settings icon
share icon
Tanong

Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang karamdaman?

Sagot


Sadyang mahirap harapin ang isyu tungkol sa karamdaman. Subalit ang susi upang maunawaan ito ay alalahanin ng tao na ang isipan at mga paraan ng Diyos ay hindi kagaya ng ating isipan at kaparaanan (Isaias 55:9). Sa tuwing tayo ay nahihirapan dahil sa sakit, karamdaman at pinsala, madalas ay nakatuon tayo sa ating sariling pagdurusa. Sa gitna ng mga pagsubok o karamdaman ay sadyang mahirap para sa atin ang tumingin sa kabutihang maaaring dala ng Diyos sa pamamagitan nito. Sinasabi sa atin ng Roma 8:28 na ang Diyos ay maaaring gumawa ng mabuti mula sa masamang pangyayari sa atin. Itinuturing ng iba na ang pagkakaroon nila ng karamdaman ay naging daan upang sila ay higit na mapalapit sa Diyos, matutong magtiwala sa Kanya, at matutong pahalagahan ang buhay. Ganito ang pagtingin ng Diyos, dahil siya ay makapangyarihan sa lahat at nalalaman niya ang kahihinatnan ng lahat ng ito.

Ngunit ito ay hindi nangangahulugang ang karamdaman ay laging nagmumula sa Diyos o kaya'y lagi niya tayong binibigyan ng sakit upang turuan sa aspetong espirituwal. Ang totoo, dahil sa makasalanang daigdig na ating tinatahanan, kaya laging nasa ating tabi ang mga karamdaman, at kamatayan. Tayo ay makasalanang nilalang kaya naman ang ating pisikal na katawan ay malapit sa sakit at karamdaman. May mga sakit na maaaring sanhi ng mga bagay sa mundo, ang iba naman ay dulot ng pagatake ng demonyo. Sa Biblia ay makikita ang ilang mga pangyayari kung saan makikitang ang pisikal na pagdurusa ay dulot ni Satanas at ng kanyang mga demonyo (Mateo 17:14-18; Lucas 13:10-16). Kaya't masasabi natin na hindi lahat ng karamdaman ay mula sa Diyos kundi galing kay Satanas. Ngunit kahit ang mga ganung pangyayari ay nasa ilalim pa rin ng kontrol ng Diyos. Minsan ay hinahayaan ng Diyos ang kasalanan o si Satanas upang maging sanhi ng pagdurusa. At kahit na nga hindi tuwirang galing sa Diyos ang karamdaman, ginagamit ito ng Diyos ayon sa kanyang ganap na layunin.

Hindi natin maitatatwa na minsan ay sinasadya o pinahihintulutan ng Diyos ang karamdaman upang matupad ang kanyang makapangyarihang plano. Hindi man tuwirang binabanggit ang karamdaman sa mga talata, Inilalarawan sa Hebreo 12:5-11 na tayo ay dinidisiplina ng Diyos upang "mamunga ng katuwiran" (talata 11). Ang karamdaman ay maaaring isang mapagmahal na paraan ng pagtutuwid ng Diyos sa atin. Mahirap maunawaan kung bakit ang Diyos ay kumikilos sa ganitong paraan, Ngunit dahil tayo ay naniniwala na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, wala tayong magagawa kundi isipin na ang pagdurusa o karamdaman ay dulot o kapahintulutan ng Diyos.

Ang pinakamalinaw na halimbawa nito ay makikita sa Mga Awit 119. Ating pansinin ang mga talata mula sa talatang 67, 71, at 75, "Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot, nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod; Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot, pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos. ...Nababatid ko, O Yahweh, matuwid ang iyong batas, kahit ako'y pagdusahin, nananatili kang tapat." Ang pagdurusa ay tiningnan ng sumulat ng Awit 119 ayon sa pagtingin ng Diyos dito. Ayon sa kanya, nakabuti sa kanya ang parusang dulot. Ang katapatan ang nag uudyok sa Diyos upang parusahan ang kanyang lingkod. At ang bunga naman nito ay pagkatuto sa tuntunin ng Niya at pagsunod sa kanyang Salita.

Muli, ang usapin tungkol sa karamdaman ay sadyang mahirap harapin. Ngunit may isang bagay na tiyak, ang karamdaman ay hindi dapat maging dahilan upang tayo ay mawalan ng pananampalataya sa Diyos. Siya ay mabuti, kahit sa panahon ng ating karamdaman o pagdurusa. Kahit pa ang kahahantungan ng pagdurusang ito ay "kamatayan." Ito ay pagpapakita pa rin ng Diyos ng kanyang kabutihan.

Panghuling paalala: Pananagutan natin ang maglingkod sa mga taong nagdurusa, alagaan natin sila, ipanalangin, at aliwin. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaari nating sabihin sa isang taong nahihirapan na may plano ang Diyos na mabuti sa kanyang karamdaman. Oo yun ang totoo, Subalit, hindi laging mainam na pagkakataon ang panahon ng pagdurusa o karamdaman upang ituro ang katotohanan. Sapagkat, higit sa pagbabahagi ng tamang teolohiya ay kailangan nila ang ating pagmamahal, at pagpapalakas ng loob sa panahon ng kanilang pagdurusa.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang karamdaman?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries