Tanong
Ano ang kaugyanan sa pagitan ng pisikal at espiritwal na kamatayan?
Sagot
Napakaraming sinasabi ang Bibliya patungkol sa kamatayan, higit sa lahat, sa mangyayari pagkatapos ng pisikal na kamatayan. Ang pisikal at espiritwal na kamatayan ay parehong paghiwalay ng isang bagay mula sa isang bagay. Ang pisikal na kamatayan ay ang paghiwalay ng kaluluwa mula sa katawan, ang espiritwal na kamatayan naman ay paghiwalay ng kaluluwa mula sa Diyos. Kung uunawain sa ganitong paraan, may malapit na kaugnayan ang dalawang konseptong ito. Parehong masasalamin ang pisikal at espiritwal na kamatayan sa mga unang pagbanggit sa salitang kamatayan sa Bibliya.
Sa kuwento ng paglikha sa Genesis, mababasa natin kung paano lumikha ang Diyos ng iba't ibang uri ng nilalang na may buhay. Ang mga hayop ay may buhay, isang panloob na elemento na nagbibigay sa kanila ng kakayahang gumalaw at nagbibigay ng enerhiya sa kanilang pisikal na katawan. Hanggang ngayon, hindi pa rin maipaliwanag ng mga siyentipiko kung ano ang dahilan ng buhay, ngunit malinaw na sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ang nagbibigay ng buhay sa lahat ng Kanyang mga nilikha (Genesis 1:11-28; 1 Timoteo 6:13). Ang buhay na ibinigay ng Diyos sa tao ay kakaiba sa buhay na Kanyang ibinigay sa mga hayop. Sa Genesis 2:7, mababasa natin, "At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay." Kung may pisikal na buhay lamang ang mga hayop, ang mga tao naman ay may pisikal at espiritwal na elemento ng buhay, at ang kamatayan na nararanasan ng tao ay mayroon ding elementong pisikal at espiritwal.
Ayon sa Genesis 2:17, sinabihan ng Diyos si Adan na kung kakain siya ng bunga ng punong kahoy na nagbibigay ng kaalaman sa mabuti at masama, tiyak siyang mamamatay. May mga nagdududa sa pagkakaroon ng Diyos na tinatangkang gamitin ang talatang ito upang patunayan ang pagkakasalungatan sa Bibliya dahil hindi agad namatay sina Adan at Eba ng araw na kumain sila ng bunga ng kahoy na iyon. Gayunman, may iba't ibang uri ng buhay, at iba't ibang uri ng kamatayan. Maaaring buhay ang isang tao sa aspetong pisikal ngunit patay sa aspetong espiritwal (Efeso 2:1, 5) o buhay sa espiritwal ngunit patay sa pisikal (Mateo 22:32). Nang magkasala sina Adan at Eba (Genesis 3:7), namatay sila sa aspetong espiritwal, at nawalan sila ng karapatang mabuhay sa Eden at napailalim sila sa sumpa ng Diyos (eternal na kamatayan). Dahil sa kanilang kahihiyan, nagtago sila sa Diyos (Genesis 3:8)—ang kanilang panloob na pagkahiwalay sa Diyos ay nahayag sa kanilang panlabas na pagkahiwalay sa Diyos.
Bilang karagdagan sa agarang pagkamatay sa espiritwal na kanilang naranasan, naranasan din nila ang proseso ng pisikal na kamatayan bagama't taon muna ang binilang bago sila tuluyang namatay. Mas maiintindihan ito kung gagawing halimbawa ang isang bulaklak. Kung makakakita ka ng isang bulaklak na tumutubo sa hardin, alam mo na iyon ay buhay, dahil nakakonekta iyon sa puno at mga ugat at tumatanggap ng bitamina mula sa lupa. Kung ihihiwalay mo ang bulaklak sa pinagkukunan nito ng buhay, mukha pa rin itong buhay at maaaring manatili ang hitsura sa loob ng ilang araw depende sa kundisyon ng kapaligiran. Ngunit kahit na ano pa ang gawing pagaalaga, ang bulaklak ay tiyak na mamamatay at hindi nito kayang mapanatili ang kanyang hitsura at hindi na ito maibabalik pa sa dati. Ganito rin ang nangyayari sa lahat ng tao.
Pumasok sa mundo ang pisikal na kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan ni Adan (Roma 5:12) na nakaapekto sa lahat ng nilikha. Mahirap isipin ang isang mundo na walang kamatayan, ngunit ito ang kundisyon ng mundo ayon sa itinuturo ng Kasulatan bago si Adan bumagsak sa kasalanan. Sa tuwing nagaganap ang pisikal na kamatayan, tiyak na may nagaganap na paghiwalay ng buhay mula sa katawan. Sa tuwing nagaganap ang paghihiwalay na ito, walang magagawa ang tao upang ito ay hadlangan (kahit na ang medisina ay kinikilala ang pagkakaiba sa pagitan ng "klinikal" na kamatayan at "biolohikal" na kamatayan). Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Roma 6:23), at mararanasan ng lahat ng tao ang kamatayan dahil ang lahat ay nagkasala. Ang bawat tao ay tiyak na mamamatay dahil sa presensya ng kasalanan sa mundong ito, gayon din dahil sa ating mga personal na kasalanan. Sa pananaw ng tao, tila ang pisikal na kamatayan ang ganap na kaparusahan para sa kasalanan, ngunit itinuturo ng Bibliya na may mas malalim pang kahulugan ang kamatayan na dapat nating isaalang-alang.
Ang buhay na inihinga ng Diyos kay Adan (Genesis 2:7) ay higit sa buhay ng mga hayop; ito ay hininga ng Diyos na nagresulta sa isang nilalang na may kaluluwa. Nilikha si Adan na buhay sa espiritwal, may koneksyon sa Diyos sa isang espesyal na kaparaanan ngunit ng siya'y magkasala, ang relasyong ito ay nasira. May implikasyon ang espiritwal na kamatayan bago at pagkatapos ng pisikal na kamatayan. Bagamat buhay si Adan sa pisikal (ngunit nagsimula na ang proseso ng kanyang pisikal na kamatayan), namatay siya sa espiritwal at nahiwalay sa kanyang relasyon sa Diyos. Sa kasalukuyang buhay dito sa mundo, ang epekto ng espiritwal na kamatayan ay ang pagkawala ng pabor ng Diyos at pagkawala ng pangunawa at pagnanais para sa Kanya. Malinaw na itinuturo ng Kasulatan na ang lahat ng tao ay "patay sa kasalanan at pagsuway" (Efeso 2:1-5), na siyang dahilan ng isang buhay na nakatuon ang pansin sa mga makasalanang pagnanasa. Itinuro ni Jesus na ang tanging lunas sa espiritwal na kamatayan ay ang pagsilang sa espiritu (Juan 3:3-5) sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya. Ang pagsilang na muling ito ay ang muling pagpapanumbalik ng relasyon at koneksyon sa pinagmulan ng buhay na inilarawan ni Jesus sa Juan 15:1-6. Siya ang puno at tayo ang mga sanga. Kung hindi ka nakakonekta sa Kanya, wala kang buhay espiritwal, ngunit kung kikilalanin mo si Jesus, magkakaroon ka ng tunay na buhay (1 Juan 5:11-12).
Para sa sinumang tumatangging tanggapin ang kaligtasang mula sa Diyos, magwawakas ang pisikal at espiritwal na kamatayan sa "ikalawang kamatayan" (Pahayag 20:14). Ang walang hanggang kamatayang ito ay hindi pagtigil ng buhay gaya ng itinuturo ng iba, sa halip, ito ay isang nararamdaman at nauunawaang pagdanas ng walang hanggang kaparusahan ng Diyos sa lawang apoy, na inilarawan na "pagkahiwalay sa presensya ng Panginoon" (2 Tesalonica 1:9). Binanggit din ni Jesus ang walang hanggang pagkahiwalay na ito sa Diyos sa Mateo 25:41 at ipinakilala bilang isang nararamdamang pagdurusa ng mga indibidwal sa kuwento tungkol sa lalaking mayaman at si Lazaro (Lukas 16:19-31). Hindi nais ng Diyos na mapahamak ang sinuman, sa halip ay magsisi sila at maligtas (2 Pedro 3:9), upang hindi sila manatiling patay sa espiritu. Nangangahulugan ang pagsisisi ng pagwawaksi sa kasalanan at kinapapalooban ng pagpapahayag ng kasalanan sa Diyos ng buong kalungkutan dahil sa pagsalungat sa Kanyang kabanalan at pagsunod at pananatili kay Jesus. Ang mga tumanggap ng kaligtasan ay lumipat na mula sa kamatayan patungo sa buhay (1 Juan 3:14), at wala ng kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan (Pahayag 20:6).
English
Ano ang kaugyanan sa pagitan ng pisikal at espiritwal na kamatayan?