settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pinagmulan ng doktrinang Trinidad?

Sagot


Ang Trinidad ang pinaka-natatangi, nagbibigay katuturan, 'di maunawaan, at kahanga-hangang misteryo ng Kristiyanismo. Ito ang kapahayagan ng kung sino ba talaga ang Makapangyarihang Manlilikha--hindi lang basta diyos, kundi isang walang katapusang umiiral sa walang hanggan bilang tatlong magkakapantay na walang hanggang Persona at may magkakapantay na pagka-Diyos, ngunit magkakaiba. Ang pinagmulan ng doktrinang Trinidad ay ang Biblia, bagaman ang salitang Trinidad ay hindi ginamit sa Biblia.

Katulad ng sinasang-ayunan ng mga orthodox na Kristiyano, pinanghahawakan ng doktrinang Trinidad na ang Diyos ay iisang esensya ngunit tatlong Persona; Ibig sabihin, ang Diyos ay mayroong iisang kalikasan, ngunit may tatlong sentro ng kamalayan; Ang Diyos ay iisang Ano, ngunit tatlong Sino. Ang ibang hindi mananampalataya ay nagkakamali sa pagsasabi na ito ay isang salungatan dahil ang doktrinang Trinidad ay isang misteryong ipinahayag ng Diyos sa kanyang Salita. Magiging kontradiksyon o salungatan ang doktrinang ito kung sasabihin nating ang Diyos ay mayroon lamang isang kalikasan ngunit mayroon ding tatlong kalikasan, O kaya'y paniwalaan natin na ang Diyos ay isang Persona ngunit mayroon ding tatlong Persona.

Mula pa sa umpisa ng iglesya ay nauunawaan na ng mga Kristiyano ang misteryo ng Trinidad kahit bago pa nila simulang gamitin ang salitang Trinidad. Halimbawa, alam na ng mga unang Kristiyano na ang Anak ay ang Manlilikha (Juan 1:1-2, ang "Ako nga" ng Lumang Tipan (Exodo 3:14; Juan 8:58), kapantay ng Ama (Juan 14:9), at ang hukom ng buong sanlibutan (Genesis 18:25; Juan 5:22), na ibinigay ng Diyos na tanging nararapat sambahin (Deuteronomio 6:13; Lucas 4:8; Mateo 14:33).

Nalalaman din ng mga unang Kristiyano na ang Espiritu Santo ay ibang Persona na may sariling diwa at pagpapasya (Juan 16:13), na Siyang namamagitan sa atin sa Diyos (Roma 8:27). Pinatutunayan nito na Siya ay ibang Persona kaysa Diyos Ama--dahil ang pamamagitan ay nangangailangan ng dalawang partido (walang namamagitan para sa kanyang sarili). Ang isa pang mahalagang bagay ay maaaring mapatawad ang tao sa kanyang paglapastangan sa Anak ng Diyos, ngunit hindi sa paglapastangan sa Diyos Espiritu Santo (Mateo 12:32).

Maraming ulit na binanggit ng mga sumulat ng Bagong Tipan ang tatlong Persona sa Trinidad (halimbawa: Roma 1:4; 15:30; 2 Corinto 13:14; Efeso 1:13-14; 1 Tesalonica 1:3-6). Nababatid ng mga unang mananampalataya na ang ikatlong Persona ng Trinidad ay isinugo ng Ama at ng Anak bilang "tagapayo"--upang manahan sa ating mga puso (Juan 14:16-17, 26; 16:7). Kaya't masasabi natin na ang misteryong ito ay buong pusong tinanggap ng unang iglesya bilang nahayag na katotohanan, bagaman hindi pa nila ito tinawag bilang "Banal na Trinidad."

Kaugnay nito, ang Lumang Tipan ay nagbibigay ng aninag tungkol sa Trinidad, kaya't walang anumang talata sa Banal na Kasulatan ang sumasalungat sa doktrinang ito. Tulad halimbawa ng mababasa sa Genesis 1:26 kung saan nagsasalita ang Diyos sa anyong maramihan, "Lalangin natin ang tao ayon sa ating wangis." Ipinapahayag din ng Diyos na Siya ay nagiisa ng Kanyang likhain ang lahat ng bagay at Kanyang iniladlad ang mga langit sa buong sanlibutan "Sa pamamagitan ko" (Isaias 44:24). Gayunman, si Jesus ang instrumento ng Diyos sa paglikha (Juan1:1-3; Colosas 1:16), kasama ang Espiritu Santo na kumikilos sa ibabaw ng tubig (Genesis 1:2). Sadyang mahirap unawain at pagtugmain ang mga katotohanang binanggit, ngunit kung ating titimbangin, ang doktrinang Trinidad lamang ang mayroong malinaw na paliwanag sa mga ito.

Maging ang Torah ay nagbigay pahiwatig sa ideya ng Diyos na umiiral na may maramihang Persona at kanilang inihula ang Kanyang pagkakatawang tao. Makikita na ang Lumang Tipan ay sagana din sa mga talatang tumutukoy sa pagdating ng mamumuno sa sanlibutan (Genesis 49:10) na isisilang sa Bethlehem (Mikas 5:2), Siya ay hindi lamang Anak ng Diyos (Isaias 9:6), kundi ang Mesiyas na Diyos sa katawang tao (Isaias 7:14; Zacarias 2:8-11). Ngunit sa ilalim ng pananakop ng mga Romano, ang mga Hudyo ay desperadong umaasa at naghihintay ng--matagumpay at mananakop na Mesiyas, at hindi ang isang aba at nagdurusang lingkod (Isaias 53). Kaya't ang Israel ay nabigong makilala ang Anak ng Diyos dahil sa Kanyang ordinaryong anyo (Isaias 53:2; Mateo 13:54-58; Juan 10:33), at nagawa pa nila Siyang patayin (Zacarias 12:10; Gawa 2:36).

Makalipas ang ilang taon pagkamatay ng huling alagad na si Juan, maraming pagtatangka ang ginawa ng mga Kristiyanong teologo upang ang Diyos ay pag aralan at ipaliwanag sa iglesya. Ngunit ang pagpaliwanag ng katotohanang espiritwal sa mga tao ay sadyang hindi sapat; Sinubukan ng mga tagapagturo ngunit sila'y kapos, habang ang iba naman ay lumabis hanggang sa nauwi sa hidwang katuruan. Ito ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng mga maling turo hanggang sa paglipas ng panahong apostoliko at ito ay ang mga sumusunod: Ang pagiging Diyos ni Jesus ngunit nagpakita lamang sa wangis ng tao (hindi totoong nagkaroon ng katawang tao) (Docetismo), Siya ay nilkha lang ng Ama kaya't Siya umano ay may simula (Adapsyonismo, Arianismo, at iba pa), Ang Diyos ay tatlong magkakahiwalay na diyos sa isang pamilya (Triteismo), At ang Diyos na gumaganap ng tatlong magkakaibang papel sa magkakaibang panahon (Modalismo, Monarkiyanismo).

Dahil walang relihiyon na maaaring umiral na hindi nakikilala ang kaniyang sinasamba, sumidhi ang pangangailangan upang maipaliwanag at mailarawan ang Diyos sa paraang mapagkakasunduan ng mga tagasunod ng Kristiyanismo bilang "opisyal" o orthodox na doktrina. Sapagkat kung si Cristo ay talagang hindi Diyos, lalabas na ang lahat ng Kristiyano ay mga heretiko dahil sa pagsamba sa nilikha sa halip na sa Diyos.

Si Tertulian (AD 160-225) na isang ama ng simbahan ang kauna-unahang gumamit ng salitang Trinidad patungkol sa Diyos. Ginamit niya ang naturang termino sa aklat na Laban kay Praxeus, na isinulat niya noong 213-AD upang ipaliwanag at ipagtanggol ang Trinidad laban kay Praxeus, na nagtuturo ng hidwang aral ng Monarkiyanismo (o Oneness theology). At mula diyan ay ligtaan natin ang mahigit isang siglo ng diskusyon, pagkakabaha-bahagi at mga debate hanggang sa Konseho ng Nicea noong 325 AD, kung saan ganap na pinagtibay ang Trinidad bilang opisyal na doktrina ng iglesya.

Sa pagwawakas, masasabi natin na ang Teolohiya ay ang pagtatangka ng hindi perpektong sangkatauhan upang maunawaan ang mga nakasulat sa Biblia katulad ng siyensya na isa ring pagtatangka ng hindi perpektong tao upang ipaliwanag ang kalikasan. Kung paanong ang lahat ng katibayan ng kalikasan ay totoo, gayun din naman ang lahat na orihinal na salita sa Biblia ay totoo. Ngunit ang tao ay sadyang limitado at nakakagawa ng maraming pagkakamali, kagaya ng ipinapakita sa atin ng kasaysayan. Kaya't kung may mga hindi pagkakasundo sa siyensya at teolohiya, ang mga disiplinang ito ay may kanya kanyang paraan ng pagtutuwid. Kaugnay nito, ipinapakita ng kasaysayan ng unang iglesya na marami sa mga masugid na mananampalatayang Kristiyano ang "nagkamali" sa pagpapaliwanag ng kalikasan ng Diyos (itinuturo nito sa atin na matuto tayong magpakababa). Gayunman, sa bandang huli ay nagawa pa ring ipaliwanag ng iglesya kung ano ang totoo at malinaw na itinuturo ng Biblia sa pamamagitan ng maingat na pagaaral sa Salita ng Diyos---ang Diyos ay umiiral bilang walang hanggang Trinidad.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pinagmulan ng doktrinang Trinidad?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries