Tanong
Ano ang pitong dispensasyon (seven dispensations)?
Sagot
Ang dispensasyon ay isang pamamaraan sa pagunawa sa kasaysayan na hinahati ang mga gawa at layunin ng Diyos sa sangkatauhan sa iba’t ibang yugto ng panahon. Kadalasan, may pitong dispensasyon ang kinikilala, bagama’t may ilang teologo (theologians) ang naniniwala na may siyam. Ang iba naman ay nagbibilang ng hanggang tatlo lamang samantalang ang iba ay naniniwala na may hanggang tatlumpo’t pitong (37) dispensasyon. Lilimitahan natin ang artikulong ito sa pitong (7) pangunahing dispensasyon na matatagpuan sa Kasulatan.
Ang unang dispensasyon ay ang tinatawag na dispensasyon ng kawalang malay (Dispensation of Innocence) (Genesis 1:28-30 at 2:15-17). Ang dispensasyong ito ay sumasaklaw sa panahon habang nasa hardin ng Eden si Adan at Eba. Sa dispensasyong ito ang mga sumusunod ang mga utos ng Diyos: (1) magpakarami at punuin ng mga anak ang daigdig, (2) lupigin ang daigdig (3) pamahalaan ang mga hayop, (4) pagyamanin ang hardin, at (5) huwag kakain ng bunga ng puno ng nagbibigay kaalaman sa mabuti at masama. Nagbabala ang Diyos ng pisikal at espiritwal na kamatayan para sa pagsuway. Ang dispensasyong ito ay maiksi at nagwakas sa pagsuway ni Adan at Eba sa Diyos ng kainin nila ang bunga ng punong ipinagbabawal ng Diyos at sa pagpapalayas sa kanila mula sa hardin.
Ang ikalawang dispensasyon ay ang tinatawag na dispensasyon ng konsensya (Dispensation of Conscience) at tumagal ito sa loob ng humigit kumulang 1,656 taon mula ng payasin sina Adan at Eba sa hardin ng Eden hanggang sa pandaigdigang baha (Genesis 3:8–8:22). Inilalarawan ng dispensasyong ito kung ano ang gagawin ng sangkatauhan kung pababayaan sila sa kanilang malayang pagpapasya at konsensya, na nadungisan ng makasalanang kalikasan. Ang limang (5) pangunahing aspeto ng dispensasyong ito ay 1) ang sumpa sa ahas, 2) ang pagbabago sa papel ng mga babe at ang sumpa sa panganganak, 3) ang sumpa sa kalikasan, 4) ang pagpapatulo ng pawis ng sangkatauhan upang may makain at 5) ang pangako tungkol kay Kristo bilang binhi na dudurog sa ulo ng ahas (satanas).
Ang ikatlong dispensasyon ay ang dispensasyon ng pamahalaan ng tao (Dispensation of Human Government) na nagumpisa sa Genesis 8. Nilipol ng Diyos ang buhay sa mundo sa pamamagitan ng baha at iniligtas ang isa lamang pamilya upang pasimulang muli ang lahi ng tao. Ibinigay ng Diyos ang mga sumusunod na pangako at utos kay Noe at sa kanyang pamilya:
1. Hindi na muling susumpain ng Diyos ang mundo.
2. Pupunuin ni Noe at ng kanyang pamilya ng kanilang anak ang mundo.
3. Magkakaroon sila ng kapamahalaan sa mga hayop.
4. Pinayagan sila na kumain ng karne.
5. Itinatag ang batas tungkol sa pagpapataw ng parusang kamatayan.
6. Hindi na muling magkakaroon ng pandaigdigang baha.
7. Ang tanda ng pangako ng Diyos ay ang bahaghari.
Hindi nangalat ang mga angkan ni Noe upang punuin ang mundo gaya ng iniutos ng Diyos, kaya nabigo sila sa kanilang responsibilidad sa dispensasyong ito. Humigit kumulang 325 taon pagkatapos ng baha, nagsimulang magtayo ng tore ang mga mamamayan ng mundo, isang mataas na monumento na sumisimbolo sa kanilang pagsasarili at pagmamataas (Genesis 11:7-9). Pinatigil ng Diyos ang pagtatayo at ginulo ang kanilang wika at ipinatupad ang Kanyang utos na punuin ng tao ang mundo. Ang resulta ay ang pagkakaroon ng iba’t ibang bansa at kultura. Mula sa puntong ito, naging realidad ang pamahalaan ng tao.
Ang ika-apat na dispensasyon ay tinatawag na dispensasyon ng pangako (Dispensation of Promise) na nagsimula sa pagtawag kay Abraham at nagpatuloy hanggang sa buhay ng mga Patriyarka at nagtapos sa paglabas (Exodus) ng mga Hudyo mula sa Egipto, isang yugto ng panahon na tumagal ng humigit kumulang sa apat na raan at tatlumpung (430) taon. Sa panahon ng dispensasyong ito, bumuo ang Diyos ng isang dakilang bansa na Kanyang pinili upang maging Kanyang sariling bayan (Genesis 12:1–Exodo 19:25).
Ang saligan ng dispensasyon ng Pangako ay ang tipan ng Diyos kay Abraham. Narito ang ilan sa mga susing puntos ng walang kundisyong tipang ito:
1. Mula kay Abraham ay lalabas ang isang dakilang bansa na pagpapalain ng Diyos ng materyal at espiritwal na kasaganaan.
2. Gagawing dakila ang pangalan ni Abraham.
3. Pagpapalain ng Diyos ang magpapala sa lahi ni Abraham at susumpain Niya ang susumpa sa kanila.
4. Sa pamamagitan ni Abraham, pagpapalain ang lahat ng pamilya sa buong mundo. Ito ay natupad sa pamamagitan ni Hesu Kristo at ng Kanyang gawain ng pagliligtas.
5. Ang tanda ng tipan ay ang pagtutuli.
6. Ang tipang ito na inulit kay Isaac at Jacob ay para sa mga Hebreo at sa labindalawang (12) lipi ng Israel.
Ang ikalimang dispensasyon ay ang tinatawag na dispensasyon ng Kautusan (Dispensation of Law). Tumagal ito sa loob ng halos isanlibo at limandaang (1,500) taon, mula sa Exodo hanggang sa ito ay pansamantalang itinigil pagkatapos ng kamatayan ni Kristo. Ang dispensasyong ito ay magpapatuloy hanggang sa isanlibong (1,000) taon ng paghahari ni Kristo, na may ilang pagbabago. Sa panahon ng dispensasyong ito, nakitungo ang Diyos partikular sa bansang Israel sa pamamagitan ng tipan kay Moises, o ang Kautusan, na makikita sa Exodo 19-23. Ang dispensasyong ito ay kinapapalooban ng pagsamba sa templo sa pamamahala ng mga saserdote na may karagdagang direksyon mula sa mga propeta na mga tagapagsalita ng DIyos. Sa huli, dahil sa pagsuway ng mga Israelita sa tipan, naiwala ng Israel ang Lupang Pangako at ipinailalim sila ng Diyos sa pagkaalipin sa ibang mga bansa.
Ang ika-anim na dispensasyon ay ang dispensasyon kung saan tayo nabubuhay ngayon, ang dispensasyon ng biyaya (Dispensation of Grace). Ito ay nagsimula sa Bagong Tipan sa dugo ni Kristo (Lukas 22:20). Ang panahong ito ng biyaya ay naganap sa pagitan ng ika 69 at ika 70 linggo ng Daniel 9:24. Nagsimula ito sa kamatayan ni Kristo at magtatapos sa pagdagit sa Iglesya (1 Tesalonica 4). Ang dispensasyong ito ay pang buong mundo at kasama ang mga Hudyo at mga Hentil. Ang responsibilidad ng tao sa dispensasyon ng biyaya ay ang pananampalataya kay Hesus, ang Anak ng Diyos (Juan 3:18). Sa dispensasyong ito, nananahan ang Banal na Espiritu sa mga mananampalataya bilang Mangaaliw (Juan 14:16-26). Ang dispensasyong ito ay tumagal sa loob nga mahigit na dalawang libong (2,000) taon at walang nakaaalam kung kailan ito magtatapos. Alam natin na magtatapos ito sa pagdagit sa lahat ng isinilang na muli mula sa lupa patungo sa langit kasama si Kristo. Pagkatapos ng pagdagit, magaganap ang paghuhukom ng Diyos sa mga mananampalataya na magtatagal ng pitong (7) taon.
Ang ika-pitong dispensasyon ay ang tinatawag na isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa (Millennial Kingdom of Christ) na tatagal ng isanlibong (1,000) taon kung kailan maghahari si Kristo mismo sa mundo. Gaganapin ng kahariang ito ang hula sa bansang Israel na babalik si Kristo bilang kanilang hari. Ang tanging pahihintulutang pumasok sa kaharian ay ang mga mananampalataya mula sa dispensasyon ng biyaya at ang mga matuwid na nakaligtas sa pitong (7) taon ng dakilang kapighatian. Hindi makakapasok ang mga hindi mananampalataya sa Kahariang ito. Sa panahong ito, ikukulong si Satanas sa loob ng isanlibong (1,000) taon. Ang yugto ng kasaysayang ito ay magtatapos sa huling paghuhukom (Pahayag 20:11-14). Ang lumang mundo ay gugunawin sa pamamagitan ng apoy at magsisimula ang bagong langit at bagong lupa na tinutukoy sa Pahayag 21 at 22.
Ano ang pitong dispensasyon (seven dispensations)?