Tanong
Ano ang pitong trumpeta sa Pahayag?
Sagot
Ang pitong trumpeta ay inilarawan sa Pahayag 8:6–9:19 at 11:15–19. Ang pitong trumpeta ang “laman” ng ikapitong tatak ng paghatol dahil ang ikapitong trumpeta ang tumawag sa anghel na humihip sa mga trumpeta (Pahayag 8:1–5). Ang mga hatol na ibinalita ng pitong trumpeta ay magaganap sa panahon ng kapighatian sa mga huling panahon.
Ang unang trumpeta. Nang hipan ng unang anghel ang kanyang trumpeta, “umulan ng batong yelo at apoy na may halong dugo. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa, ang ikatlong bahagi ng mga punongkahoy at lahat ng sariwang damo” (Pahayag 8:7). Ang hatol na ito ay may pagkakahalintulad sa ikapitong salot sa Egipto (tingnan ang Exodo 9:23–24).
Ang ikalawang trumpeta. Hinipan ng ikalawang anghel ang trumpeta sa langit, “at bumagsak sa dagat ang isang parang malaking bundok na nasusunog. Naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat” (Pahayag 8:8). Naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat, at lumubog ang tatlong bahagi ng bilang ng mga barko, at ang ikatlong bahagi ng lahat ng may buhay sa dagat ay nangamatay (Pahayag 8:9). Ang hatol na ito ay may pagkakatulad sa unang salot sa Egipto (tingnan ang Exodo 7:20–21).
Ang ikatlong trumpeta. Ang ikatlong trumpeta ay gaya ng ikalawa, maliban sa ang naapektuhan nito ay ang mga dagat at ilog na tubig tabang sa halip na tubig alat. “At nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo, at bumagsak sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal. (Pahayag 8:10). Ang bituing ito ay binigyan ng pangalang “Kapaitan,” at maraming tao ang nangamatay (Pahayag 8:11). Sa botany, ang Kapaitan o wormword sa ingles (Artemisia absinthium) ay isang mababang puno na kilala sa napakapait at nakakalason nitong katangian.
Ang ikaapat na trumpeta. Ang ikaapat sa pitong trumpeta ang naging sanhi ng mga pagbabago sa kalangitan. “Napinsala ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng mga bituin, kaya't nawala ang ikatlong bahagi ng kanilang liwanag. Nagdilim ang ikatlong bahagi ng maghapon, at walang tumanglaw sa ikatlong bahagi ng magdamag” (Pahayag 8:12).
Pagkatapos ng ikaapat na trumpeta, itinala ni Juan ang isang mahalagang babala mula sa isang agila na lumilipad sa himpapawid. Ang agilang ito ay sumisigaw ng may malakas na tinig na nagsasabi, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim! Talagang kalagim-lagim ang sasapitin ng lahat ng nasa lupa pagtunog ng mga trumpetang hihipan ng tatlo pang anghel!” (Pahayag 8:13). Dahil dito, ang ikalima, ikaanim at ikapitong trumpeta ay tinatawag na tatlong “kapighatian.”
Ang ikalimang trumpeta. Ang ikalimang trumpeta (at ang unang kapighatian) ay nagpalitaw sa nakakatakot na salot na mga “malademonyong balang” na umatake at nagpahirap sa mga hindi ligtas sa loob ng limang buwan (Pahayag 9:1–11). Nagsimula ang salot sa isang “bituin” na bumagsak mula sa langit. Ang bituing ito ay malamang na isang masamang anghel o demonyo dahil binigyan siya ng susi ng pintuan ng isang napakalalim na hukay (Pahayag 9:1). Binuksan niya ang hukay at naglabasan ang mga balang na kumalat sa lupa na may kapangyarihang manakit tulad ng mga alakdan (Pahayag 9:3). Hindi sinalanta ng mga balang ang mga halaman sa mundo; sa halip, agad silang pumunta sa mga tao lamang na “walang tatak ng Diyos sa noo” (Pahayag 9:4). Sa loob ng limang buwan, pinahirapan ng mga balang na ito ang mga tao, na nakaranas ng sobrang paghihirap anupa’t ninais na nilang mamatay, ngunit hindi nila matatagpuan ang kamatayan” (Pahayag 9:6). Hindi pinahintulutan ang mga balang na patayin ang sinuman kundi pahirapan lamang sila.
Ang mga malademonyong balang na ito ay may isang “hari” na isang anghel sa kalaliman (Pahayag 9:11). Sa salitang Hebreo, ang kanyang pangalan ay Abaddon at sa salitang Griyego naman ay Apollyon, na nangangahulugang “Ang Tagawasak.” Ang mga balang ay inilarawan sa hindi pangkaraniwang salita: sila ay tulad sa mga “kabayong handa sa pakikidigma” (Pahayag 9:7). Nakasuot sila ng isang tila “mga koronang ginto” at ang kanilang mga mukha ay parang mukha ng tao (Pahayag 9:7). “Parang buhok ng babae ang kanilang buhok at parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin” (Pahayag 9:8). “Natatakpan ng parang mga baluting bakal ang kanilang dibdib at ang pagaspas ng kanilang pakpak ay parang dagundong ng maraming karwaheng hila ng mga kabayong lulusob sa labanan” (Pahayag 9:9). Gaya ng mga alakdan, may tulis sila sa kanilang mga buntot (Pahayag 9:10). Ang paglalarawan ang nagtulak sa maraming magkakaibang interpretasyon: ito ba ay pangitain tungkol sa mga helicopters, o ng mga mandirigmang barbaro, o ng isang hukbo na pinamumunuan ni Satanas, o ng mga aktwal na mga nilalang mula sa hukay ng impiyerno? Hindi natin ito matitiyak hanggat hindi ito nangyayari.
Ang ikaanim na trumpeta. Ang ikaanim na trumpeta (at ang ikalawang kapighatian) ay kinapapalooban ng pagwasak ng mga demonyo (Pahayag 9:12–21). Pagkatapos na hipan ang ikaanim na trumpeta, isang tinig mula sa altar ng Diyos ang nagpakawala sa “apat na anghel na nakatali sa malaking ilog Eufrates” (Pahayag 9:14). Ang apat na anghel na ito ay ibinilanggo para lamang sa layuning ito: ang pumatay sa panahon ng kapighatian (Pahayag 9:15). Pinangunahan ng apat na masasamang anghel na ito ang isang supernatural na libo-libung mangangabayo para patayin ang ikatlong bahagi ng bilang ng sangkatauhan (Pahayag 9:16). Ang mga mangangabayo ay “may mapulang baluti na gaya ng apoy, asul na gaya ng safiro, at dilaw na parang asupre” (Pahayag 9:17). Ang ulo ng kanilang mga kabayo ay “parang ulo ng leon at ang kanilang bibig ay bumubuga ng apoy, usok at asupre” at “ang kanilang mga buntot ay gaya ng mga ahas” (Pahayag 9:18–19). Pumapatay sila gamit ang kanilang bibig at mga buntot.
Sa kabila ng kalagim-lagim na mga salot na ito, ang mga nakaligtas sa lupa ay hindi pa rin nagsisi. Nagpatuloy sila sa kanilang pagsamba sa mga diyus-diyusan, pagpatay sa kapwa tao, pangkukulam, kahalayan at pagnanakaw (Pahayag 9:20–21).
Ang sumunod sa ikaanim na trumpeta ay isang intermisyon sa literatura. Nakita ni Juan ang isang anghel na bumababa mula sa langit na may tangang maliit na balumbon sa kanyang kamay. Isang pangako ang ibinigay na “isasagawa na ng Diyos ang lihim niyang plano, gaya ng ipinahayag niya sa mga propeta na kanyang mga lingkod” (Pahayag 10:7) at sinabihan si Juan na kailangan niyang manghula pa ng mas marami (Pahayag 10:11). Pagkatapos ay ang paglalarawan sa dalawang saksing mangangaral sa Jerusalem na gagawa ng mga himala bago sila patayin. Bubuhayin silang muli ng Diyos at dadalhin sa langit (Pahayag 11:1–13).
Ang ikapitong trumpeta. Hinipan ang ikapitong trumpeta (ang ikatlong kapighatian) at sa langit ay may malalakas na tinig na nagsabi, “Ang paghahari sa sanlibutan ay paghahari na ngayon ng ating Panginoon at ng kanyang Cristo. Maghahari siya magpakailanman!” (Pahayag 11:15). Sinabi ng dalawampu’t apat na matatanda, “Dumating na ang panahon ng iyong poot, panahon na upang wasakin mo ang mga nangwawasak sa daigdig” (Pahayag 11:18). Ngayon ay lubusang wawakasan na ng Diyos ang lahat ng bagay. Pagtunog ng ikapitong trumpeta, nabuksan ang templo ng Diyos sa langit at “nakita ang Kaban ng Tipan sa loob nito. Pagkatapos ay kumidlat, dumagundong, kumulog, lumindol at umulan ng batong yelo” (Pahayag 11:19).
Ito ang pagtatapos ng pitong trumpeta ng mga hatol ng Diyos. Nakahanda na ang pitong anghel na may pitong mangkok ng mga poot ng Diyos. Ang mga anghel na ito ay nakatayo sa loob ng ngayon ay bukas na templo at handa ng dalhin ang mga huling hatol ng Diyos sa mundo (Pahayag 15).
English
Ano ang pitong trumpeta sa Pahayag?