Tanong
Ano ang mga panganib ng postmodernism?
Sagot
Sa simpleng paglalarawan, ang postmodernism ay isang pilosopiya na nagpapatibay na walang obhektibo o ganap na katotohanan, lalo na sa mga usapin ng relihiyon at espiritwalidad. Pagdating sa katotohanan ng mga pahayag patungkol sa katotohanan ng Diyos at mga katuruang panrelihiyon, ang pananaw ng postmodernism ay makikilala sa pahayag na “maaaring totoo iyan sa iyo, ngunit hindi para sa akin.” Habang ang ganitong tugon ay maaaring maging ganap na naaangkop kapag tinatalakay ang paboritong pagkain o mga kagustuhan hinggil sa sining, ang ganitong kaisipan ay mapanganib kapag inilapat sa katotohanan dahil nililito nito ang mga opinyon hinggil sa mga usapin ng katotohanan.
Ang terminong postmodernism ay literal na nangangahulugang “pagkatapos ng makabagong panahon” at ginagamit upang ilarawan sa pilosopikal na paraan ang kasalukuyang panahon na dumating pagkatapos ng makabagong panahon. Ang postmodernism ay isang reaksyon (o marahil mas naangkop, isang mapanlinlang na tugon) sa nabigong pangako nito para sa ikabubuti ng sangkatauhan at lumikha ng mas magandang mundo gamit ang isang makataong pangangatwiran. Dahil sa makabagong paniniwala na walang nagiisang ganap na katotohanan, layunin ng postmodernism na ‘gawing tama’ ang mga bagay sa pamamagitan unang-una ng pagtanggi sa ganap na katotohanan at sa pagimbento ng mga bagay (kabilang ang agham at relihiyon) na may kaugnayan sa mga paniniwala at sa mga hinahangad ng isang indibidwal.
Ang panganib ng postmodernism ay maaaring tingnan tulad sa pagbulusok pababa na nagsisimula sa pagtanggi sa isang ganap na katotohanan, na pagkatapos ay humahantong sa pagkawala ng pagkakakilanlan sa mga usapin ng relihiyon at pananampalataya at nagtatapos sa isang pilosopiya ng relihiyong pluralismo na nagsasabing walang pananampalataya o relihiyon na talagang totoo at samakatwid, walang sinuman ang maaaring magpahayag na ang kanyang relihiyon ay totoo at ang iba ay hindi.
Mga panganib ng postmodernism #1 – Mga Relatibong Katotohanan
Ang paninindigan ng postmodernism sa relatibong katotohanan ay ang bunga ng mga kaisipang pampilosopiya ng maraming henerasyon. Mula kay Augustine hanggang sa panahon ng repormasyon, ang mga intelektwal na aspeto ng Kanlurang sibilisasyon at ang konsepto ng katotohanan ay pinangunahan ng mga teologo. Ngunit sa simula ng Renaissance, sa ika-14 hanggang ika-17 siglo, ang mga taong nag-iisip ay nagsimulang itaas ang sangkatauhan sa sentro ng realidad. Kung ang isang tao ay titingin sa mga panahon ng kasaysayan tulad ng puno ng isang pamilya, ang Renaissance ang lola ng makabagong panahon at ang Enlightenment (Kaliwanagan) ang ina nito. Ang pahayag ni Renee Descartes na “I think, therefore I am” (“Ako ay nag-iisip, samakatuwid ako ay kung ano ang aking iniisip”) ay naghudyat sa pagsisimula sa panahon ng post modernism. Hindi na ang Diyos ang sentro ng katotohanan kundi ang tao na.
Ang Enlightenment, ay ang kumpletong pag-atang ng pang-agham na pangangatwiran sa lahat ng aspeto ng katotohanan. Ipinahayag nito na ang tanging ang datos lamang mula sa siyensya ang maaaring maunawaan ng tama, mailalarawan, at maipaglalaban. Ang katotohanan tungkol sa relihiyon ay iwinawaksi. Ang pilosopo na nag-ambag sa ideya ng relatibong katotohanan ay ang tubong Prussia na si Immanuel Kant at ipinahayag niya ito sa kanyang aklat na ‘The Critique of Pure Reason’ (‘Ang Puna ng Purong Pangangatwiran’), na nalimbag noong 1781. Ipinaglaban ni Kant na imposibleng magkaroon ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, kung kaya lumikha siya ng pagbabahagi ng kaalaman sa pagitan ng ‘katotohanan’ at ‘pananampalataya.’ Ayon kay Kant, “walang kinalaman ang katotohanan sa relihiyon.” Ang resulta ay mga espiritwal na bagay na itinalaga sa larangan ng opinyon, at tanging ang siyensya ang pinahihintulutang magpahayag ng katotohanan. Habang ang makabagong panahon ay naniniwala sa maraming katotohanan ng agham, ang espesyal na kapahayagan ng Diyos sa Kanyang sarili (ang Bibliya) ay nagawa mula sa katotohanan at katiyakan.
Mula sa makabagong panahon ay dumating ang postmodernism at ang mga ideya ni Frederick Nietzsche. Bilang patrong santo ng pilosopiyang postmodernist, nanindigan si Nietzsche sa “perspectivism,” na nagsasaysay na ang lahat ng kaalaman (kabilang ang agham) ay isang bagay ng pananaw at interpretasyon. Maraming iba pang mga pilosopo ang bumuo ng kaisipan mula sa likha ni Nietzsche (tulad nina Foucault, Rorty, at Lyotard) at nagbahagi ng kanilang pagtanggi sa Diyos at sa relihiyon sa pangkalahatan. Tinanggihan din nila ang anumang mga pahiwatig ng ganap na katotohanan, o katulad ng paglalarawan ni Lyotard, isang pagtanggi sa meta-narrative (isang katotohanan na lampas sa lahat ng tao at kultura).
Ang digmaang ito sa pilosopiya ay laban sa katotohanan na resulta ng ganap na pagtutol ng postmodernism sa nagiisang katotohanan. Ang ganitong kaisipan ay natural na tumatanggi sa anumang bagay na itinuturing na isang tiyak na katotohanan, tulad ng Bibliya.
Mga panganib ng postmodernism #2 – Ang kawalan ng pagkilala
Ang dakilang teologo na si Thomas Aquinas ay nagpahayag, “Gawain ng mga pilosopo na gumawa ng pagkakakilanlan.” Ipinagpapalagay ni Aquinas na ang katotohanan ay nakasalalay sa kakayahan na makakilala - ang kakayahan upang kilalanin ang ‘ito’ mula sa ‘iyan’ sa larangan ng kaalaman. Gayunman, kung ang obhektibo at tiyak na katotohanan ay hindi umiiral, ang lahat ng bagay ay nagiging isang bagay ng mga personal na interpretasyon. Sa isang taong may pag-iisip na postmodern, hindi nagtataglay ang may-akda ng isang libro ng tamang interpretasyon sa kanyang isinulat; sa halip ang tagabasa ang aktwal na tumutukoy kung ano ang ibig sabihin ng aklat - isang proseso na tinatawag na dekonstruksyonismo (deconstructionism), kaya’t maraming mga mambabasa ang natural na may maraming wastong interpretasyon o paliwanag kaysa sa mismong manunulat.
Ang magulong sitwasyon na katulad nito ay ginagawang imposible ang paggawa ng mga makahulugang pagtatangi sa larangan ng interpretasyon dahil walang pamantayan na maaaring gamitin. Ito ay espesyal na mailalapat sa mga usapin ng pananampalataya at relihiyon. Ang pagsubok na sa paggawa ng tama at makabuluhang pagtatangi sa nasasakop ng relihiyon ay walang kahulugan kaysa sa argumento na ang tsokolate ay mas masarap kaysa sa banilya. Ang postmodernism ay nagsasabi na imposibleng patas na humusga sa pagitan ng mga magkakasalungat ng pahayag ng katotohanan.
Mga panganib ng postmodernism #3 – Pluralismo
Kung hindi umiiral ang ganap at tiyak na katotohanan, at kung walang paraan upang gumawa ng makahulugan, tama at maling pagtatangi sa pagitan ng iba't ibang mga relihiyon at paniniwala, kung gayon ang natural na konklusyon ay dapat ituring na pantay at totoo ang lahat ng mga paniniwala. Ang tamang termino para sa praktikal na bunga ng postmodernism ay ‘pilosopiya ng pluralismo.’ Sa pluralismo, walang relihiyon ang may karapatan na ipahayag ang sarili nito bilang totoo at ang iba pang katunggaling pananampalataya ay mali o mas mababa kaysa sa kanya.
Para sa mga taong yumayakap sa pluralismo at relihiyon, wala ng maling pananampalataya, maliban marahil sa pananaw na may mga maling sekta. Binigyang diin ni D.A. Carson kung ano ang nakikita nityang panganib ng pluralismo sa mga konserbatibong ebangheliko na nagkakainteres dito: “Sa aking pananaw, iniisip ko na ang pluralismo ang pinakamapanganib na banta sa Ebanghelyo mula sa maling pananampalataya ng mga gnostiko noong ikalawang siglo.”
Ang mga progresibong panganib ng postmodernism - relatibong katotohanan, pagkawala ng pag-kilala sa katotohanan, at pluralismo – ay kumakatawan sa mga mapanganib na banta sa Kristiyanismo dahil ang mga ito ay sama-samang pinawawalang halaga ang Salita ng Diyos bilang isang bagay na walang ganap na kapangyarihan sa sangkatauhan at walang kakayahan na ipakita ang sarili nito bilang totoo sa isang mundo ng nagtutunggaling mga relihiyon. Ano ang tugon ng Kristiyanismo sa mga hamong ito?
Ang Tugon sa mga Panganib ng postmodernism
Ipinahahayag ng Kristiyanismo na ang mga katuruan nito ay tiyak at ganap na katotohanan. Ang makabuluhang pagaangking ito sa mga usapin ng tama/mali (pati na rin sa espiritwal na katotohanan at kasinungalingan) ay umiiral, at ang pagiging tama sa pahayag nito tungkol sa Diyos at ang alinmang salungat na pahayag mula sa mga katunggaling relihiyon ay mali. Ang nasabing paninindigan ay tinitingnan ng mga postmodernists na ‘kayabangan’ at ‘pagtutol.’ Gayunman, ang katotohanan ay hindi isang bagay ng saloobin o pansariling kagustuhan at kung susuriing mabuti, ang pundasyon ng postmodernism ay nakapabuway at madaling guguho at magpapakita na ang mga pahayag ng Kristiyanism ang kapani-paniwala.
Una, pinahahayag ng Kristiyanismo na umiiral ang isang ganap na katotohanan. Sa katunayan, partikular na sinabi ni Hesus na Siya ay ipinadala upang gawin ang isang bagay: “upang magsalita tungkol sa katotohanan” (Juan 18:37). Ayon sa postmodernism, walang katotohanan ang dapat patunayan, gayunman hindi maipaglalaban ng posisyong ito ang kanyang sarili dahil ito mismo ay nagpapatunay na mayroong isang ganap na katotohanan: na walang katotohanan ang maaaring patunayan. Nangangahulugan ito na ang postmodernism ay naniniwala sa tiyak at ganap na katotohanan ayon sa kanyang pagpapalagay. Ang mga pilosopo nito ay sumulat ng mga aklat na nagpapahayag na inaasahan nila ang kanilang mga mambabasa na yakapin ang katotohanang gusto nilang iparating. Sa simpleng paliwanag, ayon sa isang propesor, “Kapag sinabi ng isang tao na walang bagay na totoo, siya ay humihiling sa iyo na maniwala sa kanya. Kaya huwag kang maniniwala.”
Pangalawa, ipinahahayag ng Kristiyanismo ang makabuluhang pagtatangi sa pagitan ng pananampalatayang Kristiyano at lahat ng iba pang mga paniniwala. Dapat maunawaan na ang mga naghahayag na ang nagiisang katotohanan ay hindi umiiral ay nagtatangi. Ang mga ito ay sumusubok na magpakita ng pagkakaiba sa kung ano pinaniniwalaan nilang totoo at ang mga totoong pahayag ng Kristiyanismo. Inaasahan ng mga manunulat na postmodernists ang kanilang mga mambabasa na lumikha ng tamang konklusyon tungkol sa kung ano ang kanilang isinulat na mag-wawasto sa mga taong nagbibigay kahulugan sa kanilang mga gawa ng taliwas sa kanilang nilalayon. Muli, ang kanilang mga posisyon at pilosopiya ay nagpapatunay na mismong ang kanilang sarili ay hindi makapagpapatunay dahil sabik silang gumawa ng pagtatangi sa pagitan ng kung ano ang pinaniniwalaan nilang tama at kung ano ang nakikita nilang mali.
Sa huli, ipinahahayag ng Kristiyanismo ang kanyang sarili bilang isang pangkalahatang katotohanan sa mga sinasabi nito patungkol sa masamang kalikasan ng tao sa harap ng Diyos, ang paghahandog ni Kristo bilang kabayaran sa kasalanan ng sangkatauhan, at ang paghihiwalay sa pagitan ng Diyos at sa sinuman na pinipili ang hindi pagtanggap kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa kasalanan at ang pagtanggi sa pangangailangan ng pagsisisi. Nang makipagdebate si Pablo sa mga pilosopong Stoic at Epicurean sa Mars Hill, kanyang sinabi, “Mahabang panahong di pinansin ng Diyos ang di pagkilala sa kanya ng mga tao, ngunit ngayo’y iniuutos niya na magsisi sila’t talikdan ang kanilang masamang pamumuhay” (Gawa 17:30). Ang pahayag ni Pablo ay hindi “totoo ito para sa akin, ngunit maaaring hindi ito totoo para sa iyo.” Sa halip, ito ay isang eksklusibo at pangkalahatang kautusan (o isang meta-narrative) mula sa Diyos para sa lahat ng tao. Ang sinumang postmodernist na nagsasabing mali si Pablo ay gumagawa ng isang pagkakamali laban sa kanyang sariling pilosopiyang pluralistiko na nagsasabing walang maling pananampalataya o maling relihiyon. Muli, ang postmodernism ay lumalabag sa kanyang sariling pananaw na ang lahat ng relihiyon ay magkakapantay at totoo.
Hindi pagmamataas para sa isang guro ng Matematika na igiit na ang 2 + 2 = 4 o para igiit ng isang panday-susi na isang susi lamang ang makakapagbukas sa isang nakakandadong pinto. Hindi rin pagmamataas para sa mga Kristiyano na manindigan laban sa kaisipang postmodernist at igiit na ang Kristiyanismo lamang ang totoo at lahat ng relihiyon na lumalaban dito ay mali. Ang isang ganap na katotohanan ay umiiral, at may paglalagyan ang naniniwala sa mali. Habang ang pluralismo ay maaaring maging kanais-nais sa mga usapin tungkol sa kagustuhan sa pagkain, ito ay hindi kapaki-pakinabang sa mga usapin tungkol sa katotohanan. Dapat magpahayag ng katotohanan ng Diyos ang mga Kristiyano sa diwa ng pag-ibig at dapat itanong sa sinumang postmodernist na nagagalit sa eksklusibong pahayag ng Kristiyanismo, “At ngayon, ituturing ba ninyo akong kaaway dahil sa sinasabi ko ang katotohanan?” (Galacia 4:16).
English
Ano ang mga panganib ng postmodernism?