settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkontrol sa populasyon?

Sagot


Walang sinasabi ang Bibliyang anuman tungkol sa pagkontrol sa populasyon. Sa halip, sinabihan ang tao na “Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami” (Genesis 1:22, 28). Sinasabi sa atin sa Awit 127:3, “Ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon: at ang bunga ng bahay-bata ay kaniyang ganting-pala.”

Nang isulat ang artikulong ito, may humigit kumulang sa 7.1 bilyong tao sa buong mundo. May halos 7.5 trilyong piye kuwadrado ang estado ng Texas, sa Amerika pa lamang. Nangangahulugan ito na sa teorya, ang bawat tao sa mundo ay maaaring magkasya sa Texas, at ang bawat tao ay magkakaroon ng 1,056 piye kuwadrado ng tirahan - 4,224 piye kuwadrado para sa isang pamilya na may apat na miyembro! Maaaring may magsabi na hindi problema ang dami ng tao kundi ang kakulangan ng mga pangangailangan (pagkain, tubig, at iba pa) at ang kakayahan na ipamahagi ang mga iyon.

Kung ang lahat ng tao sa mundo ay maaaring magkasya sa Texas, isipin natin kung gaano kalaki ang espasyo para sa mga tao kung ikakalat sila sa buong Estados Unidos. Magkakaroon ang mga tao ng nakapalawak na lugar upang tirhan at sapat na tubig, lupang pwedeng tamnan, mga kalsada at iba pang istruktura.

Siyempre, may mga lugar sa Amerika na hindi maaaring tirhan. Gayunman, napakaraming lugar sa buong mundo na may saganang lupa na maaaring tamnan at pagkunan ng pagkain maging ng malinis na tubig na maiinom. Ang totoo, hindi kinakailangang “kontrolin” ang pagdami ng populasyon.

Ang mga nagsusulong ng pagkontrol sa populasyon ay sumusuporta sa mga hindi makadiyos na pamamaraan ng pagpigil sa pagdami ng tao gaya ng aborsyon, pagpatay dahil sa awa o euthanasia, at pwersahang sterilisasyon. Ang mga ganitong sistema gaya ng pwersahang aborsyon ay direktang sumasalungat sa katuruan ng Bibliya na sagrado ang buhay ng tao. Ang mga nagtutulak sa pagkontrol sa populasyon ay nagsusulong ng mga batas na ang basehan ay napakarami na ng tao, habang isinasantabi ang tunay na problema.

Ang problema ay hindi ang laki ng populasyon o ang kawalan ng mga pinagkukunan ng pangangailangan. Ang problema ay ang kasalanan. Ginamit ng mga taong makasarili, makasalanan, at uhaw sa kapangyarihan ang mga nilikha ng Diyos sa maling paraan. Nais ng Diyos na pamahalaan ng tao ang lahat ng Kanyang mga nilikha (Genesis 1:26). Dapat na maging mabuting katiwala ang mga tao ng mundo at idinagdag ng 1 Corinto 4:2, “Bukod dito'y kinakailangan sa mga katiwala, na ang bawa't isa ay maging tapat.” Nakalulungkot na sa halip na maging karapatdapat na katiwala ang kurap na gobyerno ng mga kayamanan ng kanilang mga bansa, lagi silang nagtatago ng pagkain, sinasalaula ang mga pinagkukunan ng yaman, at ginagastos ang pera ng taong bayan sa mga pansariling kapakanan sa halip na nasain na pakainin at paglingkuran ang mga mamamayan. Naghahangad din ang malalaking korporasyon ng mas malaking kontrol sa suplay ng pagkain at higit na pinahahalagahan ang malaking interes sa halip na pagtuunan ng pansin ang kapakinabangan ng mga mamamayan.

Ang sagot ng Bibliya sa “pagkontrol sa populasyon” ay hindi ang pagpipigil sa pagdami ng tao sa mundo. Ito ay ang pagpapahalaga sa tao na sapat upang mapunan ang kanilang mga pangangailangan (tingnan ang Markos 12:31). Ang pagiging gahaman, pagkauhaw sa kapangyarihan, at kahangalan ang dahilan sa hindi maayos na pamamahala sa mga kayamanan ng mundo at ito ang dahilan ng paghihirap ng milyun-milyong tao sa mundo. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkontrol sa populasyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries