Tanong
Naaayon ba sa Bibliya ang Pitong Sakramento ng Simbahang Katoliko?
Sagot
"Ang mga sakramento ay panlabas na palatandaan ng panloob na biyaya, na itinatag sa pamamagitan ni Kristo para sa ating pagpapakabanal" (mula sa diksyunaryo ng Simbahang Katoliko). Itinuturo ng Simbahang Romano Katoliko na habang ang Diyos ay nagbibigay ng biyaya sa tao ng walang panlabas na palatandaan (mga sakramento), Siya rin ay nagbibigay ng biyaya sa tao sa pamamagitan ng nakikitang mga palatandaan. At dahil ginawa ito ng Diyos, isang kahangalan kung hindi makikilahok ang tao sa mga ipinagkaloob na ito ng Diyos para sa kanyang pagpapabanal o paglilinis mula sa kanyang mga kasalanan.
Upang maging karapat-dapat ang isang sakramento, ayon sa Simbahang Romano Katoliko, dapat masunod ang tatlong pamantayan: a) ang panlabas na makatwiran at makahulugang palatandaan ng biyayang nagpapabanal, b) sumasangguni sa biyayang nagpapabanal, c) pagtatatag ng Diyos , o mas nararapat sabihing, ng Diyos at Tao na si Hesu Kristo. Samakatwid, ang mga sakramento ay hindi lamang mga simbolo, kundi pinaniniwalaang nagdudulot ng kabanalan na biyaya sa tumatanggap. Pinaniniwalaan ng Simbahang Romano Katoliko na ang pitong sakramentong ito ay itinatag mismo ni Kristo. Ang mga sumusunod ang pitong sakramento ng Simbahang Romano Katoliko:
1) Binyag - ayon sa Simbahang Romano Katoliko ito ay nag-aalis ng orihinal na kasalanan at nahahawa ang bata sa biyayang nagpapabanal.
2) Kumpisal - kung saan aaminin ang mga kasalanan sa isang pari
3) Komunyon - itinuturing na pagtanggap at pagkain sa literal na katawan at dugo ni Kristo.
4) Kumpil - isang pormal na pagtanggap sa simbahan kasabay ng pagpahid ng Espiritu Santo.
5) Pagpapahid ng langis sa maysakit - ginagawa sa isang taong mamamatay na para sa espiritwal at pisikal na kalakasan para sa paghahanda sa langit. Kung masasamahan ng pangungumpisal at komunyon, ito ang tinatawag na ‘huling seremonya.’
6) Banal na ordinasyon o ang pagtatalaga sa mga pari.
7) Kasal - ito ay pagbibigay ng espesyal na biyaya sa magkapareha.
Ang mga sumusunod na talata ang mga karaniwang ginagamit upang ipagtanggol ng mga Romano Katoliko ang kanilang mga paniniwala hinggil sa mga kanilang mga sakramento: "Dahil dito ay ipinaaalala ko sa iyo na paningasin mo ang kaloob ng Diyos, na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng aking mga kamay" (2 Timoteo 1:6). "Sumagot si Hesus, katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa iyo, maliban na ang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos" (Juan 3:5). "Na hindi dahil sa mga gawa sa katuwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa Kaniyang kaawaan ay Kaniyang iniligtas tayo, sa pamamagitan ng paghuhugas sa muling kapanganakan at ng pagbabago sa Espiritu Santo" (Tito 3:5). "Upang kaniyang pakabanalin ito, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may salita" (Mga Taga-Efeso 5:26). "Sinomang inyong patawarin ang mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila, sinomang hindi ninyo patawarin sa mga kasalanan, ay hindi pinatatawad" (Juan 20:23). "At ang panalangin ng pananampalataya ay magliligtas sa may sakit, at ibabangon siya ng Panginoon; at kung nagkasala siya, ay ipatatawad sa kaniya" (Santiago 5:15). "Nang magkagayo'y ipinatong sa kanila ang kanilang mga kamay, at kanilang tinanggap ang Espiritu Santo" (Mga Gawa 8:17). "Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan; at siya'y aking ibabangon sa huling araw. Sapagka't ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin" (Juan 6:54-55).
Kung titingnan natin ang mga nasa itaas na talata mula sa Banal na Kasulatan, maaari nating sabihin na ang mga ito ay pawang naghahatid ng mga kapakinabangan (tulad ng buhay na walang hanggan, kapatawaran ng kasalanan, pananahan ng Espiritu Santo, o Kanyang kapangyarihan o biyayang espiritwal, at iba pa). Gayunman, kung kukunin ang buong konteksto ng mga talatang ito sa Banal na Kasulatan, walang batayan upang paniwalaan na ang mga ito ay sumusuporta sa mga ritwal upang makamtan ang biyaya ng Diyos. Sa madaling salita, hindi ayon sa itinuturo ng Bibliya ang buong konsepto ng "mga sakramento."
May dalawang pangunahing sakramento ayon sa Simbahang Romano Katoliko na kinakailangan upang makamtan ang buhay na walang hanggan: ang binyag at komunyon. Ito ay dahil sa kanilang paniniwala na ang pagbibinyag ay kinakailangan para sa kaligtasan. Pinaninindigan nilang mahalaga ang pagbibinyag sa mga sanggol. Ngunit wala ni isang halimbawa sa kautusan sa Kasulatan na nasusulat ito. Ilan sa mga Romano Katoliko ay ginagamit ang pahayag sa Mga Gawa 16:33 bilang halimbawa kung saan isang tagapamahala at kanyang pamilya ay binautismuhan. Ngunit may dalawang bagay na dapat tayong isaalang-alang sa mga talatang ito:
(1) Nang tanungin ng tagapamahala si Pablo kung anu ang dapat niyang gawin upang maligtas, HINDI sinabi ni Pablo na "maniwala kay Hesus at magpabinyag at magkomunyon.” Sa halip sinabi ni Pablo, "Manampalataya ka sa Panginoong Hesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan" (t. 31). Kung gayon, makikita natin na kailangan ang pananampalataya para sa kaligtasan. Malinaw na sainasabi na ang sinumang maniniwala ay mababautismuhan, ngunit hindi kinakailangan ang pagbabautismo upang maligtas. Kung kailangan ito, sana'y binigyang diin ito ni Pablo sa kanyang mga paglalakbay bilang misyonero (1 Corinto 1:14-18).
(2) Makikita natin na ang "pamilya" ay hindi maaaring magkaroon ng sanggol o bata, ayon sa talata 34, ang tagapamahala ay sumampalataya sa Diyos pati ang kanyang buong sambahayan. Ang sanggol o bata ay hindi makakasampalataya sa kanilang kalagayan.
Paulit-ulit sa buong Bibliya na sinasabi na ang pananampalataya lamang, hindi pananampalataya AT binyag, ang paraan kung paano makatanggap ng kaligtasan (Juan 1:12; 3:14-16; Efeso 2:8-9; Roma 3:19-26; 4; 10:9-13; at iba pa).
Pagdating naman sa komunyon, malinaw na sinasabi ng Simbahang Romano Katoliko na literal ang nasusulat sa Juan 6:54 na "maliban na ikaw ay kumain ng laman ng Anak ng Tao at inumin ang Kaniyang dugo, ikaw ay walang buhay.” Ang problema sa kanilang paniniwala na ang mga sinasabi ni Hesus dito ay literal ay hindi umaaayon sa buong konteksto kung saan inulit-ulit ng Panginoong Hesus na isaad ang kahalagahan ng pananampalataya sa Kanya at ang Kanyang nalalapit na kamatayan upang pantubos sa kanilang mga kasalanan (tingnan sa Juan 6:29, 35, 40, 47 at kung paano ipinihayag ang buong mensahe ng Ebanghelyo ni Juan kaugnay ang isinasaad sa Juan 20:31).
Kung susuriin ang iba pang mga sakramento ayon sa kanilang konteksto, malalaman natin na ang kanilang paniniwala na kanilang nais ipabatid ukol sa "biyayang nagpapabanal" ay hindi umaayon sa konteksto sa kabuuan ng Bibliya. Oo, lahat ng mga Kristiyano ay dapat mabawtismuhan, ngunit ang pagbabautismo ay hindi katumbas ng pagbibigay sa atin ng biyaya ng Diyos. Oo, lahat ng Kristiyano ay dapat makibahagi sa Hapunan ng Panginoon, ngunit ang paggawa nito ay hindi magdudulot ng biyayang nagpapabanal. Oo, dapat nating aminin ang ating mga kasalanan, ngunit hindi sa isang pari, kundi sa Diyos Ama (1 Juan 1:9). Ang pagkakaroon ng pormal na pagsasanay at pormal na pagtanggap sa iglesya ay mabuti ngunit hindi ito paraan para magtamasa ng biyaya ng kaligtasan. Ang pagiging pinuno ng simbahan ay isang marangal na bagay, ngunit hindi ito nagbubunga ng biyaya. Ang kasal ay isang maganda at isang mapagpalang kaganapan sa buhay ng magiging mag-asawa, ngunit hindi ito paraan upang tayo ay biyayaan ng Diyos. Ang pagdarasal para sa taong mamamatay, at pakikiramay sa kanila ay mabuting gawain - ngunit hindi ito nakapagdaragdag ng biyaya ng Diyos.
Ang tanging pagkakataon na matatanggap ng isang tao ang biyaya ay kung magtitiwala siya kay Hesus, sa pamamagitan ng pananampalataya bilang kanyang Tagapagligtas (Efeso 2:8-9). Ang biyayang nakakapagligtas ay ibinibigay sa sandaling tunay na manampalataya ang isang tao sa mga ginawa ni Hesus. Ang biyayang ito ay tinatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi dahil sa pagsunod sa mga ritwal. Kaya, bagama’t masasabi natin na ang pitong sakramento ay "mabubuting bagay na gawin," kung ang mga ito ay uunawain sa Biblikal na konteksto, ang buong konsepto nito na "nagdudulot ng biyayang nakakapagpabanal" ay tunay nga na hindi ayon sa Kasulatan.
English
Naaayon ba sa Bibliya ang Pitong Sakramento ng Simbahang Katoliko?