Tanong
Mayroon bang kapangyarihan ang positibong pagpapahayag (positive confession)?
Sagot
Ang positibong pagpapahayag (positive confession) ay ang pagsasanay ng pagsasalita ng malakas ng gusto mong mangyari sa pag-asa na gagawin iyon ng Diyos na isang katotohanan. Sikat ang konseptong ito sa mga tagasunod ng ebanghelyo ng kasaganaan (prosperity gospel) na nagaangkin na may espiritwal na kapangyarihan ang mga salita at kung babanggitin natin ng malakas ang mga tamang salita ng may tamang pananampalataya, maaari tayong magkaroon ng kayamanan at kalusugan, matatalian si Satanas, at makakamtan ang anumang ating gugustuhin. Ang positibong pagpapahayag ay ang pagsasalita ng mga salita na ating pinaniniwalaan o gusto nating paniwalaan at sa ganitong paraan, ginagawa natin ang mga salitang iyon na katotohanan. Kasalungat ito ng negatibong pagpapahayag (negative confession) na pagtanggap sa realidad ng kahirapan, kakulangang pinansyal, at karamdaman, at dahil dito, ipinagpapalagay na tinatanggap natin ang mga negatibong bagay na ito at tumatanggi tayo sa kaginhawahan, kayamanan at kalusugan na plano ng Diyos para sa atin.
May ilang pagkakamali sa pilosopoyang ito. Ang pinakamapanganib ay ang paniniwala na may isang uri ng espiritwal na kapangyarihan ang mga salita na katulad ng mahika na ating magagamit upang makuha ang ating nais. Hindi ito galing sa Bibliya kundi hiniram ang konseptong ito sa tinatawag na batas ng atraksyon (law of attraction) ng pilosopiyang New Age (na nagtuturo na ang lahat ng relihiyon ay patungo sa Diyos). Itinuturo ng pananaw na ito na "umaakit ang isang bagay ng kanyang kaparehong bagay" – kaya umaakit ng positibong reaksyon ang positibong pananalita. Ang lahat ng bagay ay nagtataglay ng kapangyarihan at presensya ng Diyos – hindi sumasalahat ng lugar ang Diyos na Manlilikha kundi isang diyos na gaya ng paniniwala ng mga Hindu na naniniwala na ang lahat ng mga bagay ay mga diyos (panteismo). Ang pangkalahatang resulta ng pinanggalingang pananaw na ito na "name-it-claim-it" ay ang ideya na nagtataglay ang mga salita ng kapangyarihan at pwersa ng Diyos upang ibigay ang anumang ating maibigan na maliwanag na isang maling katuruan. Bilang karagdagan, ang resulta ay bunga ng positibong pananalita na binibigyan ng kapangyarihan ng pananampalataya ng indibidwal. Nagbubunga ito sa sinaunang paniniwala na ang mga karamdaman at kahirapan sa buhay ay mga uri ng parusa para sa kasalanan (sa sistema ng pananiwalang ito, ang kasalanan ay ang kawalan ng pananampalataya). Sinasalungat ang katuruang ito ng buong aklat ng Job at ng Juan 9:1-3.
Ang ikalawang problema sa paniniwalang ito ay ang maling pangunawa sa mga pangako ng Diyos. Ang "pagpapahayag" o confession na naaayon sa Bibliya ay pagsang-ayon sa lahat ng mga sinasabi ng Diyos sa Kanyang salita; samantalang ang "positibong pagpapahayag" naman ay pagpipilit na maganap ang nais ng isang tao ng walang pasintabi sa Diyos. Ang mga taong nagsusulong ng positibong pagpapahayag ay nagsasabi na ang ganitong pagsasanay ay paguulit lamang diumano ng mga pangako ng Diyos na ibinigay sa Bibliya. Ngunit hindi nila nakikita ang pagkakaiba sa pagitan ng mga pangkalahatang pangako ng Diyos (halimbawa ang Filipos 4:19) at ang mga personal na pangako na ibinigay sa partikular na indibidwal sa isang partikular na panahon para sa isang partikular na layunin (halimbawa ang Jeremias 29:11). Mali din ang kanilang pangunawa sa mga pangako ng Diyos para sa mga Kristiyano at hindi tinatanggap na ang plano ng Diyos para sa ating buhay ay maaaring hindi tugma sa ating sariling plano (Isaias 55:9). Ang isang walang pagaalala at perpektong buhay ay kabaliktaran ng sinasabi ni Jesus patungkol sa aktwal na magiging buhay ng isang tunay na Kristiyano – at sa naging buhay ng Kanyang mga naging tagasunod. Hindi ipinangako ni Jesus ang kasaganaan, sa halip ipinangako Niya ang kahirapan (Mateo 8:20). Hindi Niya ipinangako na ibibigay Niya ang lahat ng ating kagustuhan; sa halip ipinangako Niya na ibibigay Niya ang ating mga kailangan (Filipos 4:19). Hindi Niya ipinangako ang kapayapaan para sa ating pamilya; ipinangako Niya na magkakaroon ng mga problema sa isang pamilya dahil pipiliin ng ibang miyembro ng pamilya na sumunod sa Kanya samantalang tatanggi naman sa Kanya ang iba (Mateo 10:34-36). At hindi rin Niya ipinangako ang kalusugan. Sa halip ipinangako Niya na gaganapin Niya ang Kanyang plano sa atin sa kabila ng mga karamdaman at kahirapan at ang Kanyang biyaya ay sasaatin sa mga oras ng pagsubok (2 Corinto 12:7-10).
Ang isa pang isyu sa positibong pagpapahayag (positive confession) ay bagama't tumutukoy ang mga pagpapahayag sa mga bagay sa hinaharap, marami sa mga deklarasyon ng mga tagapagturo nito ang simpleng mga kasinungalingan. Totoong maganda ang pagsasabi ng pananampalataya sa Diyos at sa paniniwala sa kaligtasan sa pamamagitan ng paghahandog ng buhay ni Jesus. Ngunit ang pagsasabi na, "lagi akong sumusunod sa Diyos," o "ako ay mayaman," ay mapandaya at posibleng iba sa mismong kalooban ng Diyos na dapat nating panghawakan. Higit na nakakabahala ang positibong pagpapahayag para sa ibang tao. Binigyan ng Diyos ang bawat isa sa atin ng kalayaan na maglingkod o lumaban sa Kanya sa ating indibidwal na kaparaanan; ang pagaangkin nito para sa iba ay isang kahangalan.
Panghuli, napakalinaw ng sinasabi ng Bibliya na hindi mapapawalang bisa at mapipigilan ng mga negatibong kapahayagan o "negative confessions" ang mga pagpapala ng Diyos. Puno ang aklat ng Awit ng mga panaghoy sa Diyos para sa Kanyang pagliligtas at itinuturo sa atin sa Awit 55:22 at 1 Pedro 5:7 na sundan ang ganitong halimbawa. Kahit na ang Panginoong Jesu Cristo ay nanangis sa harapan ng Diyos Ama ng may malinaw na saloobin sa sitwasyong Kanyang kinakaharap at humingi Siya sa Kanya ng tulong (Mateo 26:39). Ang Diyos ng Bibliya ay hindi isang Santa Claus sa langit (Santiago 4:1-3). Siya ay isang mapagmahal na Ama na nakikialam sa buhay ng Kanyang mga anak – sa mabuti o pangit man na mga sitwasyon. Sa mga oras na nagpapakumbaba tayo at humihingi sa Kanya ng tulong, alinman sa dalawa: inililigtas Niya tayo sa mga pangit na sitwasyon o binibigyan Niya tayo ng lakas upang makapagtagumpay sa gitna ng mga iyon.
May halaga ba kahit paano ang postibong kapahayagan? Sa ibang paraan na walang kinalaman sa kaligtasan. Sa pangkalahatan, ang mga taong nagtitiwala na kaya nilang lutasin ang isang problema ay mas relaks at mas malikhain. Ang isang positibong pananaw ay napatunayang nakakapagpaunlad ng kalusugan. At ang masayahing tao ay laging may sapat na emosyonal na distansya sa pagitan nila at ng mga taong mapagmasid na maaaring magbigay daan sa isang matagumpay na negosyo o personal o transakyon. Bilang karagdagan, ang patuloy na pagbanggit sa mga layunin ay nagreresulta sa pagtutuon ng atensyon sa pagabot sa mga layuning iyon kaya nga ang laging nagiisip kung paano kikita ay mas malamang na kumilos para sila kumita.
Mas marami ang panganib ng positibong pagpapahayag kaysa sa mga benipisyo nito. Ang lahat na benipisyo na aming inilista ay sa isip at sa pisikal, hindi sa espiritwal. Ang tanging espiritwal na pakinabang kung gagamitin ito sa tamang paraan ay ang katotohanan na mas makikita ng tao ang pagkilos ng Diyos sa bawat sitwasyon – masama man o mabuti. Ngunit hindi madyik ang mga salita. Hindi natin dapat obligahin ang ating Ama sa Langit na ipagkaloob sa atin ang ating mga kagustuhan sa halip, humingi tayo sa Kanya ng kahabagan at magtiwala sa Kanya at kilalanin na ang Kanyang mga pagpapala ay hindi nakasalalay sa lakas ng ating pananampalataya kundi sa Kanyang plano at walang hanggang kapangyarihan.
English
Mayroon bang kapangyarihan ang positibong pagpapahayag (positive confession)?