settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng karanasan ng presensya ng Diyos?

Sagot


Naranasan nina Adan at Eba ang maging malapit sa presensya ng Diyos bago sila magkasala (Genesis 3:8). Pagkatapos nilang magkasala, napigilan sila ng kasalanan na pisikal na mapalapit sa presensya ng Diyos (Exodo 33:20). Ngayon, tanging ang mga banal at walang kasalanang anghel lamang ang pisikal na nakalalapit sa presensya ng Diyos (Lukas 1:19). Ngunit nararanasan ngayon ng mga Kristiyano ang presensya ng Diyos sa pamamagitan ng pananahan ng Banal na Espiritu (Juan 14:23; 15:4), at ang pananahan ng presensya ng Banal na Espiritu ay nararanasan sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo.

Lagi nating nararanasan ang realidad ng presensyang ito ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng ating pagsunod sa Kanyang Salita. “Datapuwa't kayo'y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan” (1 Pedro 2:9). Pansinin na sinabi ni Pedro na tayo ay “lahing hinirang, bayang pagaari ng Diyos.” Kung tayo ay sa Kanya, hindi ba’t Siya ay sa atin? Hindi natin maiwawala ang presensya ng Diyos, kahit anong lalim ng ating pagbagsak; at hindi natin maiwawala ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng kasalanan dahil iingatan tayo ng Diyos laban sa pagkakasala; hindi tayo lulubog ng napakalalim na mapaglalaho natin ang Banal na Espiritu. Maaaring magalit sa atin ang Diyos dahil sa ating kasalanan, ngunit hindi maiwawala ng mga tunay na mananampalataya ang presensya ng Banal na Espiritu. Bagama’t hindi natin maiwawala ang realidad ng presensya ng Diyos sa atin, maaaring mawala ang ating pandama sa Kanyang presensya.

Ang bawat anak ng Diyos ay walang pagsalang dumadaan sa pakiramdam ng kawalan ng presensya ng Diyos sa tuwi –tuwina. Ngunit gaya ng isang may ari ng bahay na umaalis upang magnegosyo sa ibang lugar, hindi niya iniiwan ang kanyang bahay na walang laman dahil hindi niya dadalhin ang lahat ng kanyang ari-arian. Dahil iniwan niya ang lahat ng kanyang ari-arian sa kanyang bahay, hindi ba’t nangangahulugan iyon na muli siyang babalik? Maraming mananampalataya ang nakaranas ng espiritwal na panlalamig sa mga panahong sinusubok ng Diyos ang kanilang pananampalataya. Hindi ba’t pinadadaan Niya tayo sa apoy ng pagdurusa upang maging mas dalisay tayo (Job 23:10; 1 Pedro1:7)?

Ang praktikal na resulta ng karanasan ng presensya ng Diyos ay kagalakan! Maraming Kristiyano ang namamanglaw at nakakaramdam ng kalungkutan dahil hindi nila nararamdaman ang presensya ng Diyos. Ang pakikisama ng Diyos ay matamis para sa mga lumalakad sa Panginoon sa pagsunod at pananampalataya. Ngunit ang matamis na pakikisama na nanggagaling sa pagsunod at pagtitiwala sa Diyos ay isang pakiramdam na hindi lumilipas. Ito ang nagpapalakas sa atin lalo na sa mga panahon ng pagsubok dahil, “ang kagalakan sa Panginoon ay ating kalakasan” (Nehemias 8:10). Isinulat ni Santiago na kapatid ng Panginoon, “ariin ninyong buong kagalakan, kung kayo'y mangahulog sa sarisaring tukso” (Santiago 1:2) dahil ang mga pagsubok ay nagpapalago sa ating pananampalataya at humuhubog sa ating katiyagaan. Kung nagtitiyaga tayo sa gitna ng mga pagsubok, napapatunayan natin sa ating sarili at sa iba na tunay ang ating pananampalataya, lumalakas ang ating pandama sa presensya ng Diyos at narararanasan natin ang kagalakang nagmumula sa Kanya.

Tinukoy ni David ang isang kagalakan na tanging ang mga matuwid lamang ang nakakaalam (Awit 16:11) — isang kagalakan na patikim lamang, dahil may higit na dakila at walang hanggang kagalakan ang ating mararanasan kung makita na natin ng mukhaan ang ating Panginoon sa darating na kaluwalhatian.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng karanasan ng presensya ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries