Tanong
Ano ang praktikal na teolohiya?
Sagot
Gaya ng ipinahihiwatig ng terminolohiya, ang praktikal na teolohiya ay “ang pagaaral ng teolohiya sa isang paraan na ang intensyon ay maging kagamit-gamit at maisasapamuhay ang kaalaman tungkol sa Diyos.” Ang isa pang kahulugan ng terminolohiya ay “ang pagaaral ng teolohiya upang magamit ito at mailapat sa pang araw-araw na pagkabalisa.” Inilarawan ng isang seminaryo ang programa nito sa praktikal na teolohiya sa ganitong paraan: "pagiging dedikado sa praktikal na pagsasapamuhay ng mga kaalaman sa teolohiya” at “kinapapalooban sa pangkalahatan ng iba pang mga disiplina sa teolohiya gaya ng pagpapastor, pangangaral ng Salita ng Diyos, edukasyong Kristiyano at iba pa.” May isa pang seminaryo na nagsasabi na ang layunin ng praktikal na teolohiya ay “pagtulong sa paghahanda sa mga estudyante na magamit ang kanilang natututunan para sa epektibong paglilingkod.” Kinapapalooban ang pagsasakatuparan nito sa personal na buhay at buhay pamilya gayundin sa pangunguna at pagtuturo sa mga mananampalataya. Sinasabi nila na ang layunin ng praktikal na teolohiya ay ang pagpapaunlad sa mga magaaral upang maging mga epektibong tagapangaral ng Kasulatan na may pangitain para sa espiritwal na paglago ng mga mananampalataya habang nanatiling isang lingkod na tagapanguna.
May ilan na itinuturing ang praktikal na teolohiya na isang simpleng teknikal na terminolohiya para sa doktrina ng pamumuhay Kristiyano. Binibigyang diin nito ang mga paraan kung paanong dapat na makaapekto ang katuruan ng Kasulatan sa ating pamumuhay sa kasalukuyang mundo. Binibigyang diin ng praktikal na teolohiya, hindi lamang ang simpleng pangunawa sa mga doktrina sa teolohiya, kundi maging ang paglalapat ng mga doktrinang ito sa pang araw-araw na pamumuhay Kristiyano upang “makapagambag tayo sa mundo gaya ng inaasahan sa atin ng Diyos.”
Ang kaisipan sa likod ng programa ng praktikal na teolohiya ay maihanda ang mga lider Kristiyano hindi lamang upang magkaroon ng kaalaman sa teolohiya kundi maging ng kinakailangang propesyonal na kakayahan na makapagministeryo ng epektibo sa kasalukuyang panahon. Kadalasan, ginagamit sa programa ang pangangaral, edukasyong Kristiyano, Kristiyanong pagpapayo, at mga programang klinikal upang makapagbigay ng pagkakataon na sanayin at ihanda ang mga magiging Kristiyanong tagapanguna sa hinaharap. English
Ano ang praktikal na teolohiya?