Tanong
Ano ang pitong tatak sa aklat ng Pahayag?
Sagot
Ang pitong tatak ay isa sa mga serye ng hatol ng Diyos sa huling panahon. Ang mga tatak ay inilarawan sa Pahayag 6:1–17 at 8:1–5. Sa pangitain ni Juan, ang pitong tatak ang selyo ng isang balumbon sa langit at habang ang bawat isa sa mga tatak ay nabubuksan, isang bagong hatol ang pinapakawalan sa mundo. Ang sumunod sa mga tatak ng hatol ng Diyos ay ang mga trumpeta ng mga hatol at mga mangkok ng poot ng Diyos.
Ang pambungad sa pagbubukas ng pitong hatol sa pangitain ni Juan ay ang paghahanap sa isang karapatdapat na magbukas sa balumbon sa langit sa Pahayag 5. Isinulat ni Juan, “Nakita ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang kasulatang nakabalumbon, na may sulat sa loob at labas at sinarhan ng pitong selyo” (Pahayag 5:1). Ang balumbon na ito ang naglalaman ng mga hatol ng Diyos; ang katotohanan na ang mga hatol ay nakasulat sa magkabilang bahagi ay nagpapahiwatig ng malawakang kalikasan ng mga paparating na hatol. Isang makapangyarihang anghel ang nagtanong ng malakas, “Sino ang karapat-dapat na mag-alis sa mga selyo at magbukas sa balumbon?” (Pahayag 5:2). Walang natagpuang karapatdapat na magbukas ng mga tatak at magbukas ng balumbon na naging dahilan ng pagtangis ni Juan (Pahayag 5:3–4). Kung hindi mabubuksan ang mga balumbon, hindi mahahatulan ang kasamaan at magpapatuloy si Satanas sa paghahasik ng kasamaan sa mundo.
Habang tumatangis si Juan dahil sa hindi mabuksang balumbon at hindi mabuksang mga tatak, nakatanggap siya ng magandang balita: “Huwag kang umiyak. Tingnan mo! Ang Leon mula sa lipi ni Juda, ang anak ni David ay nagtagumpay at may karapatang mag-alis sa pitong selyo at magbukas sa kasulatang nakabalumbon” (Pahayag 5:5). “Pagkatapos, nakita ko… ang isang Korderong nakatayo na ang anyo ay tulad sa pinatay na…. at kinuha ang kasulatang nakabalumbon sa kanang kamay ng nakaupo sa trono” (Pahayag 6–7). Ito ang larawan ni Jesu Cristo, ang Kordero na pinatay na Siya ring Leon ng paghatol. Si Jesus lamang ang karapatdapat na humatol sa mundo (Juan 5:22). Habang kinukuha Niya ang balumbon para buksan ang mga tatak at igawad ang hatol sa hindi sumasampalatayang mundo, ang mga nilikha sa langit ay umawit ng bagong awit ng papuri sa Kanya: “Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa kasulatang nakabalumbon at magbukas sa mga selyo niyon. Sapagkat pinatay ka, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay tinubos mo ang mga tao para sa Diyos, mula sa bawat lahi, wika, bayan at bansa.” “Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, kaluwalhatian, papuri at paggalang!” (Pahayag 5:9, 12).
Sa gitna ng papuring nararapat sa Kanya, inumpisahang buksan ng Kordero ang mga tatak (Pahayag 6:1). Sa bawat tatak na binubuksan, unti-unting nabubuksan ang mga balumbon at ipinapakita ng paunti-unti ang mga hatol ng Diyos sa panahon ng kapighatian. Ang unang apat sa pitong tatak ang nagpakawala sa kilala ngayon bilang Apat na Mangangabayo ng Pahayag dahil ang mga hatol ay lumabas bilang simbolo ng isang kabayo at sakay nito na may dala-dalang pagkawasak.
Ang unang tatak. Ipinakilala ng unang tatak ang Antikristo (Pahayag 6:1–2). Sa paglalarawan ng Bibliya, makakakuha tayo ng ilang detalye: nakasakay siya sa isang puting kabayo at nagpapahayag ng kapayapaan; sa pasimula ng kapighatian, darating ang Antikristo na nagpapanggap na magdadala ng kapayapaan sa mundo (tingnan ang Daniel 9:27). Binigyan siya ng isang korona, na nagpapahiwatig na magkakaroon ng malaking kapangyarihan ang Antikristo (Daniel 7:24–25). May hawak siyang pana na nagpapakita ng kanyang tunay na intensyon at “siya'y umalis upang patuloy na manakop” (Pahayag 6:2).
Ang ikalawang tatak. Nang buksan ng Kordero ang ikalawang tatak, isang malaking digmaan ang naganap sa mundo (Pahayag 6:3–4). Inilalarawan ito ng isang mangangabayo na may hawak na malaking espada na nakasakay sa isang pulang kabayo.
Ang ikatlong tatak. Ang pagbubukas sa ikatlong tatak ang naging hudyat ng taggutom sa mundo (Pahayag 6:5–6). Ang nakita ni Juan na mangangabayo ay nakasakay sa isang itim na kabayo na may “hawak na timbangan.” Pagkatapos, narinig ni Juan ang pahayag na kailangang magtrabaho ng mga tao sa buong maghapon para lamang magkaroon ng kaunting pagkain.
Ang ikaapat na tatak. Binuksan ang ikaapat na tatak at nakita ni Juan ang isang maputlang kabayo. Narinig kong sinabi ng pang-apat na buháy na nilalang, “at ang pangalan ng nakasakay dito ay Kamatayan. Nakasunod sa kanya ang Daigdig ng mga Patay. Ibinigay sa mga ito ang kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa upang pumatay” (Pahayag 6:7–8). Ang ikaapat na tatak ang naging dahilan ng pagkamatay ng ikaapat na bilang ng populasyon ng buong mundo “sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, salot, at mababangis na hayop sa lupa.”
Ang ikalimang tatak. Ang tatak ng ikalimang balumbon ang nagpakita kung sinu-sino ang papatayin dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo sa panahon ng kapighatian (Pahayag 6:9–11; Mateo 24:9). Inilarawan ang mga kaluluwa ng mga martir na ito na nananahan sa ilalim ng altar sa langit. Narinig ng Diyos ang kanilang sigaw para sa hustisya at binigyan ang bawat isa sa kanila ng isang puting kasuutan. Sinabihan ang mga martir na maghintay “hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kapwa mga lingkod na papatayin ding tulad nila.” Nangako ang Diyos na sila’y ipaghihiganti, ngunit hindi pa iyon ang tamang panahon (tingnan ang Roma 12:19).
Ang ikaanim na tatak. Nang buksan ng Kordero ang ikaanim na tatak, isang mapaminsalang lindol ang naganap na naging sanhi ng malaking kaguluhan at pagkawasak—maging ng mga hindi pangkaraniwang kababalaghan: naging itim ang araw at ang buwan ay naging kasimpula ng dugo, “naglaho ang langit na parang kasulatang inirolyo, at nawala sa kanilang dating kinalalagyan ang mga bundok at mga isla” (Pahayag 6:12–14). Ang mga nakaligtas sa ikaanim na tatak, anuman ang kanilang posisyon sa lipunan ay nagtago sa mga kuweba at sumigaw sa mga bundok at mga bato, “Tabunan ninyo kami at ikubli ninyo kami sa mukha ng nakaupo sa trono, at sa poot ng Kordero!? Sapagkat dumating na ang kakila-kilabot na araw ng pagbubuhos ng kanilang poot, at sino ang makakatagal sa harap nito?” (Pahayag 6:16–17).
Pagkatapos na buksan ang ikaanim sa pitong tatak, isang patlang ng katahimikan ang naganap ayon sa aklat ng Pahayag. Inilarawan ni Juan ang 144,000 na mga Judio na iingatan sa panahon ng kapighatian (Pahayag 7:1–8). Pagkatapos nakita niya ang “napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika (Pahayag 7:9). Ang mga taong ito ay nakasuot ng puting kasuutan, may mga tangang sanga ng palma at sumisigaw: ““Ang kaligtasan ay nagmumula sa ating Diyos na nakaluklok sa trono, at sa Kordero!” (Pahayag 7:10).
Sinabihan si Juan na ang karamihang ito na may nakadamit ng puti ay “ang mga nanggaling sa matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi ang kanilang damit sa dugo ng Kordero” (Pahayag 7:14). Pinangakuan sila na Hindi na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init…..”’at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata”’(Pahayag 7:16–17; tingnan din ang Isaias 25:8; 49:10).
Ang ikapitong tatak. Nang buksan ng Kordero ang ikapitong tatak, “nagkaroon ng katahimikan sa langit sa loob ng halos kalahating oras” (Pahayag 8:1). Ang mga hatol hanggang sa pagtatapos ng kapighatian ay nakikita na ngayon sa mga balumbon at talagang napakalubha anupa’t nagkaroon ng katahimikan sa lahat ng nasa langit. Ang ikapitong tatak ang nagpakilala sa mga sumunod na serye ng paghatol, dahil agad na nakita ni Juan ang pitong anghel na binigyan ng pitong trumpeta na nakahanda ng humihip (Pahayag 8:2). Kumuha ang ikalawang anghel ng sunugan ng insenso at “nagsunog ng mas maraming insenso doon, na naglalarawan sa mga panalangin ng mga anak ng Diyos (Pahayag 8:3–4). Pagkatapos, kinuha ng anghel ang sunugan ng insenso at “pinuno ito ng apoy mula sa dambana, at inihagis sa lupa. Biglang kumulog, dumagundong, kumidlat at lumindol” (Pahayag 8:5).
Pagkatapos ng pitong tatak ng paghatol ng Diyos, ang susunod na bahagi ng kapighatian, ang pitong trumpeta ng paghatol ay handa ng magsimula.
English
Ano ang pitong tatak sa aklat ng Pahayag?