Tanong
Gaano kaimportante ang pisikal na atraksyon sa paghahanap ng mapapangasawa?
Sagot
Walang duda na ginawa ng Diyos ang babae at lalaki upang magkaroon ng pisikal na atraksyon sa isa’t isa. Ang sekswal na sangkap ng pagaasawa ay mahalaga para sa malapit na ugnayan sa pagitan ng babae at lalaki at para sa pagsisilang ng mga sanggol at pagdami ng lahi ng tao. Kasama dito ang pagaasawa na pinagdesisyunan ng mga magulang – kabilang ang mga babae at lalaki na hindi nakita ang bawat isa malibang sa mismong araw ng kasal – ay nakaugalian na sa nakalipas at sinasanay pa rin hanggang ngayon sa ibang bahagi ng mundo.
Inilarawan ni Solomon ang atraksyon ng lalaking ikakasal sa kanyang minamahal sa kabanata 4 hanggang 7 ng Awit ng mga Awit. Inilarawan niya ang pisikal na kagandahan ng babae at ang kanyang pagnanasa dito. Tumugon naman ang babae sa kabanata 8 at inilarawan din ang kanyang pagnanasa para sa kanyang asawang lalaki at ang kanyang pagnanabik sa kanyang mga yakap. Ang Awit ng mga Awit ay isang magandang paglalarawan ng pag-ibig sa isa’t isa kung saan isang sangkap ang pisikal na atraksyon.
Hindi nangangahulugan na ang pisikal na atraksyon ay pinakamahalagang aspeto na dapat isinasaalang alang sa paghahanap ng mapapangasawa. Ang pakahulugan ng Kristiyano sa kagandahan ay hindi dapat na ayon sa pakahulugan ng mundo. Ang maganda sa pananaw ng mundo ay hindi pasado sa kagandahan na inilalarawan sa Banal na Kasulatan. Ang pisikal na kagandahan ay naglalaho sa pagdaan ng panahon, ngunit ang tunay na kagandahang panloob ay nagniningning mula sa isang babae na umiibig sa Diyos (Kawikaan 31:30). Sinabihan ni Pedro ang mga babae na linangin ang kagandahan na nanggagaling hindi sa “kagayakang panlabas lamang, paris ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong hiyas at mamahaling damit. Sa halip, pagyamanin ninyo ang gandang natatago sa kaibuturan ng puso, ang gandang walang kupas na likha ng mayumi at mahinhing diwa, at lubhang mahalaga sa mata ng Diyos. Iyan ang kagandahang pinagyamin ng mga banal na babae noong unang panahon. Sila'y nanalig sa Diyos at napasakop sa kanilang asawa” (1 Pedro 3:3-5). Ang panlabas na kagandahan ay panandalian ngunit ang panloob na kagandahan ay pang walang hanggan.
Ang pagiging kaakit akit ng isang lalaki ay dapat na nanggagaling din sa panloob. Ang pinakamagandang halimbawa ay ang Panginoong Hesus na “walang katangian o kagandahang makatawag-pansin,
wala siyang taglay na pang-akit para lapitan siya” (Isaias 53:2). Ngunit ang kagandahan ng Kanyang kaluwalhatian at biyaya bilang nagkatawang taong Anak ng Diyos ay nagningning mula sa Kanyang kalooban sa lahat ng taong nakasaksi sa Kanya. Ang kasalungat ng kanyang kagandahan ay si Lucifer/Satanas na inilarawan na “larawan ng kasakdalan, puspos ng kaalaman at ang ganda'y walang kapintasan” (Ezekiel 28:12). Ngunit sa kabila ng kanyang panlabas na kagandahan, si Lucifer ang sagisag ng kasamaan at kamunduhan.
Ang panlabas na kagandahan ay panandalian lamang, ngunit ang mga lalaki at babae na ang pananaw ay sinira ng kasalanan ay nagbibigay ng labis na pagpapahalaga sa panlabas na kagandahan. Iba ang perspektibo ng Diyos sa kagandahan. “Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko” (1 Samuel 16:7). Ang isang napipisil na mapapangasawa ay dapat na isang totoong Kristiyano na lumalago at umuunlad sa sa kanyang pananampalataya at isang tao na masunurin kay Kristo. Ang dalawang tao na may parehong layunin sa buhay – ang luwalhatiin ang Diyos sa lahat ng kanilang ginagawa – ay matatagpuan na ang kanilang pisikal na atraksyon sa isa’t isa ay yumayabong sa bawat araw at magtatagal ito habambuhay
English
Gaano kaimportante ang pisikal na atraksyon sa paghahanap ng mapapangasawa?