Tanong
Ano ang ibig sabihin ng mga salitang "ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao?
Sagot
Ang utos na "ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao" ay tumutukoy sa pagaasawa at diborsyo. Nagmula ito sa katuruan ni Jesus patungkol sa pagaasawa at diborsyo na makikita sa Markos 10:1–12 at Mateo 19:1–12. Sa isang pagkakataon, tinanong ng mga Pariseo si Jesus kung maaaring hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawang babae. Ang sagot ni Jesus ay, "Hindi baga ninyo nabasa, na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula, ay sila'y nilalang niya na lalake at babae, At sinabi, Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman? Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao" (Mateo 19:4–6; cf. Genesis 1:27; 2:24).
Ang punto ni Jesus sa Kanyang mga pananalitang ito ay una, "pinagsama ng Diyos ang magasawa."Ang pagaasawa ay hindi nagmula sa tao – nagmula ito sa Diyos at isang bahagi ng disenyo ng Diyos sa pamumuhay ng sangkatauhan. Sa pagsasabing "ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao" itinuturo ni Jesus na hindi ayon sa orihinal na plano ng Diyos ang diborsyo o paghihiwalay. Sa oras na makasal ang dalawang tao, pinagsama sila ng Diyos mismo at ang pagsasama nila ay dapat na panghabang buhay. Ang prinsipyong ito ay totoo sa kabila ng pagkakaroon o kawalan man ng pananampalataya ng magasawa. Kung magpakasal ang dalawang ateista, pinagsama silang dalawa ng Diyos, kilalanin man nila o hindi ang katotohanang ito. Kung pinagsama sila ng Diyos, walang sinumang may karapatan na sirain ang kanilang pagsasama.
Nang sabihin ni Jesus, "ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao," sinabi sa Kanya ng mga Pariseo na pinahintulutan ni Moises ang diborsyo. Sumang-ayon si Jesus ngunit sinabi Niya na pinayagan iyon ng Diyos dahil sa "katigasan ng kanilang puso" (Mateo 19:8), at muling binigyan ng diin na hindi ayon sa orihinal na plano ng Diyos para sa magasawa ang diborsyo.
Ang utos ni Jesus na hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Diyos ay nagpapahiwatig na posible para sa isang relasyon na masira at mapaghiwalay ng diborsyo ang dalawang taong naging isang laman. May mga pagtatalo-talo sa loob ng Kristiyanismo kung may balidong basehan para sa diborsyo. Marami ang pinapahintulutan ang diborsyo kung hindi nagsisisi ang isang kabiyak na nagtaksil sa kanyang asawa (ayon sa Mateo 19:9) o kung iniwan ng isang hindi mananampalatayang asawa ang kanyang mananampalatayang asawa dahil ayaw na ng una na makisama sa mananampalatayang asawa (tingnan ang 1 Corinto 7:15). Sa mga ganitong pagkakataon, ang tali sa magasawa ay sinira ng pagtataksil o ng pagiwan – ang pagputol sa relasyon na ginawa ng Diyos at isang trahedya sa pagsasama.
Kahit sa kabila ng dalawang dahilang nabanggit, kadalasan na sa ating kultura na ituring ang diborsyo bilang isang hindi seryosong kasalanan. Kung ang pagaasawa ay isa lamang simpleng imbensyon ng tao na kapareho ng pagsososyo sa negosyo o pagiging miyembro ng isang samahan, malaya ngayon ang tao na pumasok at lumabas sa relasyon anumang araw at oras niya maibigan. Ang diborsyo ay hindi isang simpleng kasunduan ng pagalis sa isang kumpanya; ito ay isang desisyon na kinapapalooban ng seryosong kunsiderasyon sa pagitan ng dalawang taong pinagsama ng Diyos na nais Niyang magsama ng habang buhay. Ito ay isang seryosong bagay!
English
Ano ang ibig sabihin ng mga salitang "ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao?