settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa problema sa pamilya?

Sagot


Hindi na bago ang mga problema sa pamilya. Sa makasalanang mundo, ang mga taong dapat sana nating mahalin ng higit kaninuman – ang ating sariling pamilya – ang lagi din nating nakakagalit. Hindi pinagtakpan ng Bibliya ang mga kasalanan at itinala dito ang mga problema sa pamilya, mula sa paninisi ni Adan kay Eba (Genesis 3:12). Nagkaroon ng paligsahan sa magkapatid na si Cain at Abel, sa magkapatid na sina Jacob at Esau, at sa mga kapatid ni Jose. Ang pagseselosan sa pagitan ng mga asawa – isa sa mga negatibong resuta ng pagkakaroon ng maraming asawa – ay makikita sa mga kuwento ni Hannah, Leah, at Racquel. Nagkaroon ng problema sina Eli at Samuel sa kanilang mga anak na matitigas ang ulo. Muntik ng mapatay ni Saul ang kanyang anak na si Jonathan. Nagdamdam ng labis si David sa pagrerebelde sa kanya ng anak na si Absalom. Nagkaroon ng maraming problema si Propeta Oseas sa kanyang asawa. Sa bawat isa sa mga kasong ito, ang kasalanan ang sumira sa relasyon.

Napakaraming sinasabi ang Bibliya tungkol sa pakikipagrelasyon, kabilang ang relasyon sa mga kapamilya. Ang pamilya ng unang institusyon na itinatag ng Diyos para sa pakikipagrelasyon ng tao sa kapwa tao (Genesis 2:22–24). Lumikha Siya ng isang babae upang maging asawa ni Adan. Sa pagbanggit sa pangyayaring ito, Sinabi ni Jesus, "Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao" (Mateo 19:6). Plano ng Diyos para sa isang lalaki at isang babae na manatiling magasawa habang buhay. Nais Niyang pagpalain ang pagsasamang ito ng mga anak na palalakihin sa "turo at pangaral ng Panginoon" (Efeso 6:4; tingnan din ang Awit 127:3). Maraming problema sa pamilya ang magaganap kung sasalungatin natin ang disenyo ng Diyos – halimbawa, nagiging dahilan ng problema sa pamilya ang pagaasawa ng marami, pangangalunya, at diborsyo dahil ang mga gawaing ito ay pagsalungat sa orihinal na plano ng Diyos.

Nagbibigay ang Bibliya ng malinaw na alituntunin kung paano tatratuhin ng bawat miyembro ng pamilya ang isa't isa. Plano ng Diyos para sa mga asawang lalaki na ibigin ang kani-kanilang asawa kung paanong inibig ni Kristo ang Iglesya (Efeso 5:25, 33). Dapat namang igalang ng mga asawang babae ang kani-kanilang asawa at magpasakop sa kanilang pangunguna (Efeso 5:22–24, 33; 1 Pedro 3:1). Dapat namang sundin at igalang ng mga anak ang kanilang mga magulang (Efeso 6:1–4; Exodo 20:12). Gaano karaming problema sa pamilya ang malulutas kung susundin ng magasawa at mga anak ang mga alituntuning ito?

Sinasabi sa 1 Timoteo 5:8 na dapat na ingatan at katagpuin ng pamilya ang kanyang sariling pangangailangan. May mabigat na pananalita ang Panginoong Jesus para sa mga taong umiiwas sa pinansyal na responsibilidad sa kanilang magulang at ginagamit na dahilan ang pagbibigay ng kaloob sa templo (Mateo 15:5–6).

Hindi isang bagay na natural nating gustong gawin ang susi sa pagkakaisa sa pamilya. Sinasabi sa Efeso 5:21, "Pasakop kayo sa isa't isa bilang tanda ng inyong paggalang kay Cristo." Direktang lumalaban sa nasa ng ating laman ang pagpapasakop dahil nais ng laman na sundin ang sariling kalooban at gawin ang nais niyang gawin. Ipinaglalaban natin ang ating karapatan, isinusulong ang ating sariling layunin, at ipinipilit ang ating sariling naisin hangga't maaari. Ngunit ang nais ng Diyos ay ipako natin sa krus ang ating sariling laman (Galacia 5:24; Roma 6:11) at tumugon tayo sa mga pangangailangan at kagustuhan ng iba sa abot ng ating makakaya. Si Jesus ang ating hurawan sa pagpapasakop sa kalooban ng Diyos. Sinasabi sa 1 Pedro 2:23, "Nang siya'y insultuhin, hindi siya gumanti ng insulto. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol."

Mababawasan ang mga problema sa pamilya kung susundin natin ang mga alituntunin sa Filipos 2:3–4: "Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili." Kung sasanayin natin ang pagpapakumbaba at tatratuhin ang iba gaya ng pagtrato sa atin ni Kristo, malulutas ang maraming problema sa ating pamilya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa problema sa pamilya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries