Tanong
Ano ba ang pinagmulan ng iba't-ibang mga lahi?
Sagot
Hindi tayo binibigyan ng Bibliya ng tiyak na impormasyon tungkol sa pinagmulan ng iba't-ibang mga lahi o kulay ng balat ng mga tao. Ang totoo, mayroon lamang iisang lahi sa mundo - ang lahi ng mga tao. Ang pagkakaiba lamang sa mga tao ay ang pisikal na katangian at kulay ng balat. Sinasabi ng ilan na noong ginulo ng Diyos ang wika ng tao sa Tore ng Babel (Genesis 11:1-9), inumpisahan din Niya na pag-ibahin ang lahi at kulay ng mga tao. Posibleng binago ng Diyos ang genetic make-up ng tao upang manatili silang buhay sa iba't ibang ekolohiya, gaya ng mga Aprikano na may kakayahang mabuhay sa kabila ng sobrang init sa Aprika. Ayon sa pananaw na ito, ng guluhin ng Diyos ang wika ng tao, ang bunga nito ay paghihiwalay ng mga tao ayon sa kanikanilang mga wika, at pagkatapos ay binago na rin ng Diyos ang genetic code ng mga lahi upang mabuhay sila kung saang lugar sila dadalhin ng Diyos. Maaaring posible ito ngunit wala malinaw na Biblikal na suporta sa ganitong teorya. Ang lahi o mga kulay ng balat ng tao ay hindi nabanggit saTore ng Babel.
Pagkatapos ng baha, noong magkaroon ng iba't-ibang mga wika, ang mga taong nagsasalita ng magkahalintulad na wika ay humiwalay sa ibang grupo ng tao na nagsasalita rin ng ibang wika. Dahil dito, ang "gene pool" ng partikular na grupo ng tao ay lumiit dahil hindi na ang buong populasyon ng sangkatauhan ang puwedeng pamilian ng mapapangasawa. Ang pagaasawa ng mga magkakamaganak ay nangyari, at sa paglipas ng panahon, isang partikular na katangian ang lumabas sa mga grupong ito ng tao. Habang patuloy na nagaasawa ang mga tao sa kanilang sariling grupo, lumiit ng lumiit ang gene pool ng mga ito hanggang sa dumating sa punto na ang mga taong may magkakatulad na wika ay nagkaroon na rin ng magkaparehong kulay at pisikal na katangian, at kung mayroon mang ibang pisikal na katangian na lumabas ay pambihira lamang.
Ang isa pang teorya na maaaring pinagmulan ng iba't-ibang lahi ay ang paniniwala na maaari diumano na si Adan at Eba ay nagmamayari ng genes na na maaaring magbunga ng itim, kayumanggi, at puting mga anak. Ito ay maihahalintulad sa pag-aasawa ng magkaibang lahi. Kadalasan, ang kanilang mga nagiging anak ay hindi magkakatulad ang kulay ng balat. Dahil nais ng Diyos na ang sangkatauhan ay may pagkakaiba sa panlabas na kaanyuan, maaaring binigyan ng Diyos ng kakayahan si Adan at Eba na magsilang ng anak na may magkakaibang kulay ng balat.
Walo lamang ang nakaligtas sa pandaigdigang baha, si Noe at ang kanyang asawa, at ang kanyang tatlong anak na lalaki at ang kani-kanilang asawa (Genesis 7:13). Maaaring ang asawa ni Shem, Ham at Jafet ay mula sa ibang lahi. Posible rin na ang asawa ni Noe ay mula rin sa ibang lahi. Maaaring silang walo ay nagmula sa magkakaibang lahi at nagtataglay ng genetic make-up na nagbibigay sa kanila ng kakayahang magsilang ng mga anak na magkaiba ang lahi. Anuman ang paliwanag, ang mahalaga ay iisang lahi lamang ang tao at lahat tayo ay nilalang ng iisang Diyos para sa iisang layunin, ang sambahin at papurihan ang Lumikha sa atin.
English
Ano ba ang pinagmulan ng iba't-ibang mga lahi?