Tanong
Ano ang pitong tatak, ang pitong trumpeta at pitong mangkok sa aklat ng Pahayag?
Sagot
Ang pitong tatak (Pahayag 6:1-17, 8:1-5), pitong trumpeta (Pahayag 8:6-21, 11:15-19), at pitong mangkok (Pahayag 16:1-21) ay ang tatlong magkakasunod na serye ng paghatol ng Diyos sa huling panahon. Ang mga hatol ay pabigat ng pabigat at mas malala kaysa sa nauna. Ang pitong tatak, pitong trumpeta at pitong mangkok ay may koneksyon sa isa't isa. Ang pampitong tatak ang nagpapakilala sa pitong trumpeta (Pahayag 8:1-5), at ang pitong trumpeta naman ang nagpapakilala sa pitong mangkok (Pahayag 11:15-19, 15:1-8).
Ang unang apat sa pitong tatak ay kilala bilang apat na mangangabayo sa Pahayag. Ang unang tatak ang magpapakilala sa antikristo (Pahayag 6:1-2). Ang pangalawang tatak ang magiging sanhi ng isang malaking digmaan (Pahayag 6:3-4). Ang pangatlo sa pitong tatak ang magiging sanhi ng taggutom (Pahayag 6:5-6). Ang pang-apat na tatak naman ang magiging sanhi ng salot, patuloy na taggutom at patuloy na digmaan (Pahayag 6:7-8).
Ang ikalimang tatak ang magpapakilala sa atin sa mga taong pinatay dahil sa kanilang pananampalataya sa huling panahon (Pahayag 6:9-11). Pinakinggan ng Diyos ang kanilang paghingi ng katarungan at ililigtas sila sa kanyang panahon, sa anyo ng ikaanim na tatak, kasama ang trumpeta at mangkok ng poot ng Diyos. Nang buksan ang panganim sa pitong tatak, isang mapaminsalang lindol ang naganap na naging dahilan ng malaking kapinsalaan at pagbabago at maging ng mga tanda sa langit na hindi pa nasasaksihan kailanman (Pahayag 6:12-14). Yaong makaliligtas ay magmamakaawa, "At sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, mahulog kayo sa amin, at kami'y inyong itago sa mukha noong nakaupo sa luklukan, at sa galit ng Cordero. Sapagka't dumating na ang dakilang araw ng kanilang kagalitan; at sino ang makatatayo?" (Pahayag 6:16-17).
Ang pitong trumpeta ay inilarawan sa Pahayag 8:6-21. Ang pitong trumpeta ay ang mga "laman" ng ikapitong tatak (Pahayag 8:1-5). Ang unang trumpeta ang magiging dahilan ng pag-ulan ng yelo at apoy na sisira sa karamihan ng mga halaman sa buong mundo (Pahayag 8:7). Ang pangalawang trumpeta ang magpapaulan ng mga tila bulalakaw na tatama sa mga karagatan at magiging dahilan ng kamatayan ng karamihan ng mga nabubuhay sa dagat (Pahayag 8:8-9). Ang pangatlong trumpeta ay kapareho ng ikalawa maliban sa ang maaapektuhan nito ay ang mga lawa at ilog sa halip na mga karagatan (Pahayag 8:10-11).
Ang ikaapat sa pitong trumpeta ang magiging dahilan ng pagdidilim ng araw at ng buwan (Pahayag 8:12). Ang ikalimang trumpeta ang magiging sanhi ng salot na "mala-demonyong mga balang" na aatake at magpapahirap sa sangkatauhan (Pahayag 9:12-21). Ang ikapitong trumpeta ang tatawag sa pitong anghel na may pitong mangkok ng poot ng Diyos (Pahayag 11:15-19, 15:1-8).
Ang pitong mangkok ng poot ng Diyos ay inilarawan sa Pahayag 16:1-21. Ang pitong mangkok ng poot ng Diyos ay tinawag ng ikapitong trumpeta. Ang unang mangkok ang magiging dahilan ng mga masasakit na sugat na mararanasan ng buong sangkatauhan (Pahayag 16:2). Ang ikalawang mangkok ang magiging dahilan ng kamatayan ng lahat ng nangabubuhay sa karagatan (Pahayag 16:3). Ang pangatlong mangkok ang magiging sanhi ng pagiging dugo ng lahat ng mga ilog (Pahayag 16:4-7). Ang pangapat na mangkok ang magiging dahilan ng sobrang pag-iinit ng araw anupat ito ay magdudulot ng sobrang sakit sa sangkatauhan (Pahayag 16:4-7) Ang ikalimang mangkok ang magpapatuyo sa ilog Eufrates at magiging daan upang ipunin ng antikristo ang kanyang hukbo upang makipagdigma sa Armageddon (Pahayag 16:12-14). Ang ikapitong mangkok ang magiging dahilan ng mapaminsalang lindol na susundan ng pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo (Pahayag 16:15-21).
Idineklara sa Pahayag 16:5-7, "Matuwid ka, na ngayon at nang nakaraan, Oh Banal, sapagka't humatol ka na gayon; Sapagka't ibinuhos nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at pinainom mo sila ng dugo; ito'y karapatdapat sa kanila ".Oo, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, tunay at matuwid ang iyong mga hatol."
English
Ano ang pitong tatak, ang pitong trumpeta at pitong mangkok sa aklat ng Pahayag?