settings icon
share icon
Tanong

Ano ang premillennialism?

Sagot


Ang premillennialism ay ang paniniwala na ang muling pagparito ni Kristo ay magaganap bago ang pagtatatag ng isanlibong taon ng paghahari ni Hesus sa mundo. Upang maunawaan ang mga talata sa Bibliya na tumutukoy sa mga pangyayari sa katapusan ng sanlibutan, dalawang bagay ang kinakailangan: (1) Una, ang tamang paraan sa pagunawa ng Kasulatan, at (2) ikalawa, ang pagkakaiba sa pagitan ng bansang Israel (mga Hudyo) at ng Iglesia (mga hindi Hudyong sumasampalataya kay Hesu Kristo).

Una, ang tamang paraan sa pangunawa sa mga talata sa Banal na Kasulatan ay nangangailangan ng pangunawa sa kontekstong kinapapalooban nito. Kailangan na ang isang talata ay intindihin sa pananaw ng sumulat at ng mga orihinal na sinulatan, panahon kung kailan isinulat at ano ang kalagayan ng mga sinulatan ng panahong isinulat ito. Napakahalagang malaman kung sino ang sumulat, kung anong grupo ng tao ang sinusulatan at ang kalagayan sa pulitika, kultura at heograpiya ng isulat ang isang aklat. Kung minsan ang kasaysayan at kultura ang siyang naghahayag ng tamang kahulugan ng mga talata. Mahalaga ring tandaan na ang Kasulatan ang dapat na nagpapaliwanag sa kanyang sarili. Kung minsan ang isang talata ay ipinapaliwanag ng ibang mga talata ng Bibliya. Ang mga talata sa Biblia ay kadalasang may kaugnayan sa bawat isa lalo na yaong magkakasama sa isang kabanata o isang aklat.

Ang pinakamahalaga, nararapat lamang na ang mga talata ay tanggapin sa kanilang normal at literal na kahulugan kung ang konteksto ng talata ay hindi nagpapahiwatig na ito ay isang figure of speech o pigura ng pananalita. May posibilidad na ang isang literal na kahulugan ay ipaliwanag sa isang malikhaing paglalarawan ngunit nararapat na hindi intindihin ang isang talata ayon paglalarawan kung hindi ito naaayon sa konteksto ng talata. Hindi dapat na maghanap ng ‘mas malalim’ o ‘mas espiritwal’ na pakahulugan kaysa sa kung ano ang malinaw na sinasabi ng talata. Ito ay isang delikadong bagay, sapagkat kung mangyari ito, ang nagiging basehan ng interpretasyon ay ang sariling isipan ng bumabasa hindi ang Kasulatan. Kung ganitong pamamaraan ang gagamitin sa pag unawa sa Bibliya, walang magiging pamantayan sa tamang pagpapakahulugan ng Bibliya sa halip, ang Kasulatan ay magiging ayon lamang sa impresyon ng bawat tao at kung ano ang kahulugan nito para sa kanya. Ipinapaalala sa atin sa 2 Pedro 1: 20-21, "Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag. Sapagka't hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Diyos, na nangaudyokan ng Espiritu Santo."

Kung susundin ang prinsipyong ito ng Interpretasyon sa Bibliya, nararapat lamang na tingnan na ang Israel (mga taong galing sa lipi ni Abraham) at ang Iglesia (lahat ng mga mananampalataya mula sa ibang mga lahi) ay dalawang magkaibang grupo. Dapat na maunawaan na ang Israel at ang Iglesia ay magkaiba dahil kung hindi, maaaring magkamali sa pagunawa sa Kasulatan lalo na ang mga talatang tumutukoy sa mga pangako ng Diyos para sa Israel (ang mga natupad na at hindi pa natutupad). Malaki ang posibilidad na hindi ito mauunawaan ng maayos at mali ang interpretasyon kung ang isang tao ay magtangkang ilapat ang pangako ng Diyos sa Israel para sa Iglesia o ang kabaliktaran nito. Tandaan, ang konteksto ng talata ay ang basehan kung kanino ito tumutukoy, at siyang magbibigay ng tamang kahulugan sa talata.

Gamit ang tamang pamamaraan ng pangunawa sa mga talata ng Bibliya gaya ng ipinaliwanag sa itaas, titingnan natin ang ilang mga talata sa Bibliya na tumutukoy sa Premillenial view. Umpisahan natin sa Genesis, sa Kabanata 12 talata 1-3. Mababasa natin, "Sinabi ni Yahweh kay Abram: "Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo. Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin kong isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at mababantog ang iyong pangalan at magiging pagpapala sa marami. Ang sa iyo'y magpapala ay aking pagpapalain, Ngunit kapag sinumpa ka, sila'y aking susumpain; Ang lahat ng mga bansa pihong ako'y hihimukin, na, tulad mong pinagpala, sila ay pagpalain din."

Ipinangako ng Diyos kay Abraham ang tatlong bagay: magkakaroon siya ng maraming anak at apo at gagawin Siyang isang malaking bansa, at ang lahat ng mga bansa sa buong mundo ay pagpapalain dahil sa kanya. Sa Genesis 15: 9-17, pinagtibay ng Diyos ang Kanyang pangako kay Abraham. Nakatitiyak tayo na gaganapin ng Diyos ang kanyang pangako dahil Siya ay tapat at hindi nagbabago. Ang katuparan ng pangako ng Diyos ay hindi sa sariling lakas ni Abraham. Maging si Abraham ay hindi kayang baliin ang pangakong iyon. Sa talata ring ito, ang mga hangganan ng lupain na nakatakdang sakupin ng mga hudyo ay ipinahayag na. Para sa detalyadong listahan ng mga nasabing hangganan, tingnan ang Deuteronomio 34. Ang iba pang mga talata na tumutukoy sa lupang pangako ay ang mga sumusunod: Deuteronomio 30:3-5 at Ezekiel 20:42-44.

Ang 2 Samuel 7 ay tumutukoy sa paghahari ni Kristo sa loob ng isanlibong taon. Nakatala rin sa 2 Samuel 7:11-17 ang pangako ng Diyos kay Haring David. Ipinangako ng Diyos kay David na magkakaroon siya ng mga anak, at mula sa kanyang lipi ay itatatag ng Diyos ang Kanyang walang hanggang Kaharian. Ito ay tumutukoy sa pamumuno ni Kristo na maguumpisa sa panahon ng millennium at mananatili magpakailan pa man sa Bagong Langit at Bagong Lupa. Napakahalagang tandaan na ang pangako ng Diyos ay literal na matutupad at tiyak na mangyayari. Ang ilan ay naniniwala na ang paghahari ni Solomon ay ang literal na katuparan ng pangakong ito, subalit may problema sa ganitong paniniwala: ang teritoryong pinagharian ni Solomon noon ay hindi na sakop ng Israel sa ngayon! Ipinangako ng Diyos kay Abraham na ang kanyang lipi ang magmamay-ari ng lupain magpakailan pa man at hindi pa ito nangyayari. Sinasabi rin sa 2 Samuel na ang Diyos ang maglalagay ng Hari na ang paghahari ay walang hanggan. Samakatuwid, si Solomon ay hindi ang katuparan ng pangako ng Diyos kay David sapagkat hindi magpakailanman ang paghahari ni Solomon at maging ang mga haring sumunod sa kanya na nagmula rin sa lipi ni Haring David. Ang pangakong ito ay nakatakda pang maganap at si Hesus ang katuparan nito kaya nga ipinakilala ni Mateo na si Hesus ay ang haring galing sa lahi ni David.

Binabanggit sa Pahayag 20: 1-7 ang tungkol sa isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa. "Pagkaraan ay nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, hawak ang isang malaking kadena at ang susi ng banging walang hangganan ang lalim. Sinunggaban niya ang dragon, ang ahas noong unang panahon na siya ring Diyablo at Satanas, at ginapos ito sa loob ng sanlibong taon. At inihagis ito ng anghel sa banging walang hangganan ang lalim, saka sinarhan at tinatakan ang pinto nito upang hindi siya makalabas at makapandaya pa sa mga bansa hanggang di natatapos ang sanlibong taon. Pagkatapos noo'y palalayain siya sa loob ng maikling panahon. Nakakita ako ng mga trono at ang mga nakaluklok doon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang kaluluwa ng mga pinugutan dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at paghahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw o sa larawan nito ni tumanggap man ng tatak ng halimaw sa kanilang noo o kamay. Binuhay sila upang magharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong taon. v5Ito ang unang pagbuhay sa mga patay. Bubuhayin ang iba pang mga patay pagkaraan ng sanlibong taon. Mapalad at pinagpalang lubos ang mga nakasama sa unang pagbuhay sa mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang pangalawang kamatayan; sila'y magiging mga saserdote ng Diyos at ng Mesias, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong taon. Pagkatapos ng 1,000 taon palalayain si Satanas."

Ang salitang ‘isanlibong taon’ ay paulit-ulit na binanggit sa Pahayag 20:1-7 bilang pagsang-ayon sa literal na isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa buong sanlibutan. Dapat nating tanggapin na ang pangako ng Diyos kay haring David patungkol sa isang hari na magmumula sa Kanyang lipi ay literal na matutupad. Tinitingnan ng premillenialism ang mga talatang ito sa Pahayag na isang perpektong paglalarawan sa katuparan ng pangako para sa literal na paghahari ni Kristo sa trono ni David. Ang Diyos ang gumawa ng kasunduan kina Abraham at David at ang dalawang kasunduang ito ay hindi pa nagaganap lahat sa kasaysayan. Ang literal na paghahari ni Kristo ay ang katuparan ng lahat na ipinangako ng Diyos kay Abraham at Haring David.

Ang paglalapat ng literal na interpretasyon sa Kasulatan lalo na sa isanlibong taon ng paghahari ni Kristo ay siyang bubuo sa mga bahagi ng puzzle. Ang lahat ng mga hula sa Lumang Tipan tungkol sa unang pagparito ni Hesus ay literal na natupad. Samakatuwid, nararapat lamang na umasa tayong ang mga hula tungkol sa Kanyang muling pagparito ay literal din na matutupad. Ang premillenialism ang tanging sistema na sumasangayon sa literal na interpretasyon ng mga pangako ng Diyos at ng mga hula sa katapusan ng panahon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang premillennialism?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries