Tanong
Ano ang pitong mangkok sa Pahayag?
Sagot
Ang pitong mangkok ng hatol ng Diyos ay ang mga panghuling hatol sa panahon ng kapighatian. Sila ang pinakamalalang paghatol na masasaksihan ng mundo. Ang pitong mangkok ay inilarawan sa Pahayag 16:1–21, kung saan partikular itong tinawag na “ang pitong mangkok ng poot ng Diyos” (Pahayag 16:1). Sa ilalim ng Antikristo, aabot sa sukdulan ang kaasamaan ng tao at dahil dito, ipaparanas ng Diyos ang Kanyang poot laban sa kanilang kasalanan. Ang pitong mangkok ng paghatol ay pinasimulan sa pamamagitan ng ikapitong trumpeta.
Ang unang mangkok. Ibinuhos ng unang anghel ang laman ng unang mangkok sa lupain, “At nagkaroon ng mahahapdi at nakakapandiring pigsa ang mga taong may tatak ng halimaw at sumamba sa larawan nito” (Pahayag 16:2). Ang salot na ito ay para sa mga taong itinalaga ang kanilang sarili sa Antikristo; hindi naapektuhan ng mga pigsang ito ang mga mananampalataya sa panahon ng kapighatian.
Ang ikalawang mangkok. Ibinuhos ang ikalawang mangkok sa dagat at “ang tubig nito ay naging parang dugo ng patay na tao, at namatay ang lahat ng nilikhang may buhay na nasa dagat” (Pahayag 16:3). Ang ikatlong bahagi ng lahat ng may buhay sa dagat ay namatay na sa pagtunog ng ikalawang trumpeta (Pahayag 8:9), at ngayon, ang lahat ng may buhay sa dagat ay namatay ng lahat. Patay na ang mga dagat.
Ang ikatlong mangkok. Nang ibuhos ang ikatlong mangkok ng poot ng Diyos, ang mga ilog at ang lahat ng mga bukal na tubig tabang ay naging dugo (Pahayag 16:4–5). Ang anghel na namamahala sa mga tubig ay nagsabi, “Ikaw ang Matuwid, na nabubuhay ngayon at noong una, ang Banal, sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito. Ang mga nagpadanak ng dugo ng mga hinirang ng Diyos at ng mga propeta ay binigyan mo ng dugo upang kanilang inumin. Iyan ang nararapat sa kanila!” (Pahayag 16:5–6). At narinig ko ang isang tinig mula sa dambana na nagsasabi, “Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, talagang matuwid at tama ang mga hatol mo!” (Pahayag 16:7).
Ang ikaapat na mangkok. Ibinuhos ng ikaapat na anghel ang laman ng mangkok sa araw, “at ito'y binigyan ng kapangyarihang pasuin ang mga tao sa tindi ng init nito” (Pahayag 16:8–9). Sa halip na magsisi sa kanilang mga kasalanan, ang masasamang naninirahan sa mundo ay nilapastangan pa ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihang magpadala ng ganoong mga salot” (Pahayag 16:9).
Ang ikalimang mangkok. Ang ikalima sa pitong mangkok ng Diyos ang naging sanhi ng pusikit na kadiliman sa kaharian ng halimaw. Sumidhi ang sakit at pagdurusa ng masasama, anupa’t “napakagat-dila sa kirot ang mga tao” (Pahayag 16:10–11). “Ngunit hindi rin sila nagsisi at tumalikod sa masasama nilang gawain” (Pahayag 16:11).
Ang ikaanim na mangkok. Ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng kanyang mangkok ng paghatol sa ilog Eufrates. “Natuyo ang ilog upang magkaroon ng landas para sa mga haring mula sa silangan” (Pahayag 16:12). Nakita ni Juan ang tatlong karumal-dumal na espiritu na “mukhang palaka” na lumalabas mula sa bunganga ng dragon, sa bunganga ng halimaw (Pahayag 16:13). Gumawa ang mga demonyong ito ng mga himala para dayain ang mga hari sa lupa at tipunin sila para sa huling digmaan sa Araw ng Panginoon (Pahayag 16:14). Sa ilalim ng impluwensya ng demonyo, “ang mga hari ay tinipon ng mga espiritu sa lugar na tinatawag sa wikang Hebreo na Armagedon” (Pahayag 16:16).
Ang ikapitong mangkok. Ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng ikapitong mangkok sa himpapawid. “At may nagsalita nang malakas mula sa tronong nasa templo, “Naganap na!” (Pahayag 16:17). Ang ikapitong mangkok ang naging dahilan ng pagkidlat, pagkulog, at napakalakas na lindol. “Ito ang pinakamalakas na lindol mula pa nang likhain ang tao dito sa lupa” (Pahayag 16:18). “Nahati sa tatlong bahagi ang Jerusalem, at nawasak ang lahat ng lungsod sa buong daigdig. Hindi nga nakaligtas sa parusa ng Diyos ang tanyag na Babilonia” (Pahayag 16:19). Binaha ang mga isla, at naglaho ang mga bundok (Pahayag 16:20). “Umulan ng malalaking batong yelo na tumitimbang ng halos limampung (50) kilo bawat isa, at nabagsakan ang mga tao” (Pahayag 16:21). Ang mga nasa ilalim ng hatol na ito ay “nilapastangan ang Diyos dahil sa nakakapangilabot na salot na iyon” (Pahayag 16:21).
Pagkatapos, ipinakita kay Juan ng isa sa mga anghel ng pitong hatol ng Diyos ang sinapit ng Dakilang Babilonia (Pahayag 17) habang ipinaghihiganti ng Diyos ang “dugo ng mga propeta at ng banal na bayan ng Diyos, ang lahat na pinatay sa mundo” (Pahayag 18:24). Ipinagluksa ng mundo ang pagbagsak ng Babilonia (Pahayag 18), ngunit nagbunyi ang langit (Pahayag 19). Pagkatapos, bumalik si Jesu Cristo sa Kanyang kaluwalhatian para talunin ang mga hukbo ng Antikristo sa Armagedon (Pahayag 19:11–21) at para itatag ang Kanyang kaharian dito sa lupa (Pahayag 20:1–6).
English
Ano ang pitong mangkok sa Pahayag?