settings icon
share icon
Tanong

Anu-ano ang mga indulhensiya at plenaryang indulhensiya at ang mga konsepto ba nito ay biblikal?

Sagot


Ayon sa Katekismo ng Simbahang Katoliko, ang indulhensiya ay "Ang pagpapatawad ng Diyos sa mga temporal na kaparusahan dahil sa kasalanang napatawad na." Ang isang maayos na miyembro ng simbahan ay maaaring magkamit ng indulhensya sa ilalim ng ilang mga itinakdang kundisyon sa pamamagitan ng tulong ng simbahan, bilang ministro ng katubusan, nagpapatupad at naglalapat ng awtoridad mula sa kayamanan ng kahabagan ni Kristo at ng mga santo. Ang indulhensiya ay bahagi lamang kung aalisin ang makalupang parusa dahil sa kasalanan, o plenarya kung aalisin nito lahat ang kaparusahan."

Ang mga sumusunod na pakahulugan ay mahalaga ring malaman upang maintindihan ang paksang ito: Kaparusahang walang hanggan: "Ang kaparusahan sa hindi napagsisihang mortal na kasalanan, ay pagkahiwalay ng makasalanan sa Diyos sa walang hanggan." Kaparusahag temporal:"Pagpapakadalisay mula sa kamunduhan, na nagdudulot ng kasalanan na nananatili maging pagkatapos ng kamatayan. Kailangang malinis ang kasalanan habang nabubuhay sa mundo sa pamamagitan ng panalangin at pagbabalik-loob sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa, o pagkatapos mamatay at pumunta sa purgatoryo." Purgatoryo: "Ang huling estado ng paglilinis ng kasalanan matapos mamatay at bago makapasok sa langit para sa mga namatay na kaibigan ng Diyos, ngunit hindi pa ganap na nalilinis ang kasalanan; ang huling paghuhugas ng kasalanan bago pahintulutang makapasok sa kasiyahan ng langit."

Itinuturo ng Simbahang Romano Katoliko na ang kasalanan ay may dalawang bunga. Para sa isang miyembro ng Simbahang Katoliko, ang mortal na pagkakasala ay magdudulot ng "walang hanggang parusa" — kasama ang walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos at pagdurusa sa impiyerno. (Itinuturo rin ng Simbahang Katoliko na sa ilalim ng normal na sitwasyon ang mga hindi nabinyagan sa Simbahang Romano Katoliko o anumang simbahan na nagbabautismo ay susumpain din sa impiyerno dahil sa minanang kasalanan na nasa kanilang kaluluwa.) kasalanang benyal [di-mabigat], sa kabaliktaran, ay hindi magdudulot ng "walang hanggang kaparusahan" ngunit may “kaparusahang temporal.” Kung minsa'y tinutukoy din sa mga katuruan ng Romano Katoliko ang "kasalanang temporal" bilang paraan ng Diyos upang maituwid ang Kanyang mga anak (maaaring sa buhay ditto sa lupa o sa purgatoryo). Ngunit nakikita din ng Simbahang Romano Katoliko ang mga kasalanang benyal bilang pagkakaroon ng utang sa Diyos na dapat pagbayaran sa paraang naiiba sa pagtubos ni Kristo para sa walang hanggang kaparusahan. Ang Romano Katoliko ay nagtuturo na dahil sa pakikiisa sa Katawan ni Kristo (Pakikiisa ng mga Santo) (kasama ng mga nabubuhay na mananampalataya sa lupa, mananampalataya sa langit, mga santo ng Romano Katoliko, ni Kristo, ni Maria, at ng mga hindi pa lubos na mananampalataya sa purgatoryo), magiging posible na may kapatawaran o gantimpala sa pamamagitan ng mabubuting gawa, panalangin, paglilimos, pagsasakripisyo, at iba pa at ang isa o higit sa mga miyembrong ito ay magagamit sa kabayaran ng temporal na utang ng iba. Itinuturo din ng Simbahang Romano Katoliko na ang pinagsama-samang biyaya mula kay Kristo, mga santo, at matutuwid na mananampalataya ay nakatabi sa isang lugar na kanilang tinatawag na "Treasury of Merit" (tinatawag din minsang “Treasury of Satisfaction,” “Church"s Treasury,” o ang “thesaurus Ecclesiae”). At sa pamamagitan ng pagsunod sa Apostol na si Pedro, ang Simbahang Romano Katoliko lamang ang may kapangyarihan upang bawiin ang merito mula sa pondong salapi at magbahagi sa mga mananampalataya na narito sa lupa o nasa purgatoryo upang tubusin ang ilan sa mga kasalanang benyal. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng indulhensiya.

Muli ang indulhensiya ay may kinalaman lamang sa temporal, at hindi eternal, ang kaparusahan ay maaari lamang na maipamahagi sa pamamagitan ng lider ng Simbahang Romano Katoliko sa isang taong nasa purgatoryo o buhay at ang kaluluwa ay nasa estado ng pagpapabanal (halimbawa, siya ay pupunta sa purgatoryo, hindi impiyerno kung siya ay mamatay). Ang indulhensiya ay makakamit sa pamamagitan ng mabuting gawa, isang misa na inialay para sa kapakanan ng iba, panalangin, pangingilin, pagbibigay sa mahirap, at iba pang mga gawain na kinakailangang gawin ayon sa itinakda ng papa o arsobispo na sumasaklaw sa indibidwal. Ang pag-aalay ng misa para sa isang tao ay isa sa epektibong paraan upang mabawasan ang mga kaparusahang temporal ng taong iyon na nasa purgatoryo. Ang bahagi ng indulhensiya, ang indulhensiyang parsyal ay makapagpapabawas ng kaparusahang temporal na mayroon siya. Ang "plenary indulgence" naman ay makapag-aalis ng lahat ng kaparusahang temporal.

Ang konsepto ba ng indulhensya ay nasa Bibliya?

Marami sa mga katuruan ng Simbahang Romano Katoliko ay nagmula sa mga tradisyon sa halip na sa Banal na Kasulatan. At dahil nakikita ng Romano Katoliko ang kanilang mga katuruan na alinsunod sa Banal na Kasulatan at kapantay ng awtoridad ng Kasulatan, ito ay hindi isyu sa kanila. Ngunit sa karamihan ng mga grupo ng mga Kristiyano, ang Bibliya lamang ang dapat pagmulan ng awtoridad at higit sa sapat upang mabigyan ang mga Kristiyano ng lahat ng pagkukunan na kinakailangang malaman at paglingkuran si Kristo na siyang kalooban ng Diyos. (2 Timoteo 3:15-17; Gawa 20:32). Ngunit dahil ang Simbahang Romano Katoliko ay nagsasabi na ang kanilang mga katuruan ay hindi sumasalungat sa Banal na Kasulatan at tinatanggap ang Kasulatan bilang bahagi ng kanilang awtoridad, tama lamang ang dalawang grupo na magtanong "Ang indulhensya ba ay biblikal?"

Isang pagsusuri sa mga talata na ginagamit ng Simbahang Romano Katoliko upang suportahan ang kanilang katuruan ukol sa temporal na kaparusahan, ang pagtubos ng kapwa mananampalataya at mga santo, ang purgatoryo, ay nagpapakita ng pagtitiwala sa tradisyon higit sa Banal na Kasulatan. Ang ibang katuruan, tulad ng pagkakaroon ng merito, ang tinatawag na "pristine and unfathomable merit of Mary," ang "superabundant merit of the saints," at ang pagkakaroon ng indulhensya ay wala lahat sa Banal na Kasulatan! Ang doktrina ba ng indulhensya ay biblikal? Ang hindi nagbabago at kontekstwal na paliwanag ng Kasulatan ay hindi alinsunod alinman sa katuruan ng indulhensya, o sa pinagmulan ng katuruan nito.

Indulhensya at Purgatoryo

Ang Simbahang Romano Katoliko ay gumagamit ng ilang mga talata sa Bibliya upang suportahan ang doktrina ng purgatoryo. Ginagamit nila ang mga talata mula sa Apokripa gaya ng 2 Macabeo, 1 Corinto 3:10-15, Mateo 5:26; at Mateo 12:32. Ang Mateo 5:26 ay bahagi ng isang talinghaga tungkol sa pagpapatawad. Ang Mateo 12:32 naman ay tumutukoy sa pamumusong sa Espiritu Santo.

Ang mga talata ay nakatuon sa kung anu ang mangyayari matapos ang kamatayan o nagbibigay ng malinaw na katuruan kung ano ang magaganap matapos ang kamatayan. Ito ay isang alituntunin ng tamang interpretasyon sa Banal na Kasulatan na hindi dapat gamitin ang mga "malabo o di-tiyak" na mga pahayag at basta na lamang iugnay sa isang isyu o katuruan. ANg bigyang-kahulugan ang mga talatang ito bilang katuruan na maaaring matubos at malinis ang kasalanan sa purgatoryo matapos mamatay ay sasalungat sa maraming malinaw na paglalahad sa Bibliya na mayroon lamang dalawang lugar na pupuntahan ang taon pagkatapos niyang mamatay;

maaari niyang makasama ang Panginoon sa langit (2 Corinto 5:8; Filipos 1:21-23; 1 Tesalonica 4:13-18) o maghirap siya sa impiyerno (Lukas 16:23-24; Pahayag 20:10-15). Walang sinasabi sa Bibliya na mayroon pang paglilinis ng kasalanan pagkatapos ng kamatayan, sa halip ang sinasabi ay "At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom" (Hebreo 9:27). Tingnan din ang aming artikulo na may pamagat na "Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa purgatoryo" para sa mas malalim na pagtalakay sa isyung ito.

Indulhensiya at Penitensiya

Sinasabi ng mga Katoliko na dapat magpenitensiya para sa kanilang mga kasalanan. Pagkatapos ng pangungumpisal sa isang pari, ang nangumpisal ay binibigyan ng mga bagay na dapat gawin (tulad ng mga panalangin na dapat ipanalangin) bilang bahagi ng pagpepenitensiya. Bahagi ng layunin ng penitensiya ay upang tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob ang tao sa Diyos. Ngunit ang isa pang dahilan na inuulit sa isang literatura ng Romano Katoliko ay upang bayaran o matubos ang kasalanan ng nagpepenitensya. Ito ay hindi tulad sa pagbabayad sa mga nasaktan ng kasalanan ng isang tao, sa halip ay pagbabayad sa kaparusahang temporal upang pawiin ang galit ng Diyos. Ang dahilang ito ay malapit sa ideya ng indulhensiya at hindi ito nabanggit sa Bibliya. Nasasaad sa Bibliya na ang pagsisisi, partikular ang "pagbabago ng isip tungkol sa kasalanan at tuluyang pagbabago ng pag-uugali” hindi ang pagpepenitensya. Ang ministeryo at mga turo ni Juan Bautista ay binuod sa Lukas 3:3-18. Sinabi niya sa kanyang mga binautismuhan (ang kanilang pagpapabautismo ay simbolo ng kanilang pagsisisi) na ipakita sa kanilang mga gawa na totoo ang kanilang pagsisisi. Ngunit wala kailan mang katuruan sa Bibliya na “kailangan ninyong bayaran o tubusin ang inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng mabubuting gawa o pangingilin”, o anu pa man. Ang talagang sinasabi ni Juan ay, "Ipakita ninyo na ang inyong pagsisisi ay totoo nga sa pamamagitan ng gawa" (Santiago 2:18). Muli, ang ideya ng "pagpepenitensiya" bilang pambayad sa kasalanan o pambayad utang sa hustisya ng Diyos ay hindi kailanman binanggit sa Banal na Kasulatan.

Indulhensiya at ang "Treasury of Merit" Ang doktrina ng "Treasury of the Church" ay unang opisyal na ipinahayag noong 1343 ni Pope Clement VI. Inilarawan niya hindi lamang ang kahalagahan ng pagtubos ni Kristo kundi maging ang kahalagahan din ni Maria, ang Ina ng Diyos, at ang lahat ng mga pinili, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakamababa, ay may bahagi sa sa ipunan ng mga kayamanan ng mabubuting gawa kung saan kumukuha ang simbahan upang siguraduhin ang pagpapatawad sa kaparusahang temporal.

Wala ni minsang tinukoy ang Bibliya gaya ng "Treasury of Merit," at wala kailanmang kaisipan na ang pagbabayad sa kasalanan ay magagawa ng isang mananampalataya para sa kapakanan ng iba. Ipinahayag ni Apostol Pablo, na kung ito ay posible, nakahanda siyang pakasumpain ng Diyos kung kapalit nito ay kaligtasan ng kapwa nya mga Israelita sa Roma 9 at 10. Ngunit ito ay hindi maaari dahil isinulat ni Pablo at ng iba pang apostol sa mga mananampalataya na napawi na ang galit ng makatarungang Hukom ng si HesuKristo ang siyang naging kabayaran ng ating mga kasalanan at maliban sa Kanya ay walang kaligtasan (Isaias 53:6; Roma 5:10-11; 2 Corinto 5:21; 1 Juan 2:2; Hebreo 10:1-18). Wala ni pahiwatig man ang Bibliya tungkol sa ideya ng pagbabayad sa kasalanan ng mga mananampalataya, maging buhay o patay man para sa kapwa mananampataya. Maaaring magkaiba nga ayon sa Romano Katoliko ang pagbabayad ng tao sa kanilang kaparusahang temporal at eternal, ngunit ang ideya na may ibang paraan maliban sa ginawa ni Kristo na maaaring pambayad sa kasalanan ninuman ay hindi matatagpuan sa Bibliya. Walang itinuro kailanman ang Bibliya tungkol sa "superabundant satisfaction of the Saints" o ang mga dasal at mabubuting gawa na iniukol kay Maria ay “sadyang malawak, hindi maaarok, at malinis sa harap ng Diyos.” Sa Banal na Kasulatan, mayroon lamang hindi maaarok at walang hanggang halaga ng pagtubos at ito ay isinakatuparan ni Kristo Hesus hindi ng sinuman.

Indulhensiya at kaparusahang temporal Ayon sa Katekismo ng Katoliko Romano, ang kaparusahang temporal ay ang proseso ng pagpapakabanal. Ngunit sa kabuuan ng mga katuruan ng Romano Katoliko, itinuturing nila ito bilang espiritwal na pagkakautang na dapat bayaran, maaaring ng isang indibidwal na nagkasala o ng iba alang-alang sa iba. Muli, ayon sa Simbahang Romano Katoliko magkaiba ang kaparusahang eternal para sa "mabigat" na kasalanan at kaparusahang temporal para sa "magaang" na kasalanan.

Malinaw na itinuturo ng Simbahang Romano Katoliko na may likas na kaparusahang temporal. Halimbawa, may pangangailangan na bayaran ang hustisya ng isang makatarungang Hukom at kung ang hustisya ay hindi sapat na kabayaran sa buhay na ito, kailangan itong pagbayaran sa sa kabilang buhay sa purgatoryo. Ang aspeto ng "pagbabayad ng sapat para sa hustisya" ay hindi biblikal. Itinuturo sa Banal na Kasulatan na ang kasalanan ay may walang hanggang kapatawaran (kung saan ang makasalanan ay hindi na mapupunta sa impiyerno) o kapatawaran sa mundong ito (ang hindi pagpapataw ng kaparusahan batay sa Kautusan ni Moises sa mga magkakasala) (2 Samuel 12:13). Nababago ng kasalanan ang mga bagay sa mundo at ang pakikitungo ng Diyos sa atin. Nangyayari ito dahilan sa ilan sa mga sumusunod na kadahilanan na ibinigay sa Bibliya:

1) Ito ay mundo kung saan ang ating mga gawa ay may mga konsekwensya. Kung tayo ay magtanim ng sebada sa tagsibol, hindi tayo aani ng trigo sa taglagas. Kung tayo ay magtanim ng kasalanan, kalaunan ay aani tayo ng kaguluhan, paghihirap, pagkawasak, at kamatayan (Galacia 6:7; Roma 3:16; Santiago 1:15).

2) Ang ating kasalanan at ang tugon ng Diyos dito ay nakakaapekto kung paano tayo at ang ibang tao tumitingin sa Diyos. Kung tayo ay magkasala at walang malinaw na epekto ito sa atin, tinitingnan natin ang kasalanan na tila "wala lang" ito sa Diyos, kung gayon ang Kanyang pagiging Banal ay magiging kasinungalingan. Ito ay isa sa mga dahilan kung bakit nabanggit ang pagkamatay ng anak ni David dahil sa pakikiapid niya kay Bathsheba (2 Samuel 12:13-14), halimbawa, kung walang kaparusahang ipinataw kay David sa pagpatay kay Urias at sa kanyang pakikiapid, ang magiging pananaw sa Diyos ay kunsintidor ng makasalanang gawa.

3) Ang ibang "naghahanap" ay mahihikayat na magkasala. Ayon sa 1 Corinto 10:1-12, lahat ng kaparusahan na ipinataw ng Diyos sa mga Israelita para sa kanilang di-pananampalataya, pagsamba sa diyus-diyusan, pagiging makalaman, at iba pa, ay naitala upang magsilbing paalaala upang tayo ay matuto sa kanilang mga kamalian. Sinasabi sa aklat ng Kawikaan na ang iba ay nahihikayat magkasala kapag ang kaparusahan sa kasalanan ay naaantala. Samakatwid, ang parusa sa mundong ito ay ipinapataw ng Diyos o ang likas na konsekuwensya ng kasalanan ay pinahihintulutan para sa paglago ng mananampalataya at upang matutunan ng iba na huwag magkasala.

4) Dinidisiplina tayo ng Diyos para sa ating kapakanan upang maranasan natin ang ligayang bunga ng pagiging matuwid na Kanyang layon para sa atin. Kapag inilagak ng isang tao ang tiwala kay Kristo, ang Diyos ay tumitigil sa Kanyang pagigiging Hukom at nagiging ating Ama (Juan 1:12). Tayo ay haharap sa Kanya na Hukom ng ating mga gawa matapos tayong maligtas (2 Corinto 5:10-11; 1Corinto 3:10-15), ngunit ngayon tayo ay may kapayapaan na sa piling ng Diyos (Roma 5:1-10) dahil wala ng hatol na kaparusahan para sa atin (Roma 8:1). Ngunit bilang mapagmahal na Ama na nagdidisiplina sa Kanyang mga anak para sa ating ikabubuti, tayo ay dinidisiplina ng Diyos para sa ating kapakanan (Hebreo 12:3-11). Subalit, kung iyong titingnan ang katangian ng makalangit na pagdidisiplina sa Hebreo 12, hindi mo maiisip na ito ay parusa na kailangang bayaran.

Kaya, masasabi natin na nagpapataw ang Diyos ng kaparusahan o hinahayaan ang natural na kahihinatnan ng kasalanan, ngunit walang nasusulat saan man sa Bibliya na ang mga konsekwensyang ito ay upang matugunan ang Kanyang temporal na hustisya.

Bilang pagtatapos, sa aming paglalatag na ginawa, makikita ang malaking kakulangan ng mga batayan sa Bibliya na maaaring sumuporta para masabing biblikal ang katuruan tungkol sa indulhensiya. Nararapat lamang ipahayag na wala ni isang aklat sa Banal na Kasulatan na may halimbawa, o katuruan, maging ng isang apostol o lider man ng iglesya ang nagturo ng indulhensiya. Wala ni isa! Mula sa umpisa hanggang katapusan, ang buong katuruan ng indulhensiya ay hindi sang-ayon sa Bibliya.

Aming panalangin na gaya ni Apostol Pablo na marami nawang sumampalataya kay Kristo sa pamamagitan ng pagkukumpara sa kanilang mga nagisnang paniniwala sa mga turo sa Kasulatan (Gawa 17:10-12). Gayundin, basahin nawa ng mga makakabasa nito ang walang kamalian at hindi nagbabagong Salita ng Diyos para sa kanilang sarili at magtanong: “Ang mga katuruan ba ng Simbahang Romano Katoliko ay matatagpuan sa aking binasa?” “Ang mga katuruan ban a aking kinagisnan ay sumasang-ayon sa mga konteksto ng Bagong Tipan sa kabuuan nito?” “Ang sistema at mga paniniwala ba ng Romano Katoliko ay matatagpuan sa Bagong Tipan?" Dalangin namin para sa lahat na bumabanggit sa pangalan ni Kristo na manumbalik sa payak na pagtitiwala kay Kristo lamang at hangarin na mabuhay para sa Kanya bilang pasasalamat sa lahat ng Kanyang mga ginawa para sa atin (Roma 3-12).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Anu-ano ang mga indulhensiya at plenaryang indulhensiya at ang mga konsepto ba nito ay biblikal?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries