settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pinaniniwalaan ng preterismo (preterist) patungkol sa huling panahon?

Sagot


Ang pagkaintindi ng mga preterista sa Aklat ng Pahayag ay ang mga simbolikong paglalarawan ng kaguluhan sa iglesia hindi ang paglalarawan kung ano ang mangyayari sa huling panahon. Itinatatwa ng mga preterista ang mga literal na kahulugan ng karamihan ng mga hula sa Aklat ng Pahayag. Sa magkakaibang antas, pinagsasama sama ng preterismo ang mga alegorya at simbolikong interpretasyon at ang kanilang konsepto sa Aklat ng Pahayag ay hindi ito diumano patungkol sa mga literal na mangyayari sa hinaharap. Ang kilusang ito ay nagtuturo na ang lahat ng mga hula sa Bagong Tipan tungkol sa mga kaganapan sa huling panahon ay naganap ng lahat noong AD 70 ng salakayin at wasakin ng bansang Roma ang Jerusalem at Israel.

Ang mga sulat sa mga iglesya sa Pahayag kabanata 2 at 3 ay isinulat sa mga totoong iglesya sa unang siglo at may praktikal na aplikasyon sa mga iglesia sa kasalukuyan. Ngunit kung bibigyang kahulugan ang kabanata 22 at 23 sa parehong literal na paraan na katulad ng pag-unawa sa iba pang mga hula sa Bibliya, makikita na ang mga ito ay tunay ding mga pangyayari na magaganap sa hinaharap. Walang dahilan upang unawain ang mga hula sa Aklat ng Pahayag na mga alegorya lamang o hindi literal na mga pangyayari. Ang lahat ng mga hula sa Lumang Tipan tungkol kay Hesu Kristo ay literal na natupad. Halimbawa: ang kanyang pagdating ayon sa itinakdang kapanahunan (Daniel 53:5-9). Ang Kanyang kapanganakan sa pamamagitan ng isang birhen (Isaias 7:14). Ang kanyang paghihirap at kamatayan para sa ating mga kasalanan (Isaias 53:5-9). Ang mga ito ay ilan lamang sa mga daan-daang halimbawa ng mga hula sa Lumang Tipan na ibinigay ng Diyos sa mga propeta at nagkaroon ng literal na kaganapan sa itinakdang kapanahunan. Hindi namin lubos maisip kung bakit kailangang unawain ang mga hindi pa natutupad na hula sa Aklat ng Pahayag sa alegorikal na paraan at hindi sa normal na paraan.

Bilang karagdagan, ang mga preterista ay hindi mapagkakatiwalaan sa kanilang pagpapaliwanag sa aklat ng Pahayag. Ayon sa kanilang pananaw sa mga magaganap sa hinaharap, sinasabi nila na ang mga kabanata 6 hanggang 18 ng Pahayag ay simboliko at hindi tumutukoy sa mga literal na kaganapan. Ngunit pagdating sa kabanata 19, iniintindi nila ito sa literal na paraan. Sinasang ayunan nila ang literal na kahulugan ng kabanata 19 na si Hesus ay darating muli sa literal na kaparanaan. Pagkatapos, sasabihin na naman nila na ang kabanata 20 ay hindi na naman literal habang ang mga kabanatang 21 hanggang 22 ay kailangan diumanong intindihin ang ilang bahagi sa paraang literal ngunit hindi lahat. Hindi itinatanggi ng sinuman na ang Aklat ng pahayag ay naglalaman ng mga kahanganga-hanga at kung magkaminsan ay nakalilitong pangitain. Hindi rin maitatanggi na ilan sa mga larawan sa aklat ng pahayag ay hindi literal. Gayunman, ang itatwa ang mga literal na kahulugan ng mga piling kabanata at talata ng Pahayag ay sisira sa tamang pangunawa sa kahit anong aklat sa Bibliya. Kung ang mga tatak, trumpeta, mangkok, mga saksi, 144,000, halimaw, bulaang propeta, isang libong taon ng paghahari at iba pa ay simboliko lamang, anong batayan ngayon ng katuruan ng ikalawang pagparito ni Kristo at ang paglikha ng literal na bagong langit at bagong lupa na pinaniniwalaan ng mga preterista? Ito ang kabiguan ng preterismo - ang interpretasyon nila sa aklat ng Pahayag ay ayon sa opinyon lamang ng nagpapaliwanag. Sa halip na ganito ang mangyari, dapat nating basahin ang Aklat ng Pahayag at paniwalaan ang mga literal na kaganapan ng mga hulang nakasaad dito gaya din naman ng pag-intindi natin sa mga hula sa Lumang Tipan na nagkaroon ng literal na kaganapan sa Bagong Tipan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pinaniniwalaan ng preterismo (preterist) patungkol sa huling panahon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries