settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pinagpalang araw?

Sagot


Sinasabi sa Tito 2:12–13 na itinuturo sa atin ng biyaya ng Diyos na “na talikuran ang makamundong pamumuhay at damdaming makalaman, at mamuhay tayo sa daigdig na ito nang may pagpipigil sa sarili, matuwid at karapat-dapat sa Diyos habang hinihintay natin ang pinagpalang araw na ating inaasahan. Ito ang araw na mahahayag ang kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.” Ipinaliwanag sa mga talatang ito ang “pinagpalang araw” bilang ang maluwalhating araw ng pagpapakita ni Jesu Cristo, ang ating dakilang Diyos at Tagapagligtas.

Ang salitang “pinagpala” ay maaaring mangahulugan ng pagiging “masaya” o “kapaki-pakinabang;” ang ating pag-asa ay “pinagpala” dahil ang muling pagparito ni Jesus ay magiging kahanga-hanga, at puno ng maligayang karanasan para sa mga sumasampalataya kay Cristo. Pagpapalain tayo ng hindi masusukat na pagpapala kapag nakita na natin si Cristo. Matatapos ang mga pagsubok sa buhay at makikita natin na ang “mga pagdurusa sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatian na mahahayag sa atin” (Roma 8:18). Ang salitang pag-asa ay hindi nagpapahiwatig ng kawalang katiyakan gaya ng “Umaasa ako na magaganap ang isang bagay;” sa halip, ito ay ang maligayang katiyakan na magaganap ang isang pangyayari. Si Jesus ang ating pag-asa at walang makakapagalis ng kagalakang iyon. “At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin” (Roma 5:5).

Kaya, ang “pinagpalang araw” ay ang maligayang katiyakan na ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang mga pagpapala sa atin sa muling pagparito ng Panginoong Jesu Cristo. Naghihintay tayo ngayon sa pangyayaring iyon. Sinabi ni Jesus na Siya’y muling paparito (Gawa 1:11), at sinasabi din ng mga kasulatan na Siya’y babalik na muli. Darating si Jesus sa anumang oras para sa Kanyang iglesya na kinabibilangan ng lahat na mga mananampalataya mula noong Araw ng Pentecostes sa ikalawang kabanata ng aklat ng mga Gawa hanggang sa Kanyang muling pagparito. Ang pangyayaring ito ay tinatawag na “pagdagit” (rapture). Ito ay ibabalita sa pamamagitan ng tinig ng arkanghel at ng tunog ng trumpeta. Ang mga katawan ng mga namatay ay muling bubuhayin upang muling sumapi doon ang kanilang mga kaluluwa, at ang katawan naman ng mga nabubuhay na mananampalataya sa mundo ay babaguhin at gagawing katulad ng katawan ng Panginoong Jesu Cristo noong Siya’y nabuhay na mag-uli. Bubuhayin ang mga mananampalataya mula sa mga patay at sasalubungin ang Panginoong Jesus sa Kanyang pagparito sa mga alapaap para sila dalhin sa langit (tingnan ang 1 Tesalonica 4:13–18). Magaganap ang lahat ng ito sa isang kisap mata (1 Corinto 15:52).

May epekto ba ang pinagpalang araw na ito ng muling pagparito ni Jesu Cristo anumang sandali sa buhay ng mga mananampalataya? Isinulat ni Juan, “Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa kay Cristo ay nagsisikap na maging malinis tulad niyang malinis” (1 Juan 3:3). Ang naghihintay na mga mananampalataya sa pinagpalang araw ng muling pagparito ni Cristo ay magsisikap na mamuhay sa kapangyarihan ng nananahang Espiritu na isang buhay ng kabanalan. Haharap tayong lahat sa Panginoon at magbibigay sullit sa kung paano tayo nabuhay para sa Kanya dito sa lupa (2 Corinto 5:10).

Ang nalalapit na muling pagparito ni Cristo ay dapat na magtulak sa atin para mamuhay ng isang makadiyos na pamumuhay sa makasalanang mundo. Ang salitang “paghihintay” sa Tito 2:13 ang susi para ito mangyari. Ang “maghintay” ay nangangahulugan na mabubuhay tayo bawat araw sa patuloy na pag-asa na darating si Jesus anumang sandali mula ngayon. Ang pag-asang ito’y isang realidad na bumabago sa atin sa buhay na ito na nagreresulta sa pagluwalhati sa Diyos sa ating mga buhay (1 Corinto 10:31). Ang pinagpalang araw ang nagbibigay sa atin ng kagalakan at umaaliw sa atin habang dumadaan sa mga pagsubok ng mundong ito. Ito din ang dapat na maging dahilan upang magnilay tayo at suriin kung naaayon sa kalooban ng Diyos ang ating mga iniisip, sinasabi, at mga ginagawa.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pinagpalang araw?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries