pang naunang teologo ang mga ideya nina Aristotle at Socrates sa kanilang panulat sa pagtatangka na pagisipan at maunawan ang mga konsepto na matatagpuan sa Bibliya. Maraming modernong tagapagtanggol ng pananampalataya (apologists) ang gumagamit ng mga argumento ng pilosopiya; halimbawa, ang argumentong teleolohikal (ang nakikitang kaayusan ng sangnilikha bilang argumento sa pagkakaroon ng Diyos) at argumentong ontolohikal (isa ring argumento sa pagiral ng Diyos), ay parehong nagugat sa pilosopikal na teolohiya.
Sinasabi ng Bibliya na isang maluwalhating pagtatangka ang pagsisikap na hanapin ang katotohanan na itinatago ng Diyos (Kawikaan 25:2). Bingiyan tayo ng kakayahan na mangatwiran at walang masama sa pagaaral ng pilosopiya. Gayundin naman. Dapat tayong maging maingat. Maraming espiritwal na panganib sa pagaaral ng pilosopiya. Binabalaan tayo ng Diyos na “Iwasan ang mga usapang walang kabuluhan at ang baluktot na pangangatuwiran” (1 Timoteo 6:20). Ang mga teoryang gawa ng tao at mga pagaakala ng tao ay walang maidadagdag na halaga sa Salita ng Diyos na sapat upang “ihanda tayo sa lahat ng mabubuting gawain” (2 Timoteo 3:16–17). Tinangka ni Job at ng kanyang tatlong kaibigan na maunawaan ang pamamaraan ng Diyos sa pamamagitan ng pangangatwiran ng tao at nabigo sila. Sa huli, sinabi sa kanila ng Diyos na pinalalabo nila ang kapahayagan ng Diyos sa pamamagitan ng mga “salitang walang karunungan” (Job 38:2).
Ang pilosopikal na teolohiya ay isang kasangkapan na maaring gamitin sa tama at maling paraan. Ang isyu ay may kinalaman sa motibo at prayoridad: kung susubukin nating maunawan ang isipan at pamamaraan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga pangangatwiran ng tao, mabibigo tayo. Sinubukan ng tao na patunayan ang kanyang kakayahan na maabot ang Diyos mula pa noong itayo ang Tore ng Babel. Ngunit kung ang pag-ibig sa Diyos at ang pagnanais na tunay na makilala Siya ang ating motibo, at ginagamit natin ang ating talino upang mas lalong maunawaan ang Kanyang salita, gagantimpaalan Niya tayo. Hindi ang pilosopiya ang mismong katotohanan ngunit dapat na ipasakop ito sa katotohanan. Maaaring maging kasangkapan ang pilosopiya upang lalong maunawaan ang katotohanan. Ang kinasihan at hindi nagkakamaling Salita ng Diyos ay pinakamataas sa lahat at dapat na pangalawa lamang dito ang anumang pilosopiya ng tao. Ang Bibliya ang hukom ng ating mga pilosopiya, hindi ang pilosopiya ang hukom ng Bibliya (tingnan ang Hebreo 4:12). English
Ano ang pilosopikal na teolohiya?