settings icon
share icon
Tanong

Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang panlilinlang?

Sagot


Nais ng Diyos na ang lahat ng tao ay magsisi at maligtas. Nakasaad iyan sa 1 Pedro 3:9. Subalit si Satanas na "Ama ng kasinungalingan" (Juan 8:44), ang siyang manlilinlang at dinadaya niya ang mga taong dapat sana ay tumanggap ng katotohanan. Sinasabi sa 2 Corinto 4:4 na, "Binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang isip ng mga hindi sumasampalataya, Ngunit kung tutuusin ay maaari namang pigilan ng Diyos ang kasinungalingan ni Satanas at maaari din niyang bigyan ng kakayahan ang tao upang labanan ito.

Makikita natin sa Biblia ang larawan kung paanong ang kasalanan at panlilinlang ay magkaugnay. Ipinapakita nito na tayo ay nadaya rin sa pagkaunawa natin tungkol sa panlilinlang dahil mayroon pang mas malalim na kahulugan ang panlilinlang kaysa pangkaraniwang pandaraya o kasinungalingan lamang. Ayon sa Galacia 3:28 at 1 Corinto 1:20, 26, hindi kinakailangan ng tao ang partikular na talino, pilosopikal na abilidad, o karunungan upang maligtas dahil ang totoo, isa sa nakakalungkot na gawi ng tao ang magpaunlad ng kaalaman na nagbubunga lamang sa panibagong paraan upang lalo siyang magkasala.

Ang susi upang ating maunawaan ang pandarayang espirituwal ay tanggapin ang katotohanan na madalas nating pinipili ay ang nais lamang nating paniwalaan kaysa piliin ang dapat paniwalaan, kahit mayroong sapat na katibayan (Lucas 16:31). Sinasabi sa Juan 12:37 na, "Kahit na nasaksihan nila ang maraming himalang ginawa niya, hindi pa rin sila nanalig sa kanya." Dito ay mapapagtanto natin na sinasadya ng mga tao na hindi paniwalaan si Jesu. Sa kabila ng mga himalang ginawa niya ay ipinasya pa rin nilang huwag sumampalataya.

Ang pagbagsak ni Eba sa kasalanan ang kauna-unahang espirituwal na panlilinlang. Nang siya ay tanungin ng ahas, "Totoo bang sinabi ng Diyos...?" tumugon siya ayon sa sinabi ng Diyos, dinagdagan pa nga niya ito (Genesis 3:1-3). Alam ni Eba ang dapat at hindi dapat gawin ngunit tinukso siya ng ahas sa pamamagitan ng panlilinlang na magkakaroon siya ng magandang pakinabang kapag kinain niya ang bunga ng puno (Genesis 3:4-5), at napansin niya ang iba pang kaakit-akit na aspeto ng bunga. Siya ay nadaya, at napaglalangan ng ahas (2 Corinto 11:3). Ngunit siya ay naniwala sa panlilinlang at pinili niya ang pagsuway kahit na alam niya ang utos ng Diyos. Kaya't ng siya ay kausapin ng Diyos tungkol sa kasalanang kanyang ginawa, ang kanyang sinabi ay, "Dinaya ako ng ahas" (Genesis 3:13b). Ang kahulugan ng orihinal na wikang Hebreo ng salitang "nalinlang" ay pandaraya at katusuhan. nadaya si Eba, ngunit maaari naman sana siyang magpasya kung magpapadaya siya o hindi, ginamit niya ang kaloob ng Diyos na malayang pagpapasya upang piliin ang mali at maghanap ng kasiyahan at personal na pag unlad sa halip na piliin ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Ganito rin ang nangyayari sa panahong ito. Ginagamit ni Satanas ang ating likas na pagnanasa at hinihimok tayong makamit at mapunan ang mga pagnanasang ito sa paraang hindi kalugud-lugod sa Diyos, at lalong nagiging mabisa ang panlilinlang ni Satanas dahil sa pagnanasa natin sa pansariling kasiyahan.

Ang Diyos ay nagsugo ng Tagapagligtas (Juan 3:16), ang sanlibutan ay pinuspos niya ng mga katibayan tungkol sa kanyang sarili (Roma 1:20), Ipinakita niya na Siya ay laging bukas sa mga taong humahanap sa kanya (Deuteronomio 4:29), at ang mga lumalapit sa kanya ay kanyang iniingatan (Juan 6:37). Ngunit tuwing tinatanggihan ng tao ang "malinaw" na katibayan ng Diyos (Roma 1:20), ay lalo lamang silang nahuhulog sa madilim na pagiisip at "kahangalan ng kanilang puso" (talatang 21), pagsamba sa diyus-diyusan (talatang 23, at karumihang sekswal (talatang 24), at sa huli ay "pinapalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan" (talatang 25). Kaya't sa madaling salita, ang espirituwal na panlilinlang ay ang bunga ng kanilang tuwirang pagtanggi sa hayag na katotohanan. Ipinagpalit ng mga hindi sumasampalataya ang katotohanan sa kasinungalingan--at dahil diyan ay natutuwa ang Diyablo na pangunahan sila sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga kasinungalingan sa kanila na kanilang mapagpipilian.

Ang sinumang lumalaban sa Diyos ay nasa panganib ng espirituwal na panlilinlang o pandaraya (2 Tesalonica 2:8-10). Likas na itinatanggi ng tao na siya ay walang alam, kaya't kapag inalis at tinanggihan niya ang katotohanan, may naiiwang hungkag na bahagi ng kanyang puso at hindi magtatagal ang puwang na iyon ay mapupuno ng mga bagay na hindi totoo at ang magiging epekto nito ay maari na niyang paniwalaan ang kahit na ano, dahil wala na sa kanya ang katotohanan.

Kung ating titingnan, nagkakasala si Eba hindi dahil sa siya ay walang laban sa kapangyarihan ng demonyo--na nadaig siya kaya't nagawa nya ang mali sa halip na ang tama. Nalinlang siya dahil sa kasinungalingan ng ahas, ngunit ang kanyang pagkakamali ay pinasya niyang pakinggan ang kasinungalingan, hanggang sa siya ay magkaroon na ng pagnanasa sa ipinagbabawal na bunga, at kinain nga niya ito sa pag aakalang gaganda ang kanyang buhay.

Lahat nang kasalanan ng tao ay bunga ng kanyang pasya (1 Corinto10:13) at siya ay nagiging mahina o madaling maniwala sa kasinungalingan kapag tinanggihan niya ang katotohanan. Kaya't ang paulit-ulit na pagtanggi sa katotohanan ay nagiging dahilan upang ang isang tao ay madaling madaya hanggang sa yakapin niya ang kasinungalingan at hayaan na siya ng Diyos sa ganoong kalagayan.

Bilang pagtatapos, pinahihintulutan ng Diyos ang panlilinlang o pandaraya bilang parusa sa sinadya at ipinasyang pagkakasala at upang linangin ang ating pagkaunawa kung gaano tayo kaaba sa ating buhay na nangangailangan sa Kanya na siyang Katotohanan na walang iba kundi si Jesu Cristo (Juan 14:6).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang panlilinlang?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries