Tanong
Ano ang mga pintuan ng impiyerno?
Sagot
Ang pariralang "mga pintuan ng impiyerno" o "mga pintuan ng Hades" ay minsan lamang makikita sa buong Kasulatan, sa Mateo 16:18. Sa talatang ito, tinatalakay ni Jesus ang tungkol sa pagtatayo Niya ng Kanyang iglesya: "At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya" (Mateo 16:18).
Noong sabihin ni Jesus ang pangungusap na ito, hindi pa Niya itinatayo ang Kanyang iglesya. Sa katunayan, ito ang unang pagkakataon na binangit ang salitang "iglesya" sa Bagong Tipan. Ang salitang "iglesya," ayon sa paggamit ni Jesus ay nagmula sa salitang Griyego na ekklesia, na nangangahulugang "mga tinawag" o "isang kalipunan." Sa ibang salita, ang iglesya na tinutukoy ni Jesus bilang Kanyang Iglesya ay ang kalipunan ng mga tao na tinawag mula sa mundo sa pamamagitan ng Ebanghelyo ni Kristo.
Nagdedebate ang mga iskolar ng Bibliya sa aktwal na kahulugan ng pariralang "itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya." Ang mga maayos na interpretasyon sa kahulugan ng pariralang ito ay ang mga sumusunod. Noong unang panahon, ang mga siyudad ay napapalibutan ng mga pintuan, at sa panahon ng digmaan, ang mga pintuan ng mga siyudad ang unang sinasalakay ng mga kalaban. Ito ay dahil ang prtoeksyon ng isang siyudad ay nakasalalay sa lakas o tibay ng mga pintuan nito.
Dahil dito, ang pariralang "pintuan ng impiyerno" o "pintuan ng Hades" ay nangangahulugan ng kapangyarihan ng Hades. Ang salitang Hades ay orihinal na pangalan ng isang diyus-diyusan na namamahala sa lugar ng mga patay na tinatawag na "pintuan ng Hades." Ang diyus-diyusang ito ang nagtalaga sa lugar kung saan bumababa ang mga patay pagkatapos ng kanilang kamatayan, anuman ang kanilang moralidad. Sa Bagong Tipan, ang Hades ay ang lugar ng mga patay, at sa talatang ito, ang impiyerno o Hades ay inilalarawan bilang isang matibay na siyudad — habang ang mga pintuan nito ang kumakatawan sa kapangyarihan nito.
Sa mga talatang ito kung saan binanggit ni Jesus ang salitang Hades, nalalapit na ang Kanyang kamatayan. Bagama't ipapako Siya sa krus, mamamatay at ililibing, muli Siyang mabubuhay mula sa mga patay at itatayo ang Kanyang iglesya pagkatapos. Binibigyang diin ni Jesus ang katotohanan na hindi Siya kayang pigilan ng kapangyarihan ng kamatayan. Hindi lamang Niya itatatag ang Kanyang iglesya sa kabila ng kapangyarihan ng hades o impiyerno, kundi magpapatuloy ang kanyang iglesya sa kabila ng kapangyarihan ng Hades. Hindi kailanman mabibigo ang Iglesya sa pagdaan ng mga henerasyon kahit na mamatay pa ang mga mananampalataya. Muli at muling babangon ang ibang henerasyon upang ipagpatuloy ang iglesya. At magpapatuloy ito hanggang lubusang magampanan nito ang kanyang misyon sa mundo gaya ng iniutos ni Hesu Kristo: "Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin. Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan" (Mateo 28:18–20).
Malinaw na ipinapahayag ni Jesus na walang kakayahan ang kamatayan na pigilan ang mga anak ng Diyos. Ang mga pintuan nito ay hindi sapat ang tibay upang madaig at ibilanggo ang iglesya ng Diyos. Napagtagumpayan na ni Jesus ang kamatayan (Roma 8:2; Gawa 2:24). At dahil "hindi na maghahari sa Kanya ang kamatayan" (Roma 6:9), hindi na rin paghaharian pa ng kamatayan ang mga na kay Kristo.
Ang kapangyarihan ni Satanas ay kamatayan, at lagi niya itong gagamitin upang tangkaing wasakin ang iglesya ni Kristo. Ngunit nasa atin ang pangako ni Hesu Kristo na ang Kanyang iglesya, ang Kanyang "mga tinawag mula sa mundo" ay tiyak na magtatagumpay: "Kaunti pang panahon, at hindi na ako makikita ng sanglibutan; nguni't inyong makikita ako: sapagka't ako'y nabubuhay, ay mangabubuhay rin naman kayo" (Juan 14:19).
English
Ano ang mga pintuan ng impiyerno?