Tanong
Ano ang pinakamatandang relihiyon?
Sagot
Ang pinakamatandang relihiyon sa mundo ay ang pagsamba sa iisang tunay na Diyos gaya ng sinasabi sa Genesis 4:26, "…Noon nagsimulang tumawag sa pangalan ni Yahweh ang mga tao sa kanilang pagsamba (latinized "Jehovah"). Ang katotohanan na "nagsimula" silang tumawag sa pangalan ni Yahweh ay indikasyon ng pagbabago sa sosyedad. Sa unang pagkakataon, inorganisa at ipinakilala ng mga tao ang kanilang sarili bilang mga taong sumasamba sa Diyos. Nangyari ito sa panahon ni Enoc, ang apo ni Adan kay Set, mga 250 taon pagkatapos na palayasin ang unang magasawa sa hardin ng Eden.
Tungkol sa unang anyo ng pagsamba, mayroon tayong impormasyon tungkol sa pormal na instruksyon mula sa Diyos o mga itinalagang tradisyon kung paano sasamba ang mga tao sa Kanya. Maipagpapalagay natin na ito ay kinapapalooban ng paghahandog dahil naunawaan nina Cain at Abel ang pangangailangan ng indibidwal na paghahandog may isang henerasyon bago nagumpisang tumawag ang tao sa pangalan ni Yahweh (Genesis 4:3–4). Itinuro sa atin ni Moises tungkol sa unang relihiyon na alam nila ang pangalan ng Diyos at tumawag sila sa Kanya.
Si Satanas ay nangwawasak at lumilikha ng pagkakabaha-bahagi. Ginulo niya ang dalisay na relihiyon ng pagtawag sa pangalan ng tunay na Diyos at hinati ang relihiyon sa literal na daan-daang relihiyon. Noong panahon ni Noe, nalimutan ng mga tao ang Diyos at "ang bawat nasa ng kanilang mga puso ay pawang masama na lamang parati" (Genesis 6:5). Ang sumunod na pagkakataon na nabasa natin na may isang taong tumawag sa pangalan ng Panginoon ay sa Genesis 12:8 noong magtayo si Abraham ng altar "para sa Panginoon at tumawag sa pangalan ng Panginoon."
Ang pinakamatandang paganong relihiyon na may ebidensya tayo na nagkaroon ng organisadong mga tagasunod ay nagumpisa sa Egipto. Ang kultura ng Egipto at ang marami nitong diyus-diyusan ay matatag ng nakatayo bago pa ang panahong inilarawan ito sa huling bahagi ng Genesis at sa Aklat ng Exodo. Nagkaroon si Abraham ng pakikipagugnayan sa Faraon at sa mayaman at umuunlad na Egipto at (Genesis 12:10).
Sa panahon ni Moises noong ika-15 siglo BC, muling ipinakilala ng Panginoon ang Kanyang sarili (Exodo 3:14) at itinatag ang Kanyang relihiyon para sa mga Israelita. Isang kundisyon sa pagtawag sa pangalan ni Yahweh ang pagtatakwil sa lahat ng ibang mga diyos (Exodo 20:3–4). Sa gitna ng paganong mundo at ng mga taong sumasamba sa maraming diyus-diyusan, nagsilbing liwanag sa madilim na mundo ang pagsamba ng mga Hebreo sa nagiisang tunay na Diyos.
Ang relihiyon na ating nakikilala ngayon bilang Kristiyanismo ay ang pagpapatuloy ng plano ng Diyos para sa mga Israelita. Ang Ebanghelyo "ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego" (Roma 1:16). Kaya, kinapapalooban ang kasaysayan ng mundo ng patuloy na pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang sarili sa sangkatauhan, ang kabiguan ng tao na maunawaan ang mga kapahayagang ito, at ang pagpapanumbalik ng Diyos sa katotohanan. Sa pagtunton sa linyang ito ng katotohanan mula sa Genesis 4:26 at sa pangako ng Diyos sa Genesis 3:15, maaaring sabihin na ang pagsamba sa tunay na Diyos kay Kristo ang pinakamatandang relihiyon sa mundo.
English
Ano ang pinakamatandang relihiyon?