Tanong
Bakit pinahihintulutan ng Diyos na may mga taong lumpo? / Bakit pinahihintulutan ng Diyos na may mga taong may kapansanan?
Sagot
Ang Panginoon ay Diyos ng malulusog sa pisikal at mental, ngunit Siya ay Diyos din ng may mga kapansanan sa isip at sa pisikal. Siya ay ganap na makapangyarihan sa mga mahihina at ganun din sa mga malalakas. Itinuturo sa Biblia na ang tao ay walang katulad sa lahat ng nilikha ng Diyos (tingnan ang Awit 139:16), kasama ang mga lumpo at may kapansanan.
Ang likas na katanungan ay kung bakit hinahayaan ng Diyos na may ipinapanganak na lumpo o may kapansanan, o kung hindi man ay bakit hinahayaan niyang may maganap na sakuna o aksidente na sa bandang huli ay magdudulot ng kapansanan sa isang tao. Ang usaping ito ay tinatalakay sa ilalim ng teolohikal at pilosopikal na prinsipyo kagaya ng, "Suliranin tungkol sa kasamaan" o kaya'y "Suliranin sa pagdurusa." Kung ang Diyos ay parehong mabuti at makapangyarihan sa lahat, bakit Niya hinahayaan ang mga pangit na pangyayari? Ano ang punto sa pagkawala ng paningin ng isang tao at paglalakad na may prostesis o artipisyal na paa? Paano ba natin pagtutugmain ang kabutihan at pagiging ganap ng Diyos gayong ang kanyang nilikha ay wasak at sugatan?
Bago tayo magpatuloy, kailangan nating kilalanin na lahat tayo ay may kapansanan sa ibang bagay. Ang pangangailangan ng salamin ay nangangahulugang mayron kang kapansanan sa paningin, Ang braces ay nagpapakita na ang isang tao ay may kapansanan sa ngipin, ang dayabetes, rayuma, sakit sa balat, mga kasu-kasuang hindi maayos ang paggalaw--ang lahat nang ito ay maituturing nating kapansanan din. Dahil ang sangnilikha ay nabubuhay sa realidad ng kapintasan kaya't ang bawat isa ay makararanas ng hindi maayos na kalagayan. Lahat tayo ay may kanya kanyang kasiraan at kahinaan. Ang mga kapintasan o kapansanang ito ay makikita sa ating buhay sa may iba't ibang antas.
Ang pagkalumpo o kapansanan ng isang tao gaano man kalubha, ay nagpapatunay na tayo ay may orihinal o minanang kasalanan. Nang dumating ang kasamaan ay pumasok din ang kasalanan sa sanlibutan bunga ng pagsuway ng tao sa Diyos at ang kasalanang iyan ay nagdulot ng mga sakit, kapintasan, mga karamdaman at kamatayan (tingnan ang Roma 5:12). Ang mundo ay nadungisan at ang isang dahilan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagkalumpo at kapansanan ay dahil ang kalagayang ito ay bunga ng paglaban ng tao sa Diyos. Tayo ay nabubuhay sa mundo ng sanhi at epekto, at ang mundong ito ay daigdig na makasalanan. Sinabi ni Jesus, "Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito" (Juan 16:33). Subalit hindi ito nangangahulugan na ang bawat kapansanan ay bunga ng personal na kasalanan (sinagot ni Jesus ang kaisipang iyan sa Juan 9:1--3). Ganun pa man, sa pangkalahatan ay masasabi natin na ang lahat ng kapintasan o kapansanan ng tao ay dahil sa pagkakaroon ng lahat ng tao ng minanang kasalanan.
Ang isa pang dahilan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagkalumpo at mga kapansanan ay nais ng Diyos na Siya ay maluwalhati sa pamamagitan nito. Nang magtanong ang mga alagad kung bakit ang isang tao ay nabulag, ito ang sabi ni Jesus sa kanila, "Nangyari ito upang ang kapangyarihan ng Diyos ay mahayag sa kanila" (Juan 9:3). Ang kaparehong mga alagad din ay mamangha tungkol sa karamdaman ni Lazaro. Sinabi sa kanila ni Jesus, "Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos" (Juan 11:4). Sa magkatulad na mga pagkakataon ay napararangalan ang Diyos dahil sa kapansanan---katulad ng naganap sa taong ipinanganak na bulag, Nasaksihan ng mga pinuno ng templo ang hindi maikakailang patunay ng kapangyarihan ni Jesus na magpagaling; sa kalagayan ni Lazaro, " Marami sa mga hudyong dumalaw kay Maria, at nakasaksi sa ginawa ni Jesus ang sumampalataya sa Kanya" (Juan 11:45).
Isa pang dahilan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagkalumpo at kapansanan ay upang matutunan nating magtiwala sa Kanya sa halip na sa ating sarili. Nang si Moises ay tawagin ng Diyos sa ilang, nag alinlangan siyang sumunod. Sa katunayan ay ginawa niyang dahilan ang kanyang kapansanan upang hindi sumunod: "Panginoon, sa mula't mula pa'y hindi po ako mahusay magsalita. Bagama't nangusap ka na sa akin, hanggang ngayon ay pautal-utal pa rin ako kung magsalita"' (Exodo 4:10). Ngunit hindi lingid sa Diyos ang suliranin ni Moises: "Sinabi ni Yahweh, sino ba ang gumagawa sa bibig ng tao? sino ang may kapangyarihan para maging pipi o bingi ang isang tao? At sino rin ba ang nagbibigay paningin at nag aalis nito? Hindi ba't akong si Yahweh? Kaya nga't lumakad ka na at tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa 'yo ang iyong sasabihin" (Exodo 4:11-12). Sa mga talatang ito ay makikita natin na ang mga kapansanan ay bahagi ng plano ng Diyos at handa niyang tulungan ang masunurin niyang lingkod. Hindi Siya tumatawag ng may kakayahan kundi yaong tinawag Niya ay binibigyan niya ng kakayahan.
Sa panahon ng kanyang kabataan, si Joni Eareckson Tada ay nakaranas ng aksidente sa pagsisid at sa loob ng limang dekada ay nabuhay siya bilang isang quadriplegic. Nagkaroon siya ng guni-guni na nagkita sila ni Jesus sa langit at nagsalita ang Panginoon tungkol sa kanyang upuang de gulong: "Kung gaano ako kahina sa gulong na iyan, lalo akong sasandig sa'yo. At habang ako'y nakasandig sa 'yo, ay higit kong natuklasan ang iyong lakas. Kung hindi dahil sa nangyaring ito ay hindi ko mararanasan na ang sugat ay may biyaya sa upuang de gulong." Paano niya nasabi na ang kanyang "sugat" ay "pagpapala"? Tanging sa biyaya ng Diyos. Sa pamamagitan ng damdaming ito ni Joni ay maaalala natin si Pablo na kinilalang sapat ang biyaya ni Cristo sa kanyang kahinaan sa laman: "Kaya't buong galak kong ipinagmamalaki ang aking kahinaan upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo...Sapagkat kapag ako'y mahina, doon ako nagiging malakas" (2 Corinto 12:9-10).
Isa rin sa dahilan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagkalumpo o kapansanan ay ang malawak at magkakatugmang plano ng Diyos. Pinili Niya ang mahihina sa mundong ito para sa isang espesyal na layunin: "Subalit pinili ng Diyos ang mga naturingang hangal sa sanlibutan upang hiyain ang marurunong, at pinili niya ang naturingang mahihina upang hiyain ang malalakas. Pinili niya ang mga pangkaraniwang tao, mga hinahamak, at mahihina sa sanlibutang ito upang ipawalang saysay ang mga kilala ng sanlibutan. Kaya't walang sinumang makapagmamalaki sa harap ng Diyos" (1 Corinto 1:27-29).
Hindi kailangan ng Diyos ang lakas, galing, at kakayahan ng tao upang matupad ang kanyang nais gawin. Maaari niyang gamitin ang may kapansanan at ang maliliit na bata: "Pinupuri ka ng mga bata't bagong silang, Ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan, kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway" (Mga Awit8:2). Kahit na sino ay maaaring gamitin ng Panginoon. Ang pagalala sa katotohanang ito ay makakatulong sa isang mananampalatayang may kapansanan upang manatiling nakatuon sa Diyos. Madali tayong sumuko kapag nakikita natin na parang wala nang saysay ang buhay, ngunit ating tandaan na ang kapangyarihan ni Cristo ay nahahayag sa ating mga kahinaan (2 Corinto 12:9).
Nang si Jesus ay dumating dito sa sanlibutan, nagkusa siyang magkaroon ng kapansanan at kahinaan. Ginawa niyang mahina at may kapansanan ang kanyang sarili, iniwan Niya ang kanyang pagiging ganap sa langit at nanahan sa piling ng mga makasalanan.Nilisan Niya ang kanyang kaluwalhatian at ang kanyang sarili ay binalot ng kahihiyan ng sangkatauhan. Sa kanyang pagkakatawang tao, si Jesus ay nanahan sa katawang mahina at marupok. "Iniwan Niya ang kanyang kaluwalhatian at namuhay bilang isa alipin" (Filipos 2:7). Ang Anak ng Diyos ay nakibahagi sa ating kalagayan bilang tao at nagdusa para sa atin. "Ang ating pinakapunong paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan, sapagkat tinukso Siya sa lahat ng paraan subalit kailanma'y hindi siya nagkasala" (Hebreo 4:15); at mayroon tayong tagapamagitan na nakakaunawa sa ating mga kahinaan, kapansanan, at alam niya ang pakiramdam ng nasasaktan o namimighati.
Nangako ang Diyos na ang mga pagkalumpo at kapansanan ay panandalian lang. Dahil ang kalagayang ito ay bahagi ng makasalanang sanlibutan, subalit wala ng ganito sa bagong daigdig. Ang mga anak ng Diyos--yaong tinanggap bilang anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo (Juan 1:12)--ay mayroong maningning at maluwalhating hinaharap. Nang unang dumating si Jesus, ipinaranas Niya sa atin ang mga bagay na magaganap sa hinaharap: "…kaya't dinala sa kanya ang lahat ng may sakit at mga nahihirapan dahil sa iba't ibang karamdaman, mga sinasapian ng demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling" (Mateo 4:24). Sa kanyang pagbabalik, "Ang mga bulag ay makakakita, at makakarinig ang mga bingi. Ang mga pilay ay lulundag na parang usa, aawit sa galak ang mga pipi, mula sa kaparangan ay aagos ang tubig, at dadaloy sa disyerto ang mga batis" (Isaias 35:5-6).
Ang pananaw ni Joni sa kanyang upuang de gulong ay nakakapagbigay ng pag asa at liwanag: "Ang tunay na mga paralitiko o may kapansanan marahil ay yaong mga taong hindi gaanong kailangan ang Diyos." Ang kahinaan, pagkalumpo, kapansanan, mga kapintasan, at ang kakayahang magtiwala sa Diyos ay tunay na isang karangalan at pagpapala.
English
Bakit pinahihintulutan ng Diyos na may mga taong lumpo? / Bakit pinahihintulutan ng Diyos na may mga taong may kapansanan?