settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pitumpung (70) linggo/pitumpung pito (77) sa aklat ng Daniel?

Sagot


Ang hula tungkol sa “pitumpung linggo” o “pitumpung pito” ay isa sa pinakamahalaga at detalyadong hula tungkol sa Mesiyas sa Lumang Tipan. Matatagpuan ito sa ikasiyam na kabanata ng Daniel. Nagumpisa ang kabanatang ito sa panalangin ni Daniel para sa bansang Israel na kinikilala ang kasalanan ng bansa laban sa Diyos at humihingi ng Kanyang habag. Habang nananalangin si Daniel, nagpakita sa kanya ang anghel na si Gabriel at ibinigay sa kanya ang isang pangitain tungkol sa mangyayari sa Israel sa hinaharap.

Ang mga pagkakahati sa pitumpung linggo
Sa talata 24, sinabi ni Gabriel, “Pitumpung linggo ang panahong palugit sa iyong sambayanan at sa banal na lunsod.” Nagkakasundo ang halos lahat ng komentarista ng Bibliya na ang pitumpung pito ay dapat unawain bilang pitumpung linggo o taon, sa ibang salita, isang yugto ng 490 taon. Nagbibigay ang mga talata ng tila “orasan” na nagbibigay ng ideya kung kailan darating ang Mesiyas at naglalarawan sa ilang mga pangyayari kasabay ng Kanyang pagpapakita.

Nagpatuloy ang hula sa paghati sa 490 taon sa tatlong maliliit na yunit: isang yugto ng 49 taon, isang yugto ng 434 taon at isang yugto ng 7 taon. Ang huling “linggo” ng pitong taon ay hinati din sa dalawa. Sinasabi sa talata 25, “Unawain mo ito: Mula sa pagbibigay ng utos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Diyos ay lilipas ang pitong linggo. Muling itatayo ang Jerusalem, ang mga lansangan at pader nito ay aayusin sa loob ng animnapu't dalawang (62) linggo; ito ay panahon rin ng kaguluhan.” Ang pitong pito ay 49 taon, at ang animnaput-dalawang pito ay dagdag na 434 taon: 49 taon + 434 taon = 483 taon.

Ang Layunin ng pitumpung (70) Linggo
Naglalaman ang hula ng anim (6) na layunin ng Diyos sa pagpapahintulot sa mga pangyayaring ito: Sinasabi sa talata 24 na ang mga layunin ay 1) “upang tigilan ang pagsuway,” 2) “wakasan ang kasamaan,” 3) “pagbayaran ang kasalanan,” 4) “paghariin ang walang hanggang katarungan,” 5) “ganapin ang kahulugan ng pangitain,” at 6) “italaga ang Kabanal-banalan.”

Pansinin ang resulta patungkol sa pagwawakas sa kasamaan at ang paghahari ng walang hanggang katarungan. Binuod ng hula tungkol sa pitumpung (70) linggo ang mga mangyayari bago ni Hesus itatag ang isanlibong taon ng Kanyang paghahari sa lupa. Kapansin-pansin lalo ang pangatlo sa listahan ng mga layunin: ang pagbabayad sa kasalanan. Ginanap ni Hesus ang pagbabayad sa kasalanan ng tao sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus (Roma 3:25; Hebreo 2:17).

Ang Katuparan ng Pitumpung (70) Linggo
Sinabi ni Gabriel na magsisimula ang orasan ng hula sa panahon kung kailan isang utos ang ilalabas upang muling itayo ang Jerusalem. Mula sa panahon ng utos na iyon hanggang sa panahon ng Mesiyas ay 483 taon. Alam natin sa kasaysayan na ang utos na “muling ibalik at itayo ang Jerusalem” ay ibinigay ni Haring Artaxerxes ng Persia noong humigit kumulang 445 BC (tingnan ang Nehemias 2:1–8).

Ang unang yunit ng 49 taon (pitumpung pito) ay kinapapalooban ng panahon ng muling pagtatayo sa Jerusalem, “at ang mga lansangan at pader nito ay aayusin sa loob ng animnapu't dalawang linggo; ito ay panahon rin ng kaguluhan” (Daniel 9:25). Ang muling pagtatayong ito ng Jerusalem ay itinala sa aklat ni Nehemias.

Gamit ang kaugalian ng mga Hudyo na pagkukuwenta ng taon na may 360 araw bawat taon, 483 taon pagkatapos ng 445 BC, makukuha natin ang taong AD 30 na kasabay ng matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem (Mateo 21:1–9). Ang hula sa Daniel ay partikular na tumutukoy na pagkatapos ng 483 taon, “papatayin ang hinirang ng Diyos” (talata 26). Naganap ito noong ipako si Hesus sa krus.

Nagpatuloy ang Daniel 9:26 sa isang prediksyon na pagkatapos na patayin ang Mesiyas, “Ang lunsod at ang templo ay wawasakin ng hukbo ng isang makapangyarihang hari.” Naganap ito sa pagkawasak ng Jerusalem noong AD 70. Ang “haring darating” ay tumutukoy sa Antikristo, na tila may koneksyon sa bansang Roma, dahil ang mga Romano ang gumiba sa Jerusalem.

Ang Huling Linggo ng Pitumpung Linggo
Sa mga pitumpung “pito,” naganap na ang animnapu’t siyam na pito sa kasaysayan. Kaya may natitira pang isang “pito” na hindi pa nagaganap. Nakararaming iskolar ng Bibliya ang naniniwala na nabubuhay tayo ngayon sa isang malaking puwang sa pagitan ng ika-69 na linggo at ika-70 linggo. Ang orasan ng hula ng Diyos ay nakatigil, gaya ng nararanasan natin ngayon. Ang huling pitong linggo sa aklat ni Daniel ay ang karaniwan nating tinatawag na pitong taon ng kapighatian.

Nagpapakita ang hula ni Daniel ng ilan sa mga gawain ng Antikristo, ang “darating na hari.” Sinasabi sa talata 27 na ito’y “gagawa ng isang matibay na kasunduan sa maraming tao sa loob ng isang linggo.” Gayunman, “Pagkaraan ng kalahating linggo, papatigilin niya ang paghahandog. Ilalagay niya sa itaas ng Templo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan.” Nagbabala si Hesus tungkol sa pangyayaring ito sa Mateo 24:15. Pagkatapos na sumira ang Antikristo sa kanyang kasunduan sa Israel, maguumpisa ang panahon ng tinatawag na “dakilang kapighatian” (Mateo 24:21 KJV).

Hinulaan din ni Daniel na haharap sa paghatol ang Antikristo. Maghahari lamang siya hanggang sa “wakasan ng Diyos ang naglagay nito” (Daniel 9:27). Pahihintulutan lamang ng Diyos ang kasamaan hanggang sa puntong ito, at nakatakda na ang Kanyang gagawing paghatol sa Antikristo.

Konklusyon
Ang hula tungkol sa pitumpung (70) linggo ay masalimuot at kamangha-mangha ang pagkakadetalye, at marami ng aklat ang nasulat tungkol dito. Natural na may iba’t ibang interpretasyon sa hulang ito, ngunit ang aming tinalakay sa artikulong ito ay ayon sa pananaw na dispensasyonal (dispensational) at pananaw na darating si Kristo bago ang isanlibong taon ng Kanyang paghahari (premillennialism). Isang bagay ang tiyak: May plano ang Diyos at ang mga planong ito ay nakatakdang maganap sa oras na Kanyang itinakda. Alam Niya ang simula hanggang wakas (Isaias 46:10), at dapat tayong laging maghanda at maghintay para sa matagumpay na muling pagparito ng ating Panginoong Hesu Kristo (Pahayag 22:7).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pitumpung (70) linggo/pitumpung pito (77) sa aklat ng Daniel?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries