Tanong
Ano ang pinagmulan ng Simbahang Katoliko?
Sagot
Tinitindigan ng Simbahang Katoliko na ang kanilang pinagmulan ay ang kamatayan, pagkabuhay na muli, at pag-akyat ni Hesus sa langit noong humigit kumulang 30 A.D. Ipinroklama ng Simbahang Katoliko na ito ang iglesyang kinamatayan ni Hesu Kristo at ang iglesyang itinatag ng mga apostol. Ito ba ang tunay na pinagmulan ng Simbahang Katoliko? Sa kabaliktaran, kahit ang simpleng pagbabasa ng Bagong Tipan ay magpapakita na hindi nagumpisa ang Simbahang Katoliko sa mga katuruan ni Hesus, o ng mga apostol. Sa Bagong Tipan, walang banggit ni minsan tungkol sa Papa, pagsamba o pagpaparangal kay Maria (maging ang banal na paglilihi kay Maria, ang walang hanggang pagka birhen ni Maria, pagakyat ni Maria sa langit, o ang pagiging tagapamagitan ni Maria sa mga tao kay Hesus at sa Diyos). Wala ring binanggit ang Bagong Tipan tungkol sa pananalangin sa mga santo, pagpapasa ng pagka-apostol, mga ordinansa sa Simbahang Katoliko na nagsisilbing mga sakramento gaya ng pagbibinyag ng sanggol, pagkukumpisal sa pari, purgatoryo at limbo, o ang magkapantay na awtoridad ng tradisyon at ng Bibliya. Kung hindi nanggaling ang Simbahang Katoliko sa katuruan ng Panginoong Hesu Kristo at ng mga apostol, gaya ng makikita sa Bagong Tipan, ano ang tunay na pinagmulan ng Simbahang Katoliko?
Sa unang dalawandaan at walumpung (280) taon ng kasaysayan ng Kristiyanismo, ipinagbawal ng imperyong Romano ang Kristiyanismo at mahigpit na pinagusig ang mga Kristiyano. Ang kalagayang ito ay nagbago ng maging "Kristiyano" ang isang emperador ng Roma na nagngangalang Constantino. Ginawang legal ni Constantino ang Kristiyanismo sa pamamagitan ng Edict ng Milan noong 313 A.D. Kalaunan, noong A.D. 325, ipinatawag ni Constantino ang Konseho ng Nicea sa isang pagtatangka na pag-isahin ang Kristiyanismo. Kinikilala ni Constantino na kayang pag-isahin ng Kristiyanismo ang imperyo ng Roma na ng panahong iyon ay magulo at nagkakawatak watak. Habang ito ay isang positibong pagbabago sa Simbahang Katoliko, hindi naging maganda ang resulta ng pagbabagong ito. Hindi tumigil si Constantino sa kanyang mga paniniwala at gawaing pagano, kaya't ang Kristiyanismong pinalaganap ni Constantino ay magkahalong Kristiyanismo at paganismong Romano.
Natanto ni Constantino na dahil sa laki, lawak at pagkakaiba-iba ng mga mamamayan ng imperyong Roma, hindi papayag ang lahat na basta iwanan ang kanilang mga relihiyon at yakapin ang Kristiyanismo. Kaya pinayagan niya at hinikayat ang pagpapaging tunog Kristiyano ng mga paniniwalang pagano. Nagumpisang bigyan ng bagong pangalan ang mga paniniwala ng mga pagano na hindi sinasang ayunan ng Bibliya. Ang ilang malinaw na halimbawa ng mga ito ay ang mga sumusunod:
(1) Ang Kulto ng Isis, isang babaeng diyus-diyusan sa relihiyon ng Egipto ay inihalo sa Kristiyanismo sa pamamagitan ng pagpapalit ng pagkakakilanlan kay Isis bilang si Maria. Marami sa mga titulo na ginagamit para kay Isis, gaya ng "Reyna ng Langit," "Ina ng Diyos," at Teotokos, (tagapagdala ng Diyos) ay itinawag kay Maria. Binigyan si Maria ng mataas na papel sa pananampalatayang Kristiyano higit sa papel na ibinigay sa kanya ng Bibliya upang makaakit ang Kristiyanismo ni Constantino ng mga mananamba ni Isis na kalaunan ay hindi talaga yayakap sa Kristiyanismo. Sa katotohanan sa kasaysayan, maraming mga dating templo ni Isis ang ginawang mga templo para kay Maria. Ang unang malinaw na katuruan ng Katoliko Romano tungkol kay Maria bilang si Isis ay matatagpuan sa mga sinulat ni Origen na tumira sa Alexandria sa Ehipto, na siyang sentro ng pagsamba kay Isis.
(2) Ang Mithraism ay relihiyon na sa imperyo ng Roma mula pa noong una hanggang ikalimang siglo (100 - 500 A.D). Napakapopular ng relihiyong ito sa mga Romano, lalo na sa mga Romanong sundalo at posibleng ito ang relihiyon ng mga Emperador. Kahit hindi binigyan ng opisyal na katayuan sa imperyong Roma, ang relihiyong ito ang opisyal na relihiyon ng Roma hanggang sa dumating si Constantino at palitan niya ang Mithraism ng Kristiyanismo. Ang isa sa mga pangunahing katangian ng Mithraism ay ang handog na pagkain, na kinapapalooban ng pagkain ng laman at paginom ng dugo ng isang toro. Si Mithra, ang diyos ng Mithraism ay nasa laman at dugo ng toro na sa tuwing kakainin at iinumin ay nagbibigay ng kaligtasan sa sinumang kakain ng laman at iinom ng dugo niyon (doktrina ng theopagy — pagkain sa diyos). Mayroon ding pitong (7) sakramento ang Mithraism, na hindi mapapasubalian ng mga Katoliko ang pagkakahawig sa kanilang sariling 7 sakramento. Napakadaling napalitan ni Constantino at ng kanyang mga kahalili ang katuruan ng handog ng pagkain ng Mithraism sa konsepto ng Hapunan ng Panginoon o Banal na Komunyon. Nakalulungkot na may ilang mga naunang Kristiyano ang nagumpisa noon pa man na ikabit ang mistisismo sa hapunan ng Panginoon at tinatanggihan ang Biblikal na konsepto na pagaalala sa kamatayan at pagbububo ng dugo ng Panginoong Hesu Kristo. Ang "Romanisasyon" ng Huling Hapunan ng Panginoon ang nagsilbing transisyon para sa sakramento ng komunyon na kinilala ngayon na Eukaristiya sa pagsambang Katoliko.
(3) Marami sa mga Emperador na Romano at mga mamamayan ng Roma ang mga Henoteista. Ang isang henotesita ay naniniwala sa pagkakaroon ng maraming diyos ngunit binibigyan ng higit na atensyon at pagpapahalaga sa isang partikular na diyos o ikinukunsidera ang pagkakaroon ng isang pinakamataas na Diyos na higit sa ibang mga diyos. Halimbawa nito ay ang diyos ng mga Romano na si Jupiter. Si Jupiter ang pinakamataas sa lahat ng diyos ng mga Romano. Ang mga magdaragat naman na Romano ay sumasamba sa diyos na si Neptuno, ang diyos ng karagatan. Nang ihalo ang mga paniniwalang pagano sa Kristiyanismo, pinalitan ang mga diyos na ito ng pangalan ng mga santo. Ang mga Romano ay kumikilala sa diyos ng pag-ibig, diyos ng kapayapaan, diyos ng digmaan, diyos ng kalakasan, diyos ng karunungan at marami pang iba. Ito ang dahilan kung bakit ang bawat siyudad o bayan o kahit barangay ay may isang santo na tinatawag na patron sa mga bansang Katoliko, ito ay hinango sa mga diyus diyusan ng mga Romano na nagiingat din sa bawat siyudad ng Roma sa kanilang dating opisyal na relihiyon na tinatawag na Mithraism na pinalitan ng Kristiyanismo.
(4) Ang pamumuno ng Obispo sa Roma (Papacy) ay itinatag at sinuportahan ng mga Emperador. Dahil ang siyudad ng Roma ang sentro ng pamahalaang Romano at dahil nakatira ang mga Emperador sa Roma, natanyag ang siyudad ng Roma sa buong imperyo. Ibinigay ni Constantino at ng kanyang mga kahalili ang kanilang suporta sa Obispo ng Roma bilang pinakamataas na tagapanguna ng Simbahang Katoliko. Isang napakagandang estratihiya para sa pagkakaisa ng imperyo ng Roma na ang pamahalaan at relihiyon ng bansa ay magkasama sa iisang lokasyon. Maraming mga Obispo ang tumutol sa ideya ng pagkakaroon ng ganap na kapamahalaan ng Obispo sa Roma. Ngunit sa huli, naging pinakamakapangyarihan din ang Obispo sa Roma dahil sa kapangyarihan at impluwensya ng mga Emperador ng Roma. Ng bumagsak ang imperyong Roma, sinimulang gamitin ng mga Papa ang titulo na dating ginagamit ng mga Emperador — ang Pontificus Maximus.
Marami pang mga halimbawa ang maaring ibigay. Ang apat na ito ay sapat na para ipakita ang tunay na pinagmulan ng Simbahang Katoliko. Siyempre, hindi aaminin ng nga mga Katoliko ang pinanggalingan ng mga paniniwala at kaugaliang pagano na mayroon sa Katolisismo. Itinatago ng Simbahang Katoliko ang mga paganong katuruang ito sa likod ng kanilang tradisyon. Dahil sa alam nilang marami sa kanilang mga paniniwala at kaugalian ay hindi ayon sa Bibliya, napilitan ang Simbahang Katoliko na tanggihan ang awtoridad at kasapatan ng Bibliya.
Ang pasimula ng simbahang Katoliko ay isang trahedya ng pakikipagkompromiso sa mga paganong kaugalian at relihiyon. Sa halip na ibahagi ang tunay na Ebanghelyo sa mga pagano, ginawa nilang pagano ang Kristiyanismo. Sa pagiging malabo ng pagkakaiba at pagpawi ng mga distinksyon, ginawang kaakit akit ng Simbahang Katoliko ang Kristiyanismo sa mga mamamayan ng imperyong Romano. Ang isang resulta ay naging pangunahing relihiyon ang Simbahang Katoliko sa "Romanong mundo" sa loob ng maraming siglo. Ngunit ang isa pang resulta ay tumalikod ang Kristiyanismo sa tunay na Ebanghelyo ni Hesu Kristo at sa totoong proklamasyon ng Salita ng Diyos.
Idineklara ng 2 Timoteo4:3-4, "Sapagkat darating ang panahong hindi na nila pakikinggan ang wastong aral; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Mangangalap sila ng mga gurong walang ituturo kundi ang mga bagay lamang na gusto nilang marinig. Ibabaling nila sa mga alamat ang kanilang pansin at hindi na nila pakikinggan ang katotohanan."
English
Ano ang pinagmulan ng Simbahang Katoliko?