settings icon
share icon
Tanong

Paano natin haharapin ang mga problema sa pagaasawa?

Sagot


Dahil sa makasalanang kalikasan ng tao, ang problema sa pagitan ng magasawa ay isang katotohanan ng buhay, maging para sa mga mananampalataya. Hindi kusang nangyayari ang pagpapakasakit sa sinuman. Para sa mga hindi mananampalataya, mahirap malutas ang problema sa pagitan ng magasawa dahil kung walang Kristo ang isang tao, wala siyang kakayahan na umibig ng walang kundisyon (Efeso 4:22-32). Sa isang banda, taglay ng mga Kristiyano ang Bibliya na siyang instruksyon para sa anumang relasyon. Ang paglalapat ng mga prinsipyo sa Bibliya sa relasyon ang magbibigay sa atin ng daan upang epektibong masolusyonan ang mga problema sa pagaasawa.

Ang una at pinakamahalagang prinsipyo sa paglutas ng mga problema sa relasyon, lalo't higit sa buhay magasawa ay ang pag-ibig sa isa't isa gaya ng kung paanong inibig tayo ni Kristo (Juan 13:34) na ibinigay ang Kanyang buhay para sa atin. Inilalarawan sa Efeso 5:21¬—6:4 ang relasyon sa pamilya: dapat tayong magpasakop sa isa't isa sa pag-ibig at unahin ang pangangailangan ng iba kaysa sa sa ating sariling pangangailangan. Higit itong kinakailangan sa relasyong magasawa kung saan dapat na ibigin ng lalaki ang babae gaya ng pag-ibig ni Kristo sa iglesya at dapat niyang alagaan ang kanyang asawa kung paanong inaalagaan niya ang kanyang sariling katawan. Bilang tugon, dapat namang magpasakop at igalang ng babae ang kanyang asawa (Efeso 5:22–33).

Tila ito ay isang simpleng utos ngunit likas sa tao na maging tagatanggap sa relasyon sa halip na kusang magbigay o kumilos. Karaniwang mas nagpapasakop ang mga asawang babae sa asawang lalaki na umiibig sa kanila na gaya ng pag-ibig ni Kristo sa iglesya. Gayundin naman, karaniwang iniibig ng lalaki ang asawang babae na gumagalang at nagpapasakop sa kanila. Ito ang problema. Ang bawat isa ay naghihintay sa kabiyak na maunang kumilos. Ngunit walang kundisyon ang utos ng Diyos para sa lalaki at babae. Ang pagpapasakop ay dapat na gawin ng babae hindi dahil iniibig siya ng lalaki at dapat na ibigin ng lalaki ang babae hindi dahil nagpapasakop siya sa lalaki. Ang pagsunod sa utos ng DIyos ay hindi nakasalalay sa aksyon ng kabilang panig at kung susundin ang prinsipyong ito, makakatulong ito sa paglutas sa mga problema sa buhay ng magasawa at sa pagbabago ng paguugali ng isa't isa.

Sa liwanag nito, sa tuwing nagkakaroon ng problema sa relasyong magasawa, ang unang hakbang sa paglutas sa problema ay ang pagsusuri sa sarili (2 Corinto 13:5). Pagkatapos nating dalahain sa Diyos ang ating mga hinaing at maging tapat sa ating mga sarili tungkol sa ating mga pagkakamali o makasariling pagnanais, maaari na nating ilapit sa iba ang ating problema. Bilang karagdagan, idinisenyo ng Diyos ang mga mananampalataya upang katagpuin ang pangangailangan ng bawat isa ng may kapayapaan (Colosas 3:15). Kailangan nating lahat ang biyaya ng DIyos para sa ating mga pagkakamali at dapat din tayong maging mapagbiyaya para sa iba sa pagpapaabot natin sa kanila ng ating mga pangangailangan at hinaing (Colosas 4:6).

Ang pagsasabi ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig ang susi upang pakinggan tayo ng iba dahil sa tuwing nararamdaman nila kung gaano sila kahalaga sa atin, saka lamang nila matatanggap ang masakit na katotohanan (Efeso 4:15). Ipinagtatanggol ng mga nakakaranas ng pagpuna at pagatake ang kanilang sarili at napuputol ang ating pakikipagkomunikasyon sa kanila. Kung mararamdaman ng isang tao na nagmamalaskit tayo sa kanila at nais natin ang mabuti para sa kanila, pagtitiwalaan nila tayo na sabihin sa kanila ang kanilang mga pagkakamali sa diwa ng pag-ibig at malasakit para sa kanilang kapakanan. Kaya nga, ang pagsasabi ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig ay lubhang kinakailangan para sa pagresolba ng mga hindi pagkakaunawaan. Ito ay totoong totoo sa sitwasyon ng magasawa kung saan ang patuloy na malapit na ugnayan sa isa't isa ang nagbigay ng sama ng loob ang nagiging dahilan ng pagdurusa. Ang damdaming nasaktan ay magbubunga sa masasakit na salita na magreresulta sa mas maraming sakit ng kalooban. Ang pagsasanay ng disiplina sa maingat na pagiisip at pananalangin bago tayo magbuka ng bibig ang maaaring pumutol sa ganitong paulit-ulit na pangyayari. Ang makadiyos na pakikipagusap ay pakikitungo sa ibang tao gaya ng kung paanong gusto nating pakitunguhan tayo ng iba (Lukas 6:31). Sinabi ng Diyos na mapalad ang mga taong gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, at ito ang ating layunin sa tuwina bilang mga Kristiyano (Mateo 5:9).

Napakaraming aspeto ang dapat isaaalang-alang sa relasyon, alitan, at komunikasyon, at puno ang Bibliya ng karunungan para sa makadiyos na pamumuhay. Narito ang mga partikular na utos sa Kasulatan kung paano natin dapat na pakitunguhan ang iba:

Upang magkaroon ng kalutasan ang mga problema ng magasawa, dapat nating gawin ang mga sumusunod:
Mamuhay ng mapayapa kasama ang isa't isa- Markos 9:50
Magibigan sa isa't isa — Juan 13:34; Roma 12:10; 1 Peter 4:8; 1 Juan 3:11, 23; 4:7, 11, 12
Palakasin ang loob ng bawat isa — Roma 14:19; Efeso 4:12; 1 Tesalonica 5:11
Maging pareho sa pagiisip — Roma 12:16
Pahalagahan ang isa't isa — Roma 12:10
Batiin ang isa't isa — Roma 16:16
Ituring ang iba na mas magaling kaysa sa iyo — Filipos 2:3
Maglingkuran sa isa't isa — Galacia 5:13
Tanggapin ang bawat isa — Roma 15:7
Maging tapat sa isa't isa — Roma 12:10
Makigalak at makitangis sa iba — Roma 12:15
Payuhan ang isa't isa — Roma 15:14; Colosas 3:16
Magmalasakitan sa isa't isa — 1 Corinto 12:25
Pagtiyagaan ang isa't isa — Roma 15:1-5; Efeso 4:2; Colosas 3:13
Maging mabuti at magpatawaran sa isa't isa — Efeso 4:32; Colosas 3:13
Magpasakop sa isa't isa — Roma 12:10; Efeso 5:21; 1 Peter 5:5
Aliwin ang bawat isa — 1 Thessalonians 4:18
Hamuning magpatuloy ang isa't isa — 1 Tesalonica 5:11; Hebreo 3:13
Maging mahabagin sa bawat isa — 1 Peter 3:8
Magpanalanginan sa bawat isa — James 5:16
Ipagtapat ang kasalanan sa isa't isa — Santiago 5:16
Tanggapin ang isa't isa — Roma 14:1; 15:7

Upang malutas ang mga problema ng magasawa, hindi dapat gawin ang mga sumusunod:
Magpayabangan — 1 Corinto 4:6
Hatulan ang isa't isa — Roma 12:16
Magsinungaling sa isa't isa — Colosas 3:9
Magkampihan — 1 Timoteo 5:21
Maginggitan — Galacia 5:26
Pagnasaan ang iba — Roma 1:27
Mamuhi sa isa't isa — Tito 3:3
Magdemandahan — 1 Corinto 6:1-7
Maggamitan — Galacia 5:15

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano natin haharapin ang mga problema sa pagaasawa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries