Tanong
Ano ang postmillennialism?
Sagot
Ang postmillennialism ay isang interpretasyon sa Pahayag 20 kung saan isinasaysay na ang ikalawang pagparito ni Kristo ay magaganap pagkatapos ng ‘isanlibong taon,’ na isang ginintuang panahon ng pamamahala at kasaganaan para sa mga Kristiyano. Kabilang sa terminolohiyang ito ang iba pang parehong pananaw sa huling panahon at ito ay tumatayong kasalungat ng premillenialism (ang pananaw na magaganap ang ikalawang pagparito ni Kristo bago itatag ang isanlibong taon ng literal na paghahari ni Krsito sa lupa) at sa mas mabababang antas, sa amillenialism (walang literal na isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa).
Ang postmillennialism ay ang paniniwala na paparito si Kristo pagkatapos ng ilang yugto ng panahon, ngunit hindi kinakailangan ang isang literal na isanlibong taon. Hindi inuunawa ng mga nanghahawak sa ganitong pananaw ang mga hindi pa nagaganap na mga propesiya sa isang normal at literal na pamamaraan. Naniniwala sila na ang Pahayag 20:4-6 ay hindi dapat unawain sa literal na pamamaraan. Naniniwala sila na ang isanlibong taon ay nangangahulugan ng isang ‘mahabang yugto ng panahon.’ Bilang karagdagan, ang panlapi na ‘post’ o ‘pagkatapos’ sa postmillennialism ay nangangahulugan na paparito si Kristo pagkatapos na itatag ng mga Kristiyano (hindi ni Kristo mismo) ang kaharian ng Diyos dito sa lupa.
Ang mga nanghahawak sa pananaw na ito ay naniniwala na ang mundo ay magiging paganda ng paganda ang kalagayan - sa kabila ng mga salungat na mga pangyayari - at ang lahat ng bansa sa buong mundo ay magiging Kristiyano sa bandang huli. Pagkatapos na maganap ito, paparito na si Kristo. Gayunman, hindi ito ang pananaw na itinuturo ng Bibliya tungkol sa huling panahon. Sa aklat ng Pahayag, madaling mauunawaan na ang mundo ay magiging isang napakagulong lugar sa huling panahon. Inilarawan din ni Pablo sa 2 Timoteo 3:1-7 na ang mundo ay magiging napakagulo sa mga huling araw.
Gumagamit ang mga naniniwala sa postmillennialism ng isang hindi literal na pamamaraan ng interpretasyon sa mga hulang hindi pa nagaganap at naglalagay sila ng ibang kahulugan sa mga normal at literal na salita. Ang problema sa paglalagay ng ibang kahulugan sa mga salita maliban sa normal na kahulugan, ang tao ay maaaring magdesisyon kung ano ang gusto niyang ipakahulugan sa isang salita, parirala o pangungusap sa paraang gusto niya. Mawawala ang lahat ng pagiging obhektibo patungkol sa mga salita. Kung mawala ang tiyak na kahulugan ng mga salita, titigil ang komunikasyon. Nakikipag-ugnayan sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang nasulat na Salita na may tiyak na kahulugan, upang ang mga ideya at kaisipan ay maipahayag sa atin ng malinaw.
Tinatanggihan ng postmillennialism ang normal at literal na interpretasyon ng Kasulatan kasama ang mga hindi pa nagaganap na propesiya. May daan-daang halimbawa ng mga propesiya sa Kasulatan na naganap na. Halimbawa ang propesiya tungkol kay Kristo sa Lumang Tipan. Ang propesiyang ito ay literal na nagkaroon ng katuparan. Halimbawa, ang pagsilang kay Kristo ng isang birhen (Isaias 7:14; Mateo 1:23), ang Kanyang kamatayan para sa ating mga kasalanan (Isaias 53:4-9; 1 Pedro 2:24). Ang mga hulang ito ay literal na naganap at ito ay sapat ng dahilan upang paniwalaan na patuloy na tutuparin ng Diyos ang kanyang mga pangako sa Kanyang mga Salita. Nabigo ang postmilleniasm dahil sa inuunawa nito ang mga propesiya sa kanyang sariling palagay at pinaniniwalaan na ang isanlibong taon ay itatayo ng iglesia hindi ni Hesu Kristo mismo.
English
Ano ang postmillennialism?