settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pitong espiritu ng Diyos?

Sagot


Ang “pitong espiritu ng Diyos” ay binanggit sa Pahayag 1:4; 3:1; 4:5; at 5:6. Hindi partikular na tinukoy kung ano ang pitong espiritu ng Diyos kaya imposible para sa atin na maging dogmatiko sa bagay na ito. Binanggit sa Pahayag 1:4 na nasa harap ng trono ng Diyos ang pitong espiritu. Ipinahihiwatig sa Pahayag 3:1 na “hawak” ni Hesu Kristo ang pitong espiritu ng Diyos. Iniuugnay ng Pahayag 4:5 ang pitong espiritu ng Diyos sa pitong ilawan na nasa harap ng trono ng Diyos. Ipinakilala sa Pahayag 5:6 na taglay ng pitong espiritu ng Diyos ang “pitong mata” ng Kordero at sinasabi na sila ay “isinugo sa lahat ng panig ng mundo.”

May tatlong posibleng interpretasyon sa pitong espiritu ng Diyos. Ang una ay simbolo sila ng Banal na Espiritu. Ginagamit sa Bibliya, lalo na sa aklat ng Pahayag ang numerong pito (7) upang tukuyin ang pagiging ganap at perpekto ng Diyos. Kung ito ang kahulugan ng “pito” sa “pitong espiritu ng Diyos,” hindi ito tumutukoy kung ganoon sa pitong iba’t ibang espiritu ng Diyos, sa halip tumutukoy ito sa perpeksyon at pagiging ganap ng Diyos. Ang ikalawang interpretasyon ay tumutukoy ang pitong espiritu ng Diyos sa pitong anghel, posibleng ang mga serapin at kerubin. Aakma ang interpretasyong ito sa maraming nilalang na anghel na inilarawan sa aklat ng Pahayag (Pahayag 4:6-9; 5:6-14; 19:4-5).

Ang ikatlong posibleng interpretasyon ay base sa Isaias 11:2, kung saan sinasabi, “At ang Espiritu ng Panginoon ay sasa kaniya, ang diwa ng karunungan at ng kaunawaan, ang diwa ng payo at ng katibayan, ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon.” Maaaring ito ang paliwanag sa pitong espiritu ng Diyos: (1) Espiritu ng Diyos. (2) Espiritu ng karunungan, (3) Espiritu ng kaunawaan, (4) Espiritu ng diwa ng payo, (5) Espiritu ng katibayan, (6) Espiritu ng kaalaman at, (7) Espiritu ng takot sa Panginoon. Hindi partikular na binanggit sa atin ng Bibliya kung sino o ano ang pitong espiritu, ngunit ang unang interpretasyon, na sila ay ang Banal na Espiritu mismo ang pinakamalapit na pakahulugan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pitong espiritu ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries