settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na si Hesus ang Prinsipe ng Kapayapaan (Isaias 9:6)?

Sagot


Sa hula ni Isaias tungkol sa darating na Mesiyas, kanyang sinabi:

“Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan” (Isaias 9:6).

Sa isang mundo na puno ng digmaan at karahasan, mahirap makita kung paanong si Hesus ang makapangyarihang Diyos na gumagawa sa kasaysayan ng tao at siya ring perpektong representasyon ng kapayapaan. Ngunit hindi ang pisikal na kaligtasan o pagkakasundo sa pulitika ang sumasalamin sa kapayapaang ikinakabit sa titulo ni Hesus (Juan 14:27).

Ang salitang Hebreo para sa salitang kapayapaan ay shalom, at ginagamit ito sa tuwina upang ilarawan ang pagiging kalmante at katahimikan ng isang tao, isang grupo o bansa. Ang salitang Griyego para sa kapayapaan ay eirene na nangangahulugan ng “pagkakaisa at pagkakasundo.” Ginamit ni Pablo ang salitang eirene upang ilarawan ang layunin ng Iglesya sa Bagong Tipan. Ngunit kung pagaaralan ng mas malalim, ang pundasyong kahulugan ng salitang kapayapaan ay “espiritwal na pagkakasundo na bunga ng pagpapanumbalik ng tao sa Diyos.”

Sa ating makasalanang kalikasan, mga kaaway tayo ng Diyos (Roma 5:10). “Datapuwa't ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin” (Roma 5:8). Dahil sa paghahandog ni Kristo ng Kanyang buhay, ibinalik Niya tayo sa isang mapayapang pakikipagrelasyon sa Diyos (Roma 5:1). Ito ay isang malalim at pangmatagalang kapayapaan sa pagitan natin at ng ating Manlilikha na walang sinuman ang makakaagaw (Juan 10:27–28) at ang perpektong kaganapan nito ay ang gawain ni Kristo bilang “Prinsipe ng Kapayapaan.”

Ngunit hindi lamang walang hanggang kapayapaan ang ipinagkaloob sa atin dahil sa paghahandog ni Kristo; ito rin ang dahilan ng pagkakaroon natin ng relasyon sa Banal na Espiritu, ang Katulong na nangakong gagabayan tayo (Juan 16:7, 13). Bukod pa rito, ang Banal na Espiritu ang magpapakahayag sa atin upang makapamuhay tayo ng isang uri ng buhay na hindi natin kaya sa ating sariling lakas, at pinupuno Niya ang ating puso ng pag-ibig, kagalakan at kapayapaan (Galacia 5:22–23). Ang pag-ibig, kagalakan at kapayapaang ito ay bunga ng pagkilos ng Banal na Espiritu sa ating mga buhay bilang mga mananampalataya. Ang mga bungang ito ang sumasalamin sa Kanyang pananahan sa atin. At bagama’t ang pinakamalalim at pinakamahalagang bunga ay ang pamumuhay natin sa pag-ibig, kagalakan at kapayapaan sa presensya ng Diyos, hindi maaaring hindi kumalat ang mga bungang ito at makaapekto sa ating relasyon sa ibang tao.

Kailangang kailangan natin ang kapayapaan – lalo na kung tinatawag tayo ng Diyos na mamuhay ng may iisang layunin kasama ang ibang mananampalataya sa diwa ng kapakumbabaan, kahinahunan at katiyagaan, “Namamanhik nga sa inyo akong bilanggo sa Panginoon, na kayo'y magsilakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag, ng buong kapakumbabaan at kaamuan, na may pagpapahinuhod, na mangagbatahan kayo-kayo sa pagibig; na pagsakitan ninyong ingatan ang pakikipagkaisa sa Espiritu sa tali ng kapayapaan” (Efeso 4:1–3). Ang pagkakaisang ito sa layunin at kahinahunan ay imposible kung wala ang Banal na Espiritu na Siyang gumagawa sa atin at kung wala ang kapayapaan na mayroon tayo sa Diyos. Salamat sa Diyos sa paghahandog ng Kanyang Anak.

Taliwas sa pinakamababaw na kahulugan ng kapayapaan, ang kapayapaan ng isang tao ay maaaring napakahirap na maunawaan at mapanatili. Wala tayong magagawa upang magkaroon o mapanatili ang espiritwal na kapayapaan sa harapan ng Diyos (Efeso 2:8–9). At habang maaaring napakahirap na mabuhay na kasama ng ibang mananampalataya sa diwa ng pagkakaisa, ang pagkakaroon ng kapayapaan sa ating mga buhay ay kadalasang nagiging imposible.

Pansinin na ang kapayapaan ay hindi nangangahulugan na “madali.” Hindi ni Hesus ipinangako na magiging madali ang anumang bagay para sa atin. Ang ipinangako Niya ay tulong. Sa katunayan, sinabi Niya na daraan tayo sa kahirapan (Juan 16:33) at mga pagsubok (James 1:2). Ngunit sinabi din Niya na kung tatawag tayo sa Kanya, bibigyan Niya tayo ng “kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip…” (Filipos 4:6–7). Gaano man kalaking hirap ang ating kinakaharap, makahihingi tayo sa Kanya ng kapayapaan na nagmumula sa makapangyarihang Diyos na hindi nakasalalay sa ating sariling kalakasan o sa anumang sitwasyon na ating kinalalagyan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na si Hesus ang Prinsipe ng Kapayapaan (Isaias 9:6)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries