settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating magiging pisikal na katawan sa langit?

Sagot


Bagama't kakaunti lamang ang sinasabi sa Bibliya kung ano ang ating magiging katawan sa langit, tila ipinapahiwatig naman na magkakaroon tayo ng pisikal na katawan, bagama't hindi isang uri ng pisikal na katawan na gaya ng katawan natin ngayon dito sa lupa. Sinasabi sa 1 Corinto 15:52, "Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka't tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo'y babaguhin" at ang mga dadatnan naman niyang buhay pa sa Kanyang muling pagparito ay babaguhin din ang katawan. Si Hesu Kristo ang unang bunga ng lahat ng nangamatay (1 Corinto 15:20, 23). Nangangahulugan ito na ang Kanyang katawang nabuhay na mag-uli ang modelo ng ating katawang muling bubuhayin. Sinasabi sa 1 Corinto 15:42 na ang ating katawan na "itinanim na may kasiraan ay bubuhaying mag-uli na may "kapangyarihan." Bilang halimbawa sa muling pagkabuhay ng mga mananampalataya, may ilang binuhay na mag-uli noong mabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesu Kristo sa Mateo 27:52 kung saan sinasabi na ang kanilang katawan ay "muling binuhay." Sinabihan ni Jesus si Tomas sa Juan 20:27 na hipuin ang Kanyang pisikal na katawan pagkatapos Niyang bumangon mula sa patay. Ito ang patunay na ang Kanyang katawang nabuhay na mag-uli ay solido at nahahawakan.

Maaasahan natin na ang binuhay na katawan ng lahat na mananampalataya ay magiging katulad ng katawan ni Kristo ng muli Siyang mabuhay. Anong kahanga-hangang katotohanan! Hindi partikular ang paglalarawan ng Bibliya sa ating magiging katawan, ngunit tila maaari tayong kumain. Isinulat ni Juan sa Pahayag ang kanyang pangitain sa walang hanggan. Nakita niya sa gitna ng siyudad at sa tig-kabilang tabi ng ilog ang "puno ng buhay na namumunga ng labindalawang uri ng bunga…" Tila ipinahihiwatig nito ang pagbawi ng sumpa ng Diyos kay Adan at Eba sa Genesis 3, kung saan ipinagbawal sa tao ang pagkain ng bunga ng punong ito. Patungkol sa pagkagutom, hindi na tayo makakaranas pa ng gutom. Sinasabi sa Isaias 49:10 na hindi na magkakaroon pa ng gutom sa isanlibong taon ng paghahari ni Kristo. Ito ay patungkol sa mga taong namamatay sa panahong iyon, hindi patungkol sa mga banal na muling binuhay. Kaya nga masasabi na hindi na magugutom pa ang mga tao na mabubuhay sa mundo sa panahong iyon, tiyak din na hindi na magugutom ang mga anak ng Diyos sa langit (tingnan din ang Pahayag 7:14-16).

Sa huli, isinulat ni Job na tiyak niya na pagkatapos niyang mamatay, "makikita ko ang Dios sa aking laman" (Job 19:26). Kaya nga nangangahulugan ito na ang ating mga katawan ay bubuhayin sa isang uri ng niluwalhating laman. Anuman ang ating magiging katawan sa muling pagkabuhay, alam natin na ito ay perpekto, walang kasalanan, at walang kapintasan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating magiging pisikal na katawan sa langit?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries