Tanong
Ano ang kaligtasan sa pamamagitan ng paghirang ng Diyos o predestination? Naaayon ba ito sa Bibliya?
Sagot
Sinasabi sa atin sa Roma 8: 29-30, “Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang sa kanya; ang mga ito'y itinalaga niyang maging tulad ng kanyang Anak, at sa gayon, naging panganay natin siya. At ang mga itinalaga niya noong una pa ay kanyang tinawag. Ang mga tinawag niya ay kanya ring pinawalang-sala, at ang kanyang mga pinawalang-sala ay kanya namang binigyan ng karangalan.”
Sinasabi rin sa Efeso 1:5, 6 at 11, "Tayo'y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!” “At dahil kay Cristo, kami'y naging bayan ng Diyos na nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa kanyang panukala at kalooban. Nangyari ito nang kami'y hirangin niya noon pang una." Maraming tao ang nagagalit sa doktrina ng predestination. Gayon man, ang predestination ay isang Biblikal na katuruan. Ang susi upang huwag magalit sa doktrinang ito ay kailangang unawain kung ano ang ibig sabihin nito ayon sa Bibliya.
Ang salitang isinalin sa salitang ‘predestined’ o ‘itinalaga’ sa Kasulatan ay mula sa salitang Griyego na ‘proorizo,’ na nangangahulugang ‘ginawa na noon pa man,’ ‘itinakda,’ o ‘napagdesisyunan na bago pa man nangyari.’ Kaya nga, ang predestination ay ang pagtatalaga ng Diyos sa isang partikular na bagay bago pa man iyon mangyari. Ano ba ang itinalaga na ng Diyos noon pa man? Ayon sa Roma 8: 29-30, itinalaga na ng Diyos na ang mga partikular na tao na magiging katulad ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo at tinawag Niya sila, pinaging matuwid, at niluwalhati. Ang Diyos ang nagtalaga kung sino ang maliligtas. Maraming mga talata sa Bibliya ang tumutukoy sa katotohanan na ang isang mananampalataya kay Kristo ay pinili ng Diyos (Mateo 24:22, 31; Marcos 13:20, 27; Roma 8:33; 9:11; 11:5-7,28; Efeso 1:11; Colosas 3:12; 1 Tesalonica 1:4; 1 Timoteo 5:21; 2 Timoteo 2:10; Tito 1:1; 1 Pedro 1:1-2; 2:9; 2 Pedro 1:10). Ang predestination ay isang doktrina na naaayon sa Bibliya at nangangahulugan na ang Diyos sa Kanyang Kadakilaan at mayamang kalooban ay pumili kung sino ang maliligtas.
Ang pinaka-karaniwang dahilan sa pagtutol sa doktrinang ito ng predestination ay hindi umano ito makatarungan. Bakit pipiliin lang ng Diyos ang ibang tao habang ang iba ay hindi? Ang pinakamahalagang bagay na sinasabi sa Bibliya kaugnay ng doktrinang ito ay walang sinuman ang karapatdapat na maligtas. Lahat tayo ay nagkasala (Roma 3:23) at nararapat lamang sa walang hanggang kaparusahan (Roma 6:23). Dahil dito, matuwid lamang para sa Diyos na hayaan tayong pagdusahan ang ating mga kasalanan sa impiyerno. Gayon man, pinili ng Diyos na iligtas ang ilan sa mga taong makasalanan sa mundo. Hindi maaaring sabihin na ang Diyos ay hindi makatarungan sa mga taong hindi niya piniling iligtas sapagkat tinatanggap lamang nila ang talagang nararapat para sa kanila. Hindi dahil mahabagin ang Diyos ay nangahuhulugang hindi na Siya makatarungan. Walang sinuman ang nararapat na tumanggap ng anuman mula sa Diyos - samakatuwid walang sinuman ang maaaring magreklamo kung hindi sila makatanggap ng anuman mula sa Diyos. Isang halimbawa, pinili kong bigyan ng pera ang limang pulubi mula sa dalawampung pulubi. May karapatan bang magreklamo ang labinlimang pulubi na hindi nakatanggap sa akin ng pera? Maaari. Ngunit may karapatan ba silang magreklamo? Wala. Bakit? Sapagkat, wala akong utang sa isa man sa kanila. Mas pinili ko lang na magbigay sa ilan sa kanila.
Kung ang Diyos ang pumipili kung sino ang Kanyang ililigtas, hindi ba nito sinasalungat ang kalayaan ng taong pumili at manampalataya kay Kristo? Sinasabi sa Bibliya na mayroong kalayaan ang taong pumili - ang tanging gagawin lamang niya ay manampalataya kay Hesu Kristo at siya ay maliligtas (Juan 3:16; Roma 10:9-10). Ngunit ang problema, wala siyang kakayahan na piliin ang Diyos dahil Siya'y hindi nakakaunawa, hindi naghahahap at hindi umiibig sa Diyos. Hindi kailanman sinabi sa Bibliya na binabalewala ng Diyos ang sinumang sasampalataya sa Kanya o lumalayo Siya sa mga nagsisihanap sa Kanya (Deuteronomio 4:29). Ngunit ang katotohanan, walang humahanap, walang nakakaunawa, walang matuwid sa paningin ng Diyos, wala kahit isa (Roma 3:10, 11). Malibang buhayin ng Diyos ang tao sa espiritu, hindi niya kayang piliin ang Diyos. Ang kaya lamang niyang piliin ay ang gumawa ng maraming masama at kaunting masama dahil masama ang kanyang kalikasan. Ang pagpili ng Diyos sa tao ay gumagawa kaalinsabay ng kanyang pagtawag (Juan 6:44) at pagtanggap ng kaligtasan (Roma 1:16) ng Kanyang mga pinili. Pinagpasyahan na ng Diyos bago pa lalangin ang sanlibutan kung sino ang Kanyang ililigtas, at ang makakaranas lamang nito ay ang mga sasampalataya kay Kristo. Ang dalawang katotohanang ito ay kapwa totoo. Mayroon siyang pinili at ang pinili Niya ay kanyang tatawagin, magsisisi at mananampalataya. Ipinahayag sa Roma 11:33, "Oh kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! oh di matingkalang mga hatol Niya, at hindi malirip na Kaniyang mga daan!"
English
Ano ang kaligtasan sa pamamagitan ng paghirang ng Diyos o predestination? Naaayon ba ito sa Bibliya?